
Niloko ng Ahensyang Nagpapaalis Patungong Ibang Bansa ang Isang Ginoo; Dahil sa Tinapay at Kape ay Mag-iiba ang Kaniyang Kapalaran
Dahil sa hirap ng buhay ay napilitan ang ginoong si Henry na iwanan ang kaniyang pamilya at magtrabaho sa ibang bansa. Kahit walang kasiguraduhan sa kaniyang kakaharapin doon ay mas minabuti na lamang niyang isugal ang kaniyang kapalaran baon ang pag-asa na makatagpo siya ng swerte sa ibang bansa.
“Sigurado ka ba sa papasukin mo, Henry? Baka mamaya ay niloloko ka lang ng agency na ‘yan!” saad ng asawa niyang si Minerva.
“Si Pareng Rodel naman ang nagpasok sa akin dito. Kaya tiwala ako kahit papaano. Hayaan mo kapag naging maganda ang trabaho ko sa ibang bansa ay agad nating mababayaran lahat ng pagkakautang natin para maka alis lamang ako,” tugon ni Henry.
“Higit kasi sa laki ng utang natin, mahal, mas nag-aalala ako sa kakaharapin mo sa ibang bansa. Hindi ka naman basta-basta makakauwi. Paano na lamang kung hindi talaga lehitimo ang sinasabi niyang ahensya na ‘yan. Hindi ko alam pero kakaiba kasi ang kutob ko,” wika ng nag-aalalang misis.
“Tama na ‘yan, Minerva. Wala tayong kakahantungan kung puro takot at kutob ang papairalin natin. Ipagdasal mo na lamang ako palagi. Nararamdaman ko talaga, mahal, doon natin makakamit ang ginhawa sa buhay!” buong loob na sambit ni Henry.
Hindi naglaon ay umalis na si Henry patungong ibang bansa. Lubusan ang kaniyang kasiyahan sapagkat alam niyang maganda ang dadatnan niya doon. Saka ito pa lamang ang unang beses na makakaalis ng bansa ang ginoo kaya punumpuno siya ng lakas ng loob at positibong pananaw.
Ngunit tulad ng kutob ni Minerva ay walang dinatnan na trabaho doon si Henry. Ang kumpanya na sinasabi ng ahensya na nagpaalis sa kanila ay matagal na pa lamang nabangkarote. Lubusang panlulumo ang kaniyang naramdaman. Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay pakiramdam niya’y muli niyang binigo ang kaniyang pamilya.
Dahil na rin nasa ibang bansa ay hindi na alam ni Henry ang kaniyang gagawin. Ni wala siyang lugar kung saan maaaring magpalipas ng gabi. Wala ding taong nais na tumulong sa kanila. Tiningnan niya ang kaniyang bulsa at tanging isang daang libong piso lamang ang laman. Ngunit kung ito ay gagastusin sa bansang iyon ay hindi pa sasapat para sa isang disenteng pagkain sa hapunan. Kaya bumili na lamang siya ng tinapay at kape.
Sa isang gilid ay doon nakita niya ang isang uugod-ugod at madungis na matanda. Nilalamig ito at halatang kumakalam ang sikmura. Dahil hindi niya matiis ang kalagayan ng matanda ay agad niya itong hinatian. Agad niya itong binigay sapagkat alam niyang mas malakas ang kaniyang pangangatawan kaysa sa matanda.
Nang ibigay niya ang pagkain sa matanda ay agad itong natawa.
“Kababayan ba kita?” wika nito. Nagulat naman si Henry at agad tumango.
“Ganoon na ba kadungis ang itsura ko para mapagkalaman mo akong pulubi?” natatawan nitong tanong.
“Pasensiya na po kayo. Hindi ko po gustong mabastos kayo,” paliwanag ng ginoo.
“Ayos lang! Totoo naman. Kaya siguro ayaw na rin umuwi sa akin ng mga anak ko. Mula umaga ay nandito na ako kakahintay sa panganay kong anak. Alam ko kasi madalas siyang tumambay diyan sa kainan na iyan. Kaso simula nang makita niya ako ay hindi na siya muling kumain diyan. Kaya ako, heto, umaasa na isang araw ay makita ko naman ang anak ko,” kwento ng matanda.
“O siya, tama na nga ang drama. Sa palagay ko din ay ayaw mo naman makinig sa mga kwento ko,” pagpapatuloy ng matanda. “Sa porma mo ay tiyak akong kakarating mo lamang dito. Niloko ka ng ahensya, ano?” dagdag pa nito. “Tara sumama ka sa akin. P’wede kitang tulungan ngayong gabi.”
Agad na sumama si Henry sa matanda upang sa gayon ay matutulugan siya ng gabi. Balak kasi niya na kinabukasan ay maghagilap ng trabaho o kaya ay ireport ang nangyari sa kaniya.
Nagulat na lamang siya ng makita ang maayos na tinitirahan ng matanda.
“I-ito po ang bahay nyo?” pagtataka ni Henry.
