
Ipinagtanggol Niya ang Bata Mula sa Maling Akusasyon; Makalipas ang Ilang Taon ay Ito ang Igaganti ng Bata
“Magnanakaw kang bata ka!”
Mula sa pagbebenta ng gulay ay naagaw ang atensiyon ni Ramil nang marinig niya ang galit na galit na sigaw ng isang babae.
Nang makiusyoso siya sa tumpok ng tao ay nakita niya ang panduduro ng isang ale sa isang binatilyo.
“Hindi! Hindi po ako ang kumuha!” Nanlalaki ang mata nito habang mariing itinatanggi ang paratang ng babae.
“Paanong hindi ikaw? Eh ikaw lang naman ang bumangga sa akin? Sa itsura mong ‘yan sigurado ako na isa kang magnanakaw!” Patuloy ang hayagang pang-aakusa ng babae.
Sinipat ni Ramil ang binatilyo. Payat ang pangangatawan nito. Nakasuot ito ng isang kupas na T-shirt na pinutulan ng manggas at pulang jersey shorts na halos burado na ang kung anong nakatatak. Hawak nito sa kanang kamay ang isang supot na sa tingin niya ay naglalaman ng binili nito mula sa palengke.
“Hindi, hindi po totoo ‘yan! Bumili lang po ako ng isda na pang-ulam!” pangangatwiran ng bata. Sa mukha nito ng nakalarawan ang pagkabalisa dahil hindi naniniwala ang kausap na babae sa sinasabi nito.
Marahas na hinigit ng ale ang hawak nitong supot, dahilan upang kumalat ang bilasang isda na binili ng bata.
“Ayan! Kita mo na? Ni hindi ka nga makabili ng maayos na pang-ulam. Ngayon mo sabihin sa akin na hindi ikaw ang nagnakaw ng pitaka ko!” nang-uuyam na sigaw ng babae sa pobreng bata.
Nakadama ng awa si Ramil sa binatilyo nang mangiyak-ngiyak nitong pulutin at ibalik sa supot ang nagkalat na isda.
Bakas ang hiya sa mukha ng bata. Unti-unti na kasing dumarami ang nagmamasid sa agaw-eksenang tagpo na iyon.
“Halika, sumama ka sa akin sa pulis! Tingnan ko kung hindi ka mapaamin!” Pilit na kinaladkad ng babae ang batang nagmamakaawa.
“Maawa po kayo! Hindi po ako masamang tao!” pagmamakaawa ng binatilyo.
Si Ramil na kanina pa nag-oobserba ay nakaramdam ng ‘di maipaliwanag na galit sa babaeng walang awang ipinahiya ang binatilyo.
“Sandali lang ho!” malakas na sigaw niya bago pa makalayo ang dalawa.
Taas ang kilay na nilingon siya ng babae.
“Bakit ho?” mataray na tanong nito.
“Eh kanina niyo pa ho kasi inaakusahan ang bata, gayong sinabi niya na hindi siya ang kumuha. May ebidensiya ho ba kayo na siya nga ang kumuha ng pitaka niyo?” mariing tanong niya sa ale.
Matagal bago ito nakapagsalita.
“Eh siya lang naman–”
Pinutol niya ang anumang sasabihin ng babae.
“Alam ko ho na nabangga kayo ng bata. Kaso, meron ho ba kayong ebidensiya? Nakita niyo ba na siya ang kumuha? Kasi kung mapapatunayan na hindi siya ang kumuha, pwede ho kayong i-reklamo ng bata na kanina mo pa ipinapahiya,” kastigo niya sa babae.
Namula ang babae. Tila napahiya.
“Eh bakit ho ba kayo nakikialam?” matapang na tanong nito.
“Kasi ho kanina niyo pa inaakusahan ang bata, eh wala siyang kalaban laban. Ano ho, punta tayo sa pulis? Sasama ako bilang testigo,” hamon niya sa babae.
Galit na tinalikuran siya ng babae saka ito nagmamartsang naglakad palayo.
Bumaling siya sa binatilyo na namimilog ang mata.
“Salamat po! Akala ko makukulong na ako! Hindi naman po talaga ako ang kumuha!” Tila nakahinga nang maluwag ang bata.
“‘Wag kang matakot, basta wala kang kasalanan. Hindi tama ‘yun na nang-aakusa siya dahil lang sa panlabas na anyo mo,” naiiling na wika niya sa bata.
“Maraming salamat po talaga!” muling bulalas ng bata habang mahigpit ang kapit sa isda na pinulot nito mula sa lapag.
“Itapon mo na ‘yan at marumi na ‘yan,” tukoy niya sa hawak nitong isda. “Tara dun sa pwesto ko, at bibigyan kita ng gulay,” yaya niya sa binatilyo.
“Talaga po? Naku, maraming salamat po!” nanlalaki ang matang sumunod ito sa tindahan niya.
“Gulay lang ito, pero pwede na rin pagtiyagaan, ano?” natatawang wika niya habang namimili ng ibibigay dito.
“Oo naman po, mas masustansiya pa!” ngiting ngiting tugon ng bata.
Sa kanilang saglit na kwentuhan ay napag-alaman niya na ang binatilyo ay nagngangalang Clark, at kasalukuyan itong naninirahan sa ilalim ng tulay.
Mag-isa na ang bata dahil naglayas daw ito noon sa bahay ng tiyahin nito na grabe kung manakit. Sa kasalukuyan ay pangangalakal ang ikinabubuhay nito.
