
Todo ang Panunumbat ng Dalagang OFW sa Pamilya Niyang Maraming Utang; Hindi Niya Inaasahan ang Sumambulat na Katotohanan
Napangiti si Tiffany nang lumapag ang sinasakyan niyang eroplano.
Tatlong taon na rin kasi ang lumipas simula noong umalis siya sa Pilipinas upang magtrabaho sa ibang bansa.
Kasalukuyan niyang sinusuyod ng tingin ang paligid nang marinig niya ang isang pamilyar na matinis na boses.
“Ate!”
Napangiti siya nang maluwag nang malingunan ang kaniyang nakababatang kapatid na si Gwyneth. Ito lamang ang nakakaalam ng kaniyang pag-uwi dahil gusto niyang masurpresa ang kanilang mga magulang.
“Ate, ang ganda ganda mo naman! Mukhang hiyang na hiyang ka sa ibang bansa, ah?” puna ng kaniyang kapatid matapos siya nitong bigyan ng isang mahigpit na yakap.
“Hindi, ‘no. Mas maganda pa rin dito sa ‘Pinas,” tugon niya sa kapatid.
“May pasalubong ako, ate?” sabik na usisa nito habang pauwi sila.
“Oo naman! Alam ko naman na mas gusto mo pa ang pasalubong kaysa sa akin,” kantiyaw niya rito.
Isang hagikhik naman ang isinagot ng kaniyang kapatid. “Naku, nabuking ako!”
Masaya silang nagtawanan.
Tulad ng inaasahan ay gulat na gulat ang kaniyang mga magulang sa kaniyang pag-uwi. Halos hindi magkandaugaga ang mga ito sa pag-estima sa kaniya.
“Naku, hindi man lamang ako nakapaghanda ng paborito mong pagkain!” nanghihinayang na palatak ng kaniyang ina.
“‘Nay, ayos lang ho. Kahit simpleng pagkain naman, masaya na ako,” nakangiting wika niya sa ina upang hindi na ito mag-abala pa.
“Kumusta na ho kayo, Tatay?” usisa niya sa ama. Napansin niya kasi na ang laki-laki ng ipinayat nito.
“Maayos naman ako, anak. Salamat sa mga masasarap na alak na ipinadala mo, ha. Tuwang-tuwa ang mga kumpare ko at bihira raw sila makatikim ng ganoon!” masiglang bulalas ng kaniyang ama.
Masaya silang nagkumustahan at natuwa siya nang malaman na naging maayos naman ang lagay ng kaniyang pamilya, lalo na ang mga magulang.
Iginala niya ang paningin sa kabuuan ng kanilang bahay. Halos walang nagbago doon, liban na lamang sa iilang kasangkapan na nadagdag, na pawang ipinadala niya rin mula sa ibang bansa.
Akala ni Tiffany ang magiging masaya at komportable ang kaniyang pagbabakasyon subalit nagkamali siya.
Kasalukuyan siyang namamahinga nang mabulabog siya ng isang malakas na pagtawag mula sa labas ng kanilang bahay.
Siya lamang ang tao sa bahay nila dahil lumabas ang kaniyang ina at kapatid. Ang kaniyang ama naman ay nasa trabaho.
Noong una ay hindi niya ito pinansin ngunit sa tagal nitong nagtatawag ay tuluyan na siyang narindi.
“Tiffany, hija! Totoo pala ang sabi-sabi na nakauwi ka na!” masiglang bungad ng babae.
Kilala niya ito. Kumare ito ng kaniyang ina.
“Aling Thelma, ano hong atin?” tanong niya sa babae habang may isang pilit na ngiting nakapaskil sa kaniyang mga labi.
“Naku, maniningil sana ako. Sakto, dahil nandito ka naman, malamang ay makakabayad na kayo,” diretsang wika ng babae.
Ikinagulat niya ang sinabi ng babae. Regular kasi siyang nagpapadala ng malaking halaga sa pamilya, at nakapagtataka na nagkaroon pa rin ng utang ang kaniyang ina sa ibang tao.
“Magkano ho ba, Aling Thelma?” magalang na usisa niya sa kaharap.
“Sampung libo.”
Nagulat man siya sa laki ng halaga ay hindi niya ipinahalata sa babae. Wala siyang nagawa kundi bayaran ang sinisingil ng babae. Kakausapin niya na lang ang ina pag-uwi nito.
Subalit sa kaniyang panggigilalas ay napakaraming bumisita sa kanilang bahay para sa parehong sadya – ang maningil ng utang.
Hindi niya maiwasang makadama ng galit sa pamilya. Saan dinala ng mga ito ang mga perang ipinadala niya at nagkautang utang sila?
Habang naghahapunan ay hindi niya napigilan na usisain ang pamilya.
“‘Nay, maraming hong pumunta rito kaninang wala kayo. Mga naniningil ng pautang,” pagkukwento niya sa ina.
