
Labis na Nagtanim ng Sama ng Loob ang Anak sa Kaniyang Ina Magmula ng Mangibang Bansa Ito; Nakakahabag Pala ang Kaniyang Dahilan
Huling taon na ni Jane sa hayskul noong una siyang nagkaroon ng nobyo. Sa isang pagpupulong sa paaralan noon nang makilala niya si Carlo. Mabait ang lalaki, magaling umawit, at talagang may kaaya-ayang hitsura.
Upang ‘di na pahabain pa, nagkagustuhan ang dalawa at nahulog ang loob sa isa’t isa. Naging maganda naman ang kanilang samahan, iyon nga lang, patago ito.
Dala ng kapusukan, nabuntis si Jane sa ikalawang semester ng unang taon niya sa kolehiyo. Bunso siya sa apat na magkakapatid at talagang mataas ang pangarap para sa kaniya ng mga magulang. Malakas talaga kasi ang personalidad ng dalaga kaya ganoon kalaki ang tiwala nila.
“Anak, bakit? Saan kami nagkulang? ‘Di ba palagi ka naman namin pinapaalalahanan?” naluluhang saad ng ina ni Jane.
“Sorry po, mama, papa… patawarin ninyo po ako,” lumuluhang tugon naman ng dalaga.
“E nariyan na ‘yan. Ano pa bang magagawa natin? Ang mahalaga ay maging malusog kayo ng batang dala-dala mo,” sabi pa ng ginang.
Mahirap man at mabigat sa dibdib, walang ibang pagpipilian ang mga magulang ng babae kundi tanggapin na lamang. Kailangan nilang ibigay ang buong suporta sa kalagayan ng anak.
Pinanindigan naman ni Carlo ang pagbubuntis ng nobya. Tumigil pansamantala sa pag-aaral ang babae subalit nagpatuloy naman ang lalaki.
Hindi nila magawang magpakasal dahil menor de edad pa si Jane. Mabilis lumipas ang mga araw at buwan, nakapagsilang siya ng ligtas sa isang malusog na bata.
Isang taon makalipas manganak, muling bumalik sa pag-aaral ang babae. Nagtratrabaho na noon si Carlo dahil natapos na niya ang 2-year course na kinuha.
Masaya pa ang pagsasama ng dalawa noong una. Para bang nagbabahay-bahayan lamang sila. May mga magulang din na handa silang suportahan.
Hanggang sa dumating ang araw na may nalaman si Jane. May iba pala ang kaniyang kinakasama.
“S-sino ‘tong Georgina? Bakit ganito ang palitan ninyo ng usapan?”
“Sorry…” mahinang sambit ni Carlo.
Napaluha na lamang si Jane. Hindi niya lubos akalain na lolokohin siya ng lalaki. Ngunit kahit ganoon, pinili niyang maging bulag, lalo na noong iwan siya ni Carlo para tuluyang sumama sa iba.
“Bumalik ka na ulit, please? Magsimula tayo. Para sa anak natin, balikan mo na ako, Carlo,” pagmamakaawa ni Jane.
“Pasensiya ka na, pero hindi na talaga ‘to magwo-workout,” malamig na tugon ng lalaki.
Parang t*nga na patuloy na nagmamakaawa ang babae kahit kitang-kita naman na masaya ang lalaki sa bagong ipinalit sa kaniya.
Lugmok na lugmok si Jane noon. Muntikan na rin siyang magkabagsak-bagsak sa pag-aaral dahil sa gabi-gabing puyat dulot ng labis na pag-iisip at pag-iyak. Wala na siyang lakas para mag-aral at bumangon.
Pero dahil sa suporta at pagmamahal ng magulang, unti-unting bumabalik ang siglang nawala kay Jane.
“Kailangan mong kayanin. Kailangan mong bumangon. Hindi titigil ang pag-ikot ng mundo dahil lang nasaktan ka,” paalala ng ina ni Jane.
Upang makalimutan ang masakit pangyayari, ginawa ni Jane lahat ng naisin niya at nagpakasaya ng sobra. Pero hindi niya namamalayan na napapabayaan na pala niya ang anak.
Buong linggo siyang wala habang nag-aaral dahil pinili niyang manatili na lamang sa dormitory. Tanging sa mga magulang niya inaasa ang pag-aalaga ng anak. Wala na talaga siyang oras na naibibigay para sa anak.
Nang makatapos, umalis si Jane upang magtrabaho sa Maynila. Dahilan para lalo silang magkahiwalay na mag-ina.
“Mama, ‘wag na po kayo umalis!” Pagmamakaawa ng bata ng anim na taong gulang na noon.
“Anak, kailangan ni mama na umalis para sa future mo. Kailangan ni mama magtrabaho ha?”
“Ayoko mama! ‘Wag mo ako iwan, please?” iyak nang iyak ang bata at ayaw bumitaw sa pagkakakapit sa kaniya.
Pagkalipas ng tatlong taon, lumipad si Jane patungong Qatar. Para iyon sa maganda kinabukasan ng anak niya. Wala naman din kasing tulong na ibinibigay ang ama ng bata dahil tuluyan na silang inabandona ng lalaki.
Mas malayong lugar, mas mahirap umuwi. Mas lumaki rin ang lamat sa kanilang relasyon na mag-ina. Kinalakihan na ng bata ang sama ng loob sa ina dahil palagi na lamang itong wala sa kaniyang tabi.