“Oo. Nakakalungkot nga at ipinagawa ko ang bahay na iyan para madalas kong makasama ang pamilya ko. Kaso, nauna na sakin ang asawa ko kasama ang bunso kong anak. Ang panganay ko naman simula ng mag-asawa at mabalitaang may sakit ako ay hindi na ako dinalaw kahit kailan. Siguro ay ganoon talaga kapag dito sa ibang bansa lumaki. Nakakalimutan ka na nila dahil matanda ka na at wala ka ng silbi,” wika ng matanda.
“Ginoo,” sambit ni Henry.
“Virgilio. Virgilio ang pangalan ko,” saad ng matanda.
“Ginoong Virgilio, baka nais po ninyo na ako na lamang po ang mag-alaga sa inyo kapalit ng pananatili ko dito hanggang makakuha po ako ng trabaho. Hindi ko po kasi alam kung paano sasabihin sa pamilya ko ang nangyari sa akin lalo pa’t marami kaming pagkakautang. Pangako ko po, hindi ako magiging sakit ng ulo ninyo,” pakiusap ng ginoo.
“H’wag kang mag-alala, Henry. Hindi mo kailangan na alagaan ang isang matandang tulad ko para lang manatili dito. May isa akong maliit na negosyo at nais ko sana na maging isa ka sa mga tauhan nito. Hindi lamang ganoon kalaki ang mapapasahod ko sa’yo pero tama lamang para may maipon ka habang narito ka,” saad ng matanda.
Lubusan ang tuwa ni Henry ng marinig ito. Hindi niya akalain na sa malas na kaniyang tinamo ay may kapalit pala itong swerte.
Pinag-igihan ni Henry ang kaniyang pagtatrabaho. Dahil sa pasasalamat din niya sa matanda ay bukal sa kaniyang puso na alagaan ito. Hindi niya ininda ang pagod sa opisina. Para sa kaniya ay tila nagkaroon siya ng isang pamilya sa ibang bansa. Kahit paano ay naibsan din nito ang pangungulila niya sa sarili niyang pamilya.
Makalipas ang ilang taon ay lumago ang negosyo. Dahil na rin sa katandaan ay pumanaw na rin si Mang Virgilio. Dahil doon ay nagkainteres ang panganay na anak ni Mang Virgilio na si Jaime. Nais nitong ibenta na lamang ang mga naiwan nitong ari-arian lalo na ang gumaganda nitong negosyo.
Masakit man sa kalooban ni Henry ay alam niyang wala siyang karapatan na makialam.
“P’wede ka nang umuwi sa Pilipinas. Pinapaalala ko lamang sa’yo, Henry. Ako ang legal na anak. Kaya kung ano man ang nais kong gawin sa negosyo ng daddy ko ay p’wede kong gawin,” sambit ni Jaime.
“Ngunit sana ay maisip mo na pinaghirapan ng ama mo na palaguin ang negosyo. ‘Yan lamang ang nagbigay ng lakas sa buhay niya habang ikaw ay wala sa tabi niya. Naging inspirasyon niya ang negosyong iyan para lalong magpalakas. Paano na lamang ang mga empleyado na sa negosyo ninyo umaasa upang mabuhay ang pamilya nila?” saad ni Henry.
Ngunit kahit ano pang paliwanag ni Henry ay hindi nakikinig ang panganay na anak ng matanda.
Hanggang isang abogado ang umawat sa kanilang pagtatalo.
“Nais ko kayong makausap,” saad ng abogado.
“Ikinalulungkot ko ang pagkawala ng Ginoong Virgilio. Ngunit may pagbabago sa iniwan niyang testamento,” sambit ng ginoo.
“Jaime, tinatanggalan ka ng lahat ng karapatan ng iyong ama sa lahat ng kaniyang ari-arian. Lahat ito ay isinalin siya sa pangalan ni Henry. Nais ko lamang ipabatid na alam ng ama mo ang gagawin mo sa lahat ng pag-aari niya at sa kaniyang naiwang negosyo. Upang maprotektahan ang mga empleyado niya ay iniiwan niya ang pangangasiwa nito kay Henry,” paliwanag ng abogado.
Hindi makapaniwala si Henry sa kaniyang narinig. Lubusan naman ang galit na naramdaman ni Jaime sa kaniyang ama at kay Henry. Sa galit nito ay hindi man lamang niya pinatapos ang seremonya para sa sariling ama at nilisan na ang lugar.
Samantalang si Henry ay nanatili sa tabi ni Mang Virgilio hanggang sa huli. Tinuloy niya ang lahat ng nasimulan ng matanda at lalo pang pinagyabong ang naiwan nitong negosyo. Dahil dito ay naisama na rin niya ng tuluyan ang kaniyang buong pamilya sa ibang bansa at doon na sila namuhay ng masaya at masagana.

Tanging Lumang Bahay Lamang ang Pamana sa Bunsong Nanatili sa Kanilang Tabi; Isang Lagusan Pala ang Maghahatid sa Kaniya sa Tunay na Pamana