Napahinto ito sa pagsubo ng pagkain.
“Naku, anak, pagpasensiyahan mo na. Hayaan mo at kakausapin ko ang mga ‘yun. Siya nga pala, babalik ka pa ba sa ibang bansa?”
Napangiti siya nang mapait. Halata kasi na binabago ng kaniyang ina ang usapan.
“Bakit ho? Gustong gusto niyo nang bumalik ako doon para magpakasasa kayo sa perang ipinadadala ko?” mariing sumbat niya sa ina.
“Ate!”
“Tiffany!” halos magkapanabay na saway ng kaniyang ama at kapatid. Halata ang gulat sa mukha ng mga ito.
“Ano bang ginagawa niyo sa pera? Bakit nagkandautang utang tayo? Hindi madaling kumita ng pera, baka akala niyo! Ni hindi man lang ninyo naipaayos ang bahay. Napakalaki ng pera na ipinadadala ko buwan buwan! Anong nangyari? Nalulong na naman ba sa sugal si Tatay?” hindi mapigilang akusa niya sa ama. Noong kabataan kasi nito ay nalulong ito sa sugal.
“Hindi, hindi ‘yun ang dahilan, anak,” mahinang tugon ng kaniyang ama.
“Hindi madali para sa akin ang magtrabaho sa isang dayuhang bansa nang mag-isa. ‘Wag niyo naman gastahin ang pera ko nang ganun ganun na lang! Baka naman ang sarap sarap ng buhay niyo rito habang hirap na hirap ako sa pagtatrabaho!” umiiyak na paglalabas niya ng saloobin sa pamilya.
Matagal na katahimikan ang namayani. Ang kaniyang ina ay tahimik na nakayuko lamang.
“Anak, nagkasakit kasi ang Tatay mo.”
Tila binuhusan siya ng malamig na tubig sa sinabi ng ina.
“A-ano? Nagkasakit si Tatay? Bakit hindi n’yo sinabi sa akin?” naguguluhang usisa niya sa ina.
“Alam kasi namin na hirap na hirap ka na doon. Ayaw na namin dagdagan pa ang isipin mo,” lumuluhang paliwanag ng kaniyang ina.
“Kinailangan namin na gawan ng paraan dito. Baka kasi magkayod kabayo ka doon, at ikaw naman ang magkasakit,” dagdag pa ng kaniyang ama.
“Nag-agaw buhay pa nga noon si Tatay, Ate. Kahit anong pilit ko, ayaw talaga ipasabi nila Nanay at Tatay sa’yo dahil ayaw nila na mag-alala ka pa,” sabat naman ni Gwyneth habang pasimple itong nagpupunas ng luha.
Napahikbi na lamang si Tiffany sa sinabi ng pamilya. Kaya pala tila ang laki laki ng itinanda ng kaniyang mga magulang gayong tatlong taon lang sila hindi nagkita!
“Sana sinabi niyo lahat sa akin. Pamilya tayo rito, at hindi natin maaayos ang mga problema kung hindi tayo tapat sa isa’t isa,” himutok niya nang may bahagyang paghihinampo.
“Pagpasensiyahan mo na, anak. Ako ang ama mo, at ayoko namang mas lalo pang maging pabigat sa’yo,” anas ng kaniyang ama.
“Eh bakit ho nagtatrabaho ka pa, Tatay? Hindi ba dapat nagpapahinga ka na?” muli ay usisa niya.
“Ayaw naman namin iasa sa’yo lahat, anak. Gusto rin naman namin na makauwi ka na rito. Alam namin na lungkot na lungkot ka doon. Gusto namin na kahit paano ay may pinagkukunan kami ng pera dito, at hindi lang puro ikaw,” katwiran ng kaniyang ama.
Tuluyan nang napahagulhol si Tiffany. Puro paghihirap niya lamang ang nakita niya, hindi niya tuloy naisip man lang ang pinagdaraanan ng kaniyang pamilya. Inakusahan niya ang mga ito ng kung ano ano, gayong siya lang pala ang iniisip ng mga ito.
“Sorry po, Nanay, Tatay. Patawarin niyo po ako sa mga nasabi ko. Gagawan po natin ng paraan ‘yan, pasasaan ba’t makakabangon din tayo,” umiiyak na niyakap niya ang ama at ina.
“Basta sama-sama at nagtutulungan, kaya natin lagpasan ang anumang problema,” bulong ng kaniyang ina.
At iyon nga ang ginawa nila. Nang makabalik sa ibang bansa ay sinikap ni Tiffany na makapag-ipon upang mabayaran ang lahat ng ginastos ng ama sa pagpapagamot.
Dalawang taon pa ang lumipas at muli siyang umuwi sa Pilipinas. Nakapag-ipon siya ng sapat na pera upang makapagsimula ng isang maliit na negosyo.
Sa pagkakataong iyon, hindi niya na kailangang umalis pang muli.