Dagdagan pa na lumaki ang bata na walang kinalakihang ama at wala rin ang ina sa tabi. Habang tinutupad niya ang pangarap para sa anak, nawala naman ang oras niya na kailangan ng bata habang lumalaki. Lahat ng iyon ay nagdulot ng matinding depresyon sa bata.
Nag-iba ang ugali ng bata at naging matigas ang ulo. Hindi na rin nito kinakausap ang ina dahil sa labis na galit na nadarama. Kaya’t matapos ang halos walong taon pag-aabroad, umuwi si Jane, pero hindi niya matanggap ang dinatnan.
“Bakit umuwi ka pa? Dapat dun ka na tuluyang nanirahan sa abroad! Kahit nandito o naroon ka pa, wala rin naman mababago, parang hindi ka pa rin naman maramdaman!
Dapat doon ka na nanatili. Nagpadala ka na lang sana ng nagpadala ng pera. Dun ka naman magaling e!” galit na bulyaw ng binatilyo nang dumating ang ina.
“A-anak ko…” naluluha si Jane sa naririnig. Hindi niya akalain na ganoon kalaki ang pagbabago sa ugali ng anak.
Lahat ginawa ni Jane upang suyuin ang anak. Pero walang epekto ang lahat ng iyon. Matigas ang loob ng anak. Isang araw umuwi pa ito na lasing na lasing.
“Anak, saan ka ba nanggaling? Diyos ko ang bata-bata mo pa para magsunog ng atay! Tigilan mo iyan ha?”
“Pakialam mo ba? Sino ka ba ha? Bakit nagpapaka-ina ka sa akin? Anong karapatan mong pagsabihan ako?”
“Ina mo pa rin ako! Irespeto mo pa rin ako!”
“Talaga? Akala ko inabandona na rin ako ng ina ko e, nandito pala siya? Wow!” sarkastikong sabi ng binata.
“Bakit ba hindi mo ako mapatawad? Lahat ginawa ko para sa’yo! Kasi gusto kong maging maayos ka. Gusto kong masiguro na maganda ang kinabukasan mo! Bakit ba hindi mo ako maintindihan?” nagtaas na ng boses si Jane.
“Ako ba inintindi mo? Hiniling ko ba lahat ng luho na ‘to? Tinanong mo ba ako kung anong gusto ko?” napaiyak na ang binata nang ibuhos ang saloobin.
“Lahat ng sakripisyo ko, para sa’yo kasi mahal kita, anak…”
“Hindi ko naman kailangan ng materyal. Hindi ko kailangan ng yaman. Bakit hindi ang gusto ko lang naman ay yung makasama ka! Gusto kong maramdaman na may ina ako.
Gusto kong maramdaman yung ginhawa sa mga yakap mo. Yung mga halik mo na magtatanggal ng takot ko. Yung sa tuwing madadapa ako may nanay ako na magbabangon sa’kin.
Ma, wala akong pakialam kung magdildil tayo ng asin! Wala akong ibang gusto kundi ang makasama ka lang! Oras mo yung kailangan ko, ma! Pero bakit napakahirap hingin no’n sa’yo?” hagulgol ng lalaki.
Napaluhod si Jane dahil totoo ang sinasabi ng anak. Guilty siya na totoong napakalaki ng pagkukulang niya bilang ina. Kaya’t hindi niya masisi ang anak kung bakit ganoon na lamang ang galit nito. Pero nais lang naman niya na mabigyan ng kinabukasan ang binata.
“Patawarin mo si mama, anak. Malaki ang pagkukulang ko sa’yo. Hayaan mong bumawi ako,” lumuluhang pahayag ng ina.
Humahagulgol si Jane at talagang napakalakas ng pagluha. Sinisisi niya ang sarili dahil sa kinalabasan ng mga pangyayari.
Lumapit ang binata at saka lumuhod rin sa harapan ng ina. Nanginginig na ipinatong nito ang mga palad sa pisngi ng ina at pinunasan ang mga luha.
“Gusto ko lang naman mayakap ka at madama ang pagmamahal mo, mama…”
Ibinukas ng binata ang mga braso at saka umakap sa ina. At sa unang pagkakataon sa mahabang panahon, ibinukas rin ni Jane ang mga braso upang yakapin ng nakapahigpit ang anak na matagal nang hindi nakasama.
Grabe ang luha ng binata nang madama ang init ng yakap ng ina sa unang pagkakataon. Napakatagal niyang inasam-asam ito. Ang tagal niyang inintay ang pagkakataon na iyon.
“Patawarin mo si mama…”
“I love you, ma… I’m sorry din po,” paghingi rin ng paumanhin ng binata.
“Mas mahal na mahal kita, anak ko.”
Magmula noon, naging malapit na ang mag-ina sa isa’t isa. Pilit nilang pinunan ang mga taong nagkawalay sila. Unti-unti, ang lamat na namuo ay naghilom. Ang koneksyon nawala ay nanumbalik.
Matapos ang ilang taon pagsasakripisyo, nagawa na rin ni Jane na maging full time nanay sa kaniyang anak. At simula ngayon, pangako niyang ilalaan ang panahon at oras upang alagaan at iparamdam sa anak ang tunay na pagmamahal ng isang ina.