Inday TrendingInday Trending
Natupad ang Pangarap ng Matanda na Tumama sa Lotto Ngunit Niloko Siya ng Kaniyang Kasamahan sa Pagtitinda; ang Kaibigan Niyang Binata ang Gagawa ng Paraan

Natupad ang Pangarap ng Matanda na Tumama sa Lotto Ngunit Niloko Siya ng Kaniyang Kasamahan sa Pagtitinda; ang Kaibigan Niyang Binata ang Gagawa ng Paraan

Halos tatlong taon na ring magkaibigan ang binatang si Lemuel at ang matandang si Mang Andoy. Nagkakilala ang dalawa dahil nagtitinda sa tapat ng unibersidad na pinapasukan ng binata ang matanda. Madalas kapag bakanteng oras ni Lemuel ay tumatambay siya sa tabi ni Mang Andoy at nakikipagkwentuhan.

Matagal nang nagtitinda ng palamig itong si Mang Andoy sa nasabing lugar. Halos kinatandaan na nga niya ang pagbebenta nito. Nag-iisa na sa buhay at nakatira lamang sa isang silong si Mang Andoy. Ang tanging parangarap lamang niya ay makaranas ng ginhawa bago pa man siya datnan ng dapithapon ng buhay.

“Kalabaw lang ang tumatanda, Tatay Andoy!” wika ni Lemuel habang pinag-uusapan nila ni Mang Andoy ang pangarap nitong maginhawang buhay.

“Sa tingin mo, Lemuel, dadanasin ko pa ang inaasam kong maginhawang buhay sa tanda kong ito? Parang imposible na!” tugon ng matanda.

“Siyempre naman po, Tatay Andoy! Kayo na nga ang nagsabi sa akin na walang imposible sa pagdating sa pangarap,” saad ng binata.

“Hindi ako payayamanin kahit kailan ng pagtitinda kong ito. Sana tumama na lang ako sa lotto nang sa gayon ay mabilis nang dumating sa akin ang inaasam ko,” pabirong sambit ni Mang Andoy.

“Kaso may isa lang akong problema,” wika muli ng matanda. “Hindi nga pala ako tumataya sa lotto!” dagdag pa niya. Sabay tawanan ng dalawa.

“Siguro ay simulan niyo nang tumaya sa lotto, ‘tay! Baka nga mamaya ay swertehin kayo! Balato po, a!” pabirong sambit din ni Lemuel. “O siya, tay, alis na po ako. Mahuhuli na pala ako sa isang klase ko. Ito po bayad ko po sa nainom ko,” wika pa ng binata sabay abot ng singkwenta pesos sabay karipas ng takbo.

“Sobra-sobra ito, Lemuel! Hoy! Bumalik ka rito!” sigaw ni Mang Andoy. Napailing na lamang siya sa ginawa ng binata.

Matapos ang araw na iyon ay naisipan niya na bakit nga hindi kaya siya tumaya sa lotto. Wala namang mawawala. Isa pa, sobra lang naman ito sa ibinayad ng kaniyang anak-anakang si Lemuel. Nangako siya sa sarili na ito na ang una at huling pagtaya niya sa lotto.

“Kung tatama, ‘e ‘di mabuti. Kung hindi naman, hindi na ako tataya kailan pa man,” wika ni Mang Andoy sa sarili.

Bago makauwi ng bahay ay dumaan muna siya sa isang outlet ng lotto at doon tumaya. Inilagay niya ang tiket sa dala-dalang booklet upang hindi ito malukot. Pagka-uwi ng bahay ay agad siyang kumain ng hapunan at nagpahinga. Dahil sa pagod ay nakalimutan na ng matanda na nung gabi ding iyon ang bolahan ng lotto.

Naalimpungatan si Mang Andoy ng madaling araw at agad naghanda ng kaniyang mga paninda. Lumabas siya ng bahay para bumili ng pandesal at saka ng dyaryo. Saka niya naalala na tumaya nga pala siya sa lotto.

Napapailing na lamang si Mang Andoy sapagkat alam niyang napakaimposible na manalo siya sa lotto. Lalo pa na ang mapapanalunan ay mahigit isang daang milyong piso.

“Sige nga, tingnan ko ang swerte ko. Milyonaryo na pala ako tapos hindi ko pa alam,” natatawang biro niya sa sarili.

Ngunit ang biro na ito ay lubusanniyang ikinabigla sapagkat hindi siya makapaniwala na siya ang kaisa-isang nanalo ng dyakpat!

Hindi mapakali ang matanda. Agad niyang inilagay muli ang tiket sa kaniyang booklet at pinilit pakalmahin ang sarili. Nais niya na magtinda pa rin siya nang araw na iyon upang sa ganoon ay malaman niya ano nga ba ang dapat niyang gawin.

Nang tanghali ay nagkita muli ang magkaibigan.

“Lemuel, may sasabihin ako sa’yo. Pero sa atin lang ito,” bulong ng matanda.

