
Naiirita ang Binatilyo Kapag Tinatawag Siya ng Paralitikong Ama Upang Magpaalalay; Paano Kaya Mababago Ito?
“Andres, anak… puwede ka bang maabala? Kailangang umihi ng Papa mo. Pakialalayan muna ulit siya saglit, at nagluluto ako ng ating pananghalian.”
Napatingin na lamang si Andres sa kaniyang inang si Aling Bebang, habang siya naman ay kasalukuyang buhos na buhos sa kaniyang laptop, dahil kailangang-kailangan niyang habulin ang kaniyang requirement para sa isang asignatura. Kung kailan pa naman tuloy-tuloy na ang daloy ng mga ideya sa kaniyang isipan, saka naman siya inistorbo. Nakaramdam ng inis ang binatilyo.
Naramdaman ni Aling Bebang ang iritasyon sa mukha ni Andres.
“Pasensya na anak, kailangang-kailangan lang talaga niyang umihi. Pero sige na nga, ako na lang, at baka kailangang-kailangang ipasa iyang ginagawa mo…”
“Hindi Ma, okay lang po, ako na po…” sagot ni Andres. Sa isip-isip niya, naistorbo na naman na siya eh. Sana kanina niya naisip na huwag siyang istorbohin.
Nagtungo na si Andres sa silid ng kaniyang paralitikong ama. Naaksidente ito sa trabaho noon bilang isang karpintero. Pasalamat na lamang at nabuhay pa siya, subalit pagiging paralitiko na nga lang talaga ang kinalabasan nito.
Nagulat siya dahil basa na ang salawal nito. Hindi na kinaya ang labis na pagkaihi. Minsan, hindi na nito mapigilan ang tawag ng kalikasan.
“Pa… sana nakapaghintay kayo,” naiiritang sabi ni Andres. Kinuha niya ang tuwalya nito upang punasan ang naihiang binti. Hinubad niya ang salawal nito upang mapalitan ng bago. Kinuha niya ang bimpo upang mapunasan ang maselang bahagi ng katawan ng ama at maalis ang panghi.
“Pasensya ka na anak, hindi ko na mapigilan,” nahihiyang paghingi ng dispensa ng kaniyang Papa. Hindi na lamang kumibo si Andres dahil gusto na niyang matapos ito, upang makabalik na siya sa kaniyang gagawin.
“Kailangan po sigurong gumamit na kayo ng adult diaper, Pa. Hindi na ninyo makontrol ang pag-ihi ninyo. Baka sa susunod eh dumi naman,” may diin sa pagsasalita ni Andres. Alam niyang ayaw ng kaniyang ama ang pagsusuot ng naturang diaper.
“Anak… pagpasensyahan mo na ang Papa mo…”
“Pa, tama na ho. Okay na po,” saad ni Andres. Tumayo na siya at binitbit ang mga tuwalya at bimpong ginamit niya sa pagpunas sa katawan nito, gayundin ang salawal nitong tigmak sa ihi. Minabuti niyang sansalahin na ang anomang sasabihin nito dahil tiyak na magdadrama na naman ito, at ayaw na niyang marinig ito.
Simula nang maparalisa ang kaniyang Papa, si Andres na ang umaalalay rito, at dahil si Aling Bebang na rin ang nagtaguyod sa kanila. Gusto sana niyang mag-aral nang pisikal sa isang pamantasan, subalit minabuti na lamang niyang mag-enrol sa isang open university. Sa open university, hindi kailangang magtungo sa paaralan upang pumasok sa klase dahil ginagawa ito online.
Kaya lang, sa tuwing nag-oonline class na siya o kaya naman ay may tinatapos siyang gawain, saka naman niya kailangang daluhan ang mga pangangailangan ng ama, gaya ng simpleng pagtungo sa palikuran.
Sa paghahanap ni Andres sa mga tuwalyang ibibigay sa ama, hindi sinasadyang matabig niya ang isang maliit na kahon. Sumambulat ang laman nito. Mga kung ano-anong abubot gaya ng lumang barya, pulseras, lumang singsing at mga nakatuping papel ang laman nito. Subalit ang umagaw sa kaniyang atensyon, ang mga lumang larawan nila ng kaniyang ama, noong siya ay sanggol at maliit pa.
Isa-isa niyang tiningnan ang mga larawan. Makikita sa isang larawan na kalong-kalong siya ng kaniyang Papa. Sa isa namang larawan, makikitang nasa parke sila, inaalalayan siya nito sa magkabilang kamay habang siya ay nagsasanay sa paglalakad at hindi pa gaanong malakas ang mga binti. Subalit ang mas nakatawag ng kaniyang pansin, ang larawan nitong masayang-masaya habang pinapalitan siya ng lampin.
“Masayang-masaya ang Papa mo kapag siya ang nagpapalit ng lampin mo noong sanggol ka pa lamang,” nakangiting saad ni Aling Bebang. Hindi niya namalayang nasa likod na niya ang ina.
“Ngayon ko lang po nakita ang mga litratong ito,” saad ni Andres.
“Ah oo. Iningat-ingatan ng Papa mo para makita raw niya yung mga panahong nakakalakad pa siya. Mabuti nga’t masinop siya sa mga ganiyan,” saad ni Aling Bebang.
May kung anong kurot sa damdamin ang naramdaman ni Andres. Noong bata siya, matiyaga siyang inalagaan at pinapalitan ng lampin ng kaniyang Papa kapag basa na ito sa ihi. Matiyaga siyang inalalayan sa kaniyang pagsasanay sa paglalakad.
Hindi kailanman nagreklamo, sa halip ay masaya pa.
Ngayon, nagkabaligtad ang kanilang sitwasyon. Siya ngayon ang nagpapalit sa basang salawal ng kaniyang Papa kapag hindi na nito mapigilan ang pag-ihi. Siya ngayon ang nagsisilbing tungkod nito kapag kailangan nitong magpunta sa isang lugar.
Marami siyang reklamo. Minsan, nagdadabog pa.
Kaya naman, sa pagbibigay niya ng panibagong tuwalya rito, hindi napigilan ni Andres na yakapin ang kaniyang Papa. Ipinakita niya rito ang mga litrato nila. Nasilayan niyang muli ang ngiti sa mga labi nito, na kaytagal na niyang hindi nakita simula nang maaksidente ito. Pangako niya sa kaniyang sarili, hinding-hindi na siya maiinis o magdadabog kapag kinailangan siya ng kaniyang ama; siya ang tungkod nito.