May nadama siyang awa para sa binatilyo. Parehas kasi sila. Ulilang lubos na rin siya at siya na rin ang nagpalaki sa sarili niya, kaya naman alam na alam niya ang pakiramdam ng mabuhay mag-isa.
“Clark, gusto mo, magtrabaho ka sa gulayan ko? Libre na ang pagkain mo para hindi ka na mamroblema. Tapos suswelduhan kita kahit maliit, para makaipon ka. Lalo na nabanggit mo na gusto mong makatapos ng pag-aaral. Gusto mo dito ka na rin sa tindahan tumuloy? Hindi kagandahan, pero mas okay na kaysa sa ilalim ng tulay, hindi ba?” alok niya sa bata.
Matagal bago ito nakapagsalita. Nang lingunin niya ang bata ay nakita niyang pasimple itong nagpapahid ng luha.
“Maraming salamat ho, Mang Ramil. Ibabalik ko po sa inyo lahat ng tulong na ibinigay niyo sa akin,” pangako ng binatilyo.
At hindi naman siya binigo ni Clark. Sadyang napakasipag na bata nito. Kaya naman hindi siya nanghihinayang sa tulong na ipinagkaloob niya rito.
Matuling lumipas ang mga taon at lalo lamang pinagtibay ng panahon ang samahan ni Mang Ramil at Clark.
Dahil sa likas na talino at sipag nito ay madalas ito magkamit ng mga karangalan sa paaralan. Sa tuwing nangyayari iyon ay tila siya ama nito na proud na proud umaakyat sa entablado upang samahan ito.
“Tatay Ramil, maraming maraming salamat ho. Wala ho ako sa kinalalagyan ko ngayon kung hindi niyo ako tinulungan,” madalas sabihin sa kaniya ni Clark.
Masayang masaya naman siya dahil natagpuan niya ang taong itinuring niya na ring anak at pamilya.
Kaya naman lungkot na lungkot siya nang kailanganin na nila maghiwalay. Isa na kasing ganap na abogado si Clark.
“Bisitahin mo pa rin ako madalas, ha?” malungkot na bilin niya sa binata.
“Oo naman ho, ‘Tay Ramil. Kundi nga lang ho malayo rito ang trabaho ko eh hindi ako lalayo, eh,” malungkot din na saad ng binata.
Isang araw, habang pauwi si Ramil mula sa pagtitinda sa palengke ay isang hindi inaasahang pangyayari ang nangyari – kasalukuyan siyang naglalakad nang nabundol siya ng isang magarang sasakyan!
Habang namimilipit sa sakit ay imbes na tulong ay panunuya pa ang natanggap niya mula sa lalaking bumaba mula sa magarang sasakyan.
“Hoy, tanda! Ano bang ginagawa mo at tatanga-tanga ka?” bulyaw nito.
“H-hindi naman ako–”
“Gusto mo bang pabayaran ko sa’yo ang sira ng sasakyan ko? Ha?” muli ay gigil na saad ng lalaki.
Nanlaki ang mata ni Ramil. Matanda na siya at siguradong kahit anong gawin niya ay hindi siya makakaipon ng pambayad sa lalaki.
Inilibot ni Ramil ang paningin, nais humingi ng saklolo. Subalit tila wala ni isang handang sumalungat sa lalaking may magarang kotse.
Mangiyak-ngiyak siya sa sakit habang patuloy sa pagbubunganga ang lalaki.
“Ikaw ang may kasalanan–”
“Paanong siya ang may kasalanan?” sabat ng isang baritonong boses.
Nang tingalain niya ang bagong dating ay laking pasasalamat niya sa nakita – si Clark!
“Hoy, bakit ka ba nakikialam dito, ha? Umalis ka na at ako na ang bahala rito!” maangas na sigaw ng lalaki.
“Ako ang abogado ng matandang sinisigaw-sigawan mo. Tumawag na ako ng pulis para masimulan na ang imbestigasyon,” matigas na wika ni Clark bago inalalayan si Ramil upang madala sa ospital.
Namutla ang kanina’y mayabang na lalaki.
“Pare, baka naman pwedeng pag-usapan–”
“Sa presinto ka magpaliwanag. Kung dinaan mo ‘yung matanda sa maayos na pag-uusap kanina pa lang, hindi na tayo aabot sa ganito,” putol ni Clark sa anumang sasabihin nito.
Sa imbestigasyon ay napag-alamang ang lalaki nga ang may kasalanan kaya nabangga si Ramil. Agad nilang sinampahan ng kaso ang mayabang na lalaki.
Kahit anong pakiusap nito na makipag-areglo sila ay hindi ito pinagbigyan ni Clark.
“Mapapatawad ko sana siya ‘Tay, kung dinala ka niya sa ospital at nanghingi ng pasensiya. Kaso hinamak ka pa at sinisi? Masyadong mapanghamak porke’t may sinasabi sa buhay.” Dismayadong umiling ang binata. “Hindi tao ang mga ganun, ‘Tay, dapat sa mga ‘yun pinaparusahan para magtanda,” galit na katwiran ng binata.
Napangiti na lamang siya sa inasal ng anak-anakan.
Sino nga naman ba kasing mag-aakala na ang batang pinagtanggol niya noon ay siya rin palang magtatanggol sa kaniya sa oras ng kagipitan? Napagtanto niya na totoo nga ang gasgas na kasabihang “Kung ano ang iyong itinanim, ay siyang aanihin.”
Marahil ay pinagtagpo talaga sila ni Clark upang maging sandigan at tagapagligtas ng isa’t-isa.