“Natupad na ang pangarap ko! Nanalo ako sa lotto!” pag-amin niya.

“Totoo ba ‘yan, ‘tay? Ang lakas niyo talagang magbiro!” natatawang sambit ni Lemuel.

Agad na ipinakita ni Mang Andoy ang tiket at lubusan din ang pagkabigla ni Mang Andoy.

“Tatay Andoy, may napagsabihan na po ba kayong iba nito?” tanong ng binata.

“Ikaw pa lang saka si Mando, maalam kasi siya sa mga ganito, hindi ba? Marami siyang koneksyon. Ang sabi nga niya sa akin ay ibigay ko raw sa kaniya ang tiket at sasamahan niya akong ipapalit ito. Hindi ko alam ang mararamdaman ko, Lemuel. Lahat ng pangarap ko ay matutupad na. Siyempre, babahagian kita!” paglalahad ng matanda.

“Wala kong tiwala kay Mang Mando, tay. Hindi ba siya rin ‘yung sabi niyong tutulong sa inyo nung kinumpiska ng mga tanod ang paninda ninyo noong nakaraang taon. Tapos, wala naman siyang ginawa. Sinalba lamang niya ang sarili niya,” sambit ng binata.

“Ngayon nga daw gustong bumawi sa lahat ng nagawa niya. Pabayaan mo na. Saka iba na rin ‘yung may kasama ako kasi nga nakakatakot ang ganitong sitwasyon. Hindi pa ako nakahawak ng ganitong kalaking halaga ng pera,” wika ni Mang Andoy.

Ngunit kahit anong paliwanag ni Mang Andoy ay hindi pa rin kumbinsido ang binata.

Kinabukasan ay naabutan na lamang ni Lemuel na kausap ni Mang Andoy si Mang Mando kaya patakbo siyang lumapit sa mga ito.

“‘Tay!“ tawag ni Lemuel.

“Lemuel, mabuti na lamang at nandito ka. May saksi ako,” pabirong sambit ni Mang Andoy. “Si Mando na lang daw ang kukuha ng pera kasama niya ang ibang tauhan sa baranggay para eskortan siya. Mas mainam na iyon at ligtas ang buhay ko,” sambit ng matanda.

“Ganoon po ba? Kayo po ang bahala. Patingin nga po ulit ng tiket niyo ‘tay?” saad ng binata. Agad namang inilabas ni Mang Andoy ang kaniyang booklet.

At dahil parang nakakakutob na rin si Mando na baka hind pa matuloy ang kanilang transaksyon ay minadali niya ang matanda na hingin ang tiket. Iniabot naman ito agad ng matanda.

“O siya, Andoy, aalis na kami. Hintayin mo na lamang kami dito,” wika ni Mang Mando.

Agad na sinundan ni Lemuel ang lalaki at doon niya napakinggan ang usapan ni Mang Mando at kasama nito na wala pala talaga silang balak na ibigay sa matanda ang nasabing pera. Agad niya itong sinabi kay Mang Andoy na lubusan ang galit at pagsisisi sa kaniyang nagawang desisyon.

“Huwag kayong mag-alala, ‘tay. Ako po ang bahala sa inyo. Tara po at sumama kayo sa akin. Magpapasama po tayo sa kakilala ng papa ko na pulis,” wika ni Lemuel.

Habang nasa sasakyan ay labis ang hinagpis ni Mang Andoy. Kung maibabalik niya lang ang oras ay hindi na niya sasabihin pa kay Mando ang pagtama niya sa lotto.

“Huwag na kayong malungkot, ‘tay. Buksan nyo po ang booklet niyo,” saad ng binata.

Doon ay nakita ni Mang Andoy ang tiket ng kaniyang tinayaang lotto.

“N-ngunit p-paano? P-paanong nangyari ito?” lubusang pagtataka ng matanda.

“Nakutuban ko po kasi na lolokohin kayo niyang si Mang Mando kaya gumawa po ako ng pekeng lotto tiket. Iyon po ang naiabot natin sa kaniya kanina. Ito po ang ballpen, pirmahan niyo na po ang tiket niyo para hindi na ito muli pang manakaw sa inyo,” saad ni Lemuel.

Laking tuwa at pasalamat ni Mang Andoy kay Lemuel.

Sa tanggapan kung saan kukuhain ni Mang Andoy ang kaniyang tiket ay nakita niya si Mando na sinusubukan na ipapalit ang pekeng tiket. Dahil narinig mismo ni Lemuel ang balak ni Mando ay matindi ang ebidensya nila laban sa lalaki atagad itong dinampot.

Sa wakas ay tuluyan nang nakuha ni Mang Andoy ang kaniyang panalo. Sa puntong iyon ay hindi niya alam kung paano niya pasasalamatan ang kaibigang si Lemuel bukod sa pagbibigay niya ng parte nito. Dahil sa wakas ay matutupad na ang kaniyang pangarap na mabuhay ng masagana.

Advertisement