Inday TrendingInday Trending
Galit na Galit ang Ama ng Dalaga Nang Tumutok Siya sa Pagsusulat at Talikuran ang Karera; Mapatunayan Kaya Niyang Tama ang Kaniyang Pagpapasya?

Galit na Galit ang Ama ng Dalaga Nang Tumutok Siya sa Pagsusulat at Talikuran ang Karera; Mapatunayan Kaya Niyang Tama ang Kaniyang Pagpapasya?

“Ano ka ba naman Cely! Hindi ka ba nag-iisip? Sasayangin mo ang career mo dahil sa pagsusulat lang? Hindi iyan ang pangarap ko sa iyo. Ang nais ko sa iyo, maging mahusay kang abogado! O kaya naman mamamahayag, o kahit pagiging guro! Basta nagsasalita!”

Galit na galit si Mang Faustino, ang ama ni Cely, sa desisyon niyang talikuran ang kaniyang trabaho bilang brand ambassador ng isang produkto at magpokus na lamang bilang full-time content writer sa isang blog site na nagpapahatid ng mga balita, lathalain, o kuwento sa iba’t ibang paksa, na naipapahatid sa lahat sa pamamagitan ng social media.

“Pa, ito po ang gusto ko. Dito po ako masaya,” nakatungong paliwanag ni Cely sa ama. 23 taong gulang na siya, nasa hustong edad, subalit patuloy pa rin siyang tila kinokontrol ni Mang Faustino. Ang kaniyang ina namang si Aling Cecilia, kung saan hinango ang tunay niyang pangalan na Cecille, ay suportado lamang ang kaniyang mga desisyon sa buhay.

“Faustino, hayaan mo na ang bata. May sapat naman na siyang ipon, at kayang-kaya na niyang huwag munang magtrabaho, kung ang pagkakaroon ng commission ang inaalala mo sa tuwing nakakabenta siya ng produkto nila. Malaki rin naman ang kikitain niya sa pagsusulat, lalo na kapag may nag-viral o trending sa kaniyang mga isinulat,” sansala naman ni Aling Martha sa mister.

“Hindi iyon ang punto ko, Martha! Para sa akin, mas malawak ang magiging impluwensiya mo sa tao kapag mahusay kang magsasalita, kapag naipapahayag mo ang iyong sarili! Tingnan ninyo ako. Kung hindi lang ako nagretiro, malamang ako na ang CEO ng aming kompanya dahil sa husay ko sa pagsasalita. I am very articulate and spontaneous! Mataas ang pagtingin ko sa mga taong matatas magsalita at mahuhusay magpahayag ng kanilang mga opinyon at ideya. Paano mo mahahasa ang speaking skills mo kung uupo ka lang maghapon sa harapan ng laptop mo at magsusulat?” saad pang muli ni Mang Faustino.

“Pa, maniwala po kayo sa akin. Mas nakikita ko po ang purpose ko sa buhay dahil sa pagsusulat ko. Maniwala po kayo sa akin. I can touch lives sa paraang alam ko,” paninindigan ni Cely. Hindi na lamang kumibo ang kaniyang ama, subalit simula nang insidenteng iyon, hindi na siya nito kinikibo. Para lamang siyang dumaang hangin.

Maliit pa lamang si Cely, alam na niyang ang passion niya ay pagsusulat. kahit na lagi siyang isinasali ng ama sa mga paligsahan sa talumpatian, deklamasyon, debate, at iba pang gawaing mas binibigyang-tuon ang husay sa pakikipagtalastasan at pagsasalita, mas maligaya si Cely kapag siya ay nakasusulat ng kuwento o tula. Marami siyang mga kuwento, tula, at mga memoir na naisulat sa kaniyang mga kuwaderno, subalit wala siyang lakas ng loob upang ipabasa ito kaninuman.

Hanggang sa isang araw, nag-post siya ng kaniyang kuwento sa social media. Marami ang nakabasa nito, at pinusuan ito. Nakatanggap siya ng mensahe mula sa editor ng isang blog site, na humimok sa kaniya upang pasukin ang blogging. Pumayag siya. Iyon na ang simula nang kaniyang pamamayagpag bilang manunulat.

