
Hinamak Niya Noon ang Manliligaw na Isang Janitor; Ngunit Nang Magkita Silang Muli, Bakit Tila Gusto pa rin Siya ng Lalaki?
Pagpasok pa lang ng gate ay isang nakakainis na tagpo na ang sumira sa kaniyang magandang umaga.
“Rosa, bulaklak nga pala para sa’yo.”
Inis na nilampasan niya ang lalaking nag-aabot sa kaniya ng bulaklak – si Jaime, ang bagong janitor sa kanilang eskwelahan.
Estudyante rin doon ang lalaki ngunit nagtatrabaho rin ito bilang janitor dahil gusto raw nito na makatulong sa pamilya nito.
Sa totoo lang, marami sa mga kababaihan sa kanilang eskwelahan ang kinikilig sa lalaki ngunit hindi ito ang tipo niya.
“Hay naku, Jaime! Tigil-tigilan mo ako ha!” asik niya sa lalaki nang makulit itong sumabay sa paglalakad niya.
“Tanggapin mo na, Rosa. Pinitas ko pa ‘yan sa bakuran ng Lola ko!” pilit ng binatilyo, bagay na lalong ikinainis ni Rosa.
Padabog niyang kinuha ang rosas na inaabot nito bago gigil na tinapak-tapakan niya ang mga iyon.
Matapos ay hinarap niya ang lalaki na tila hindi inaasahan ang ginawa niya. May malungkot na ekspresyon sa gwapo nitong mukha habang nakatingin sa mga bulaklak na nagkasira-sira.
Sa paligid ay kitang kita niya ang bulungan ng kanilang mga ka-eskwela.
“Grabe talaga ‘yan si Rosa, masyadong mapagmataas.”
“Maganda lang ‘yan, pero masama ang ugali,” naulinigan niya pang wika ng isang babaeng hindi niya kilala.
“Jaime! Diyos ko naman! Araw araw mo na lang pinepeste ang buhay ko! Ilang beses ko ba kailangang sabihin sa’yo na hindi ang kagaya mong janitor ang papatulan ko?”
“Rosa, bigyan mo naman ako ng tiyansa–”
“Ayoko! Ayoko sa’yo, maliwanag? Humanap ka ng kauri mo! ‘Yang paglilinis na lang ang atupagin mo, hindi ang kung ano ano!”
Hindi niya na hinintay na makasagot ito at tuluyan niya nang tinalikuran ang binatilyo. Ngunit bago iyon ay kitang kita niya ang rumehistrong pagkapahiya sa mukha nito.
Wala siyang maramdamang ni katiting na pagsisisi man lang. Matagal niya na kasing sinabi sa lalaki na hindi niya ito gusto subalit sadyang makulit ito.
At sa kabutihang palad ay hindi na nga ito muli pang nangulit. Kapag magkakasalubong sila ay kusa na itong umiiwas. Ni hindi nga nito magawang salubungin ang kaniyang tingin.
Hanggang sa nabalitaan niya na lang na umalis na sa kanilang paaralan ang lalaki.
“Marahil ay wala nang pambayad ng matrikula,” pagkikibit balikat niya.
Matagal na panahon ang lumipas bago muling nag-krus ang kanilang mga landas. At sa hindi inaasahang pagkakataon sila nagtagpo.
Kasalukuyang naglilinis si Rosa sa gusali na kaniyang pinagtatrabahuhan nang aksidenteng matabig ng isang estranghero ang mga gamit niya sa paglilinis.
Nagresulta iyon sa pagkalat ng tubig at sabon sa sahig.
Naiinis man ay pinili niyang magtimpi. Ayaw niya rin naman na may makaalitan sa unang araw niya sa trabaho
Subalit nang makita niya ang may-ari ng paang nakatabig sa kaniyang mga gamit ay tila apoy na sumiklab ang kaniyang galit.
Paano ba naman, nakita niyang muli ang makulit niyang dating manliligaw na si Jaime!
“Jaime?” paninigurado niya.
“Rosa, ikaw na ba ‘yan?” Bakas ang pagkagiliw sa mukha ng lalaki.
Inirapan niya ito.
“Hanggang dito ba naman, sinusundan mo ako? Akala ko pa naman titigilan mo na ako!” inis na kastigo niya sa dating kaeskwela.
“Hindi kita sinusun–”
“Hala, sige, tulungan mo akong linisin ang kalat ginawa mo!” utos niya sa lalaki bago padabog na inaabot dito ang pamunas sa sahig.
“Jaime naman, ‘di ba sinabi ko na sa’yo na hindi kita gusto? Bakit nagpakita ka pa dito? Ayan tuloy, nagulo mo pa ang trabaho ko!” mariin ngunit mahinang sita niya sa lalaki na walang nagawa kundi ang tulungan siya sa paglilinis.
Hindi niya naman pansin ang kakaibang tingin na ipinupukol sa kaniya ng mga empleyado.
Isang guwardiya ang papalapit sa kaniya.
Dali-dali niyang sinalubong ito upang ipaliwanag ang nangyari.
Isang matamis na ngiti ang iginawad niya sa guwardiya.
“Naku, pasensiya na ha. Makulit na manliligaw ko ‘yang lalaki, paalisin ko rin kaagad pagtapos maglinis,” nakangiting paliwanag niya sa guwardiya.
Isang nagtatakang tingin ang iginawad sa kaniya ng guwardiya bago ito lumampas sa kaniya at dumiretso palapit kay Jaime.
“Sir, ‘wag niyo ho gawin ‘yan, may maglilinis naman dito,” magalang na sita ng guwardiya kay Jaime.
Sumabat naman siya.
“Sir, ako na po ang magpapaalis sa kaniya rito,” bulalas niya sa guwardiya na nagsisimula na umani ng atensyon.
Mabilis na napalingon ang guwardiya sa kaniya.
“Bakit mo papaalisin ang boss natin? Saka bakit mo pinaglilinis si Sir Jaime?” animo isang bata na pinagalitan siya nito.
Natigagal siya sa sinabi ng lalaki. “A-anong? S-sir Jaime?” hindi makapaniwalang sambit niya.
“Oo, bago ka siguro kaya hindi mo alam. Si Sir Jaime ang boss ng lugar na ito, anong manliligaw ang pinagsasasabi mo?” naiiling na wika nito bago siya inutusan na lumipat na ng lugar na paglilinisan.
Nang lingunin niya si Jaime ay naglalakad na ito palayo kasama ang sa tingin niya ay may mga matataas na posisyon din sa kompanya.
Napahiya siya sa nalaman. Bakit niya nga ba kasi inakala na gusto pa rin siya ni Jaime?
Si Jaime, na isa lang hamak na janitor noon ay isa nang boss sa pinapasukan niyang kompanya?
Hindi niya pala dapat hinamak ang lalaki. Dahil lahat ay mayroong tiyansa sa pag-angat at tagumpay.
Napatitig siya sa kaniyang kamay na noon ay may hawak na basahan. At bakit tila nagkabaligtad yata sila ng posisyon ng lalaki?
Noon ay siya ang nasa itaas, maganda siya at gusto ng lahat, habang ito naman ay hinahamak lamang niya.
Ngunit ngayon ay kagalang galang na ito, at lubos na nakaaangat sa kaniya na isang janitress sa lugar na pinatatakbo nito.
“Tila gulong nga naman ang buhay, minsan ikaw ay nasa ilalim, minsan ikaw ay nasa ibabaw,” naiiling na bulong niya bago ipinagpatuloy ang paglilinis.