Hindi niya makakalimutan ang kasiyahang naramdaman nang makita ang napakaraming likes at shares ng unang blog na kaniyang ginawa. Lalo na nang mapabilang ito sa mga top articles nila, kaya nagkaroon siya ng bonus. Nagtuloy-tuloy na ang kaniyang pagsusulat, hindi na mabilang sa daliri ang mga blogs, kuwento, at artikulong naging trending dahil sa kaniyang paraan ng pagkakasulat. Kaya naman nagdesisyon siyang magbitiw sa kaniyang full-time job at tumutok na lamang sa pagsusulat.

Malaki-laki rin naman ang kaniyang kinikita sa pagsusulat, subalit di-hamak na mas malaki ang kaniyang kikitain kapag ipinagpatuloy niya ang pagiging brand ambassador; bukod pa kasi sa suweldo at bonus, may komisyon pa siyang matatanggap kapag nakapag-close siya ng deal o nakabenta ng produkto.

Makalipas ang tatlong buwang pagfu-full-time bilang manunulat, isang hindi inaasahang tawag ang nakatanggap ni Cely. Mula ito sa isang TV network. Kakapanayamin daw siya dahil siya raw ang naging tulay upang mahanap ng isang ginang ang kaniyang nawawalang ina, na naitampok niya sa kaniyang blog na nagtitinda ng mga ginantsilyong lalagyanan ng cellphone, pera, baunan ng tubig, atbp, na makikita sa ilalim ng tulay. Pinaunlakan naman ito ni Cely, at doon, idinetalye niya ang lahat ng kaniyang mga pinagdaanan bilang manunulat.

Makalipas ang isang linggo, umere na nga sa telebisyon ang kaniyang panayam. Marami palang nabibigyan ng inspirasyon ang mga isinusulat nilang manunulat sa naturang blog site. Nagagawa nitong maging tulay sa mga mag-inang nagkakawalay, nagagawa nitong mabigyan ng pag-asa ang mga lugmok, nagagawa nitong maging masaya ang isang malungkot at nagnanais na tapusin na lamang ang lahat.

Umaapaw ang puso ni Cely sa labis na kaligayahan. Hindi siya magkamayaw sa napakaraming mensahe ng pasasalamat na isa-isa niyang tinutugunan, mula sa mga kaibigan, kakilala, dating katrabaho, at maging sa mga di-kilalang tao, na nagsasabing isa siyang inspirasyon at ipagpatuloy lamang niya ang kaniyang pagsusulat.

Matapos ang panonood, bumalik na sa kaniyang workspace si Cely. Handa na siyang magsulat. Subalit natigilan siya nang may isang kamay na naglapag ng isang tasa ng kape sa kaniyang mesa. Pag-angat niya ng mukha, si Mang Faustino.

“Kape, para hindi ka antukin sa pagsusulat mo,” nakangiting sabi ni Mang Faustino.

Simple lamang ang akto at pahayag nito, subalit hindi napigilan ni Cely na mapatayo, mapaluha, at mayakap ang kaniyang ama. Alam niyang nauunawaan na nito ang lahat.

“Patawarin mo ako, anak. Ngayon, alam ko na… patuloy kang maging inspirasyon sa lahat ng mga mambabasa mo, patuloy mo silang abutin sa pamamagitan ng panulat mo. Ipinagmamalaki kita!” saad ni Mang Faustino.

Masiglang binuksan ni Cely ang kaniyang laptop. Musika sa kaniyang pandinig ang tunog na nalilikha ng kaniyang mabilis na pagtipa sa external keyboard na ikinabit niya rito. Mas punumpuno siya ng enerhiya at inspirasyon ngayon. Bumabalong ang mga letra, salita, at ideya. Hindi dapat palagpasin.

Marami pa siyang susulatin.Marami pa siyang lilikhain. Marami pa siyang aabutin.

Advertisement