
Akala ng Bata’y Kabit ng Tatay Niya ang Guro Kaya’t Pinag-iinitan Siya Nito; May Malalim na Dahilan Pala ang Ginang
Hindi lubos maisip ni Nicole kung bakit ganoon na lamang ang galit sa kaniya ng guro na si Ms. Miranda.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay pirme siyang sinesermonan nito at pinapahiya.
Ilang beses na siyang nagsusumbong sa mga magulang na sina Aling Mina at Mang Pete ngunit binabalewala ng mga ito ang mga salita niya.
“Nicole, ang weirdo talaga ni Ms. Miranda. Bakit palagi ka niyang pinag-iinitan? Baka naman may atraso ang tatay at nanay mo sa kaniya,” saad ng kaibigan niyang si Lisa.
“Hindi ko rin alam. Ayoko nang isipin. Ang mahalaga, siya lang naman ang galit sa akin. Lahat naman ng taong nakakasalamuha ko ay maayos ang trato sa akin,” sagot ni Nicole.
“Normal naman na walang galit sa atin. Ang hindi normal ay ‘yong may nagagalit sa iyo ng walang dahilan!” mariing tugon ni Lisa.
Palibhasa’y mga bata, nanaig ang pagiging mausisa ng magkaibigan.
Sinundan nila ang guro nang umuwi ito galing sa eskuwelahan.
Labis ang nararamdamang kaba ni Nicole kaya’t nanginging ang mga paa niya habang naglalakad.
“Bilisan mo!” mahinang paalala ni Lisa sa kaibigan.
Pagpasok ng gate ng guro ay nagtago sa likod ng malaking puno ang dalawa.
“Kahit papaano, alam na natin kung saan nakatira si ma’am,” wika ni Lisa.
Maya-maya’y nanlaki ang mga mata ni Nicole sa nakita.
Huminto sa tapat ng gate ang kaniyang ama. May dala itong mga prutas at paperbag mula sa isang kilalang fastfood chain.
Habang naghihintay sa gate ang ama ay titig na titig ang magkaibigan at nag-aabang ng mga susunod na mangyayari.
Biglang bumukas ang gate at bumungad si Ms. Miranda.
Napanganga ang dalawa nang makita ang suot nitong maiksi at hapit na hapit na damit. Wala na rin itong suot na salamin at pulang-pula ang mga labi nito.
Mas lalo pang nanginig si Nicole nang makitang hinalikan nito ang ama sa leeg at tila gustong-gusto naman iyon ng kaniyang ama.
Nagmamadaling pumasok ng gate ang guro at kaniyang ama na tila sabik na sabik sa isa’t-isa.
“Wala silang katakot-takot, Nicole! Sa tapat pa ng gate naghaharutan! Kawawa naman si Aling Mina,” umiiling pang saad ng kaibigan.
Nang makauwi ng bahay si Nicole ay tila hinang-hina siya.
Sa tindi ng galit sa ama ay pabalibag niyang sinarado ang pintuan ng kanilang bahay.
Tila nalaglag ang kaniyang puso nang makitang naroon ang ama sa kanilang kusina at nagluluto ng hapunan.
“‘Tay? Paano kayo nakauwi ng ganoon kabilis?!”
“Ha??? Anong pinagsasasabi mo riyan? Hindi naman ako umaalis ng bahay!” nanlaki ang ulo ni Nicole sa narinig.
Inamin niya sa ama’t ina ang ginawang pagsunod sa guro.
“Anak, malalim ang naging ugat ng galit sa atin ni Ms. Miranda. May kakambal ang tatay mo. Si Paterio Guzman. Hindi boto ang lolo at lola mo kay Ms. Miranda kaya’t pilit na pinagkasundo sa ibang babae ang Tiyo Pat mo. Palibhasa’y anak lamang daw siya ng kanilang kasambahay. Ikinasal sa ibang babae ang tiyuhin mo ngunit pilit niyang binabalikan si Ms. Miranda,” pagpapaliwanag ng kaniyang ina.
“Sabi ng guro mo noon, patutunayan niya raw sa lolo at lola mo na kaya niyang maging matagumpay sa buhay. Sa tingin namin, kaya siya pumasok sa eskuwelahang pinapasukan mo ay dahil para ipakita sa amin na may narating din siya sa buhay,” dagdag pa ng kaniyang ama.
Tila naging malinaw na ang lahat kay Nicole.
Kinabukasan ay agad niyang kinuwento kay Lisa ang lahat kahit pa kabilin-bilinan ng mga magulang ay huwag itong ipagsasabi.
Hindi naman napigilan ang katabilan ng dila ni Lisa at kumalat ang tsismis sa kanilang paaralan.
Naging dahilan iyon upang umalis sa trabaho ang guro.
Dahil sa sobrang awa at nakukunsensya rin si Nicole ay naglakas loob siyang puntahan mag-isa ang guro.
Pagdating niya doon ay naabutan pa niya ang kaniyang tiyuhin.
Kamukhang-kamukha talaga nito ang ama. Pinagkaiba lang ay maporma ito at mas mukhang bata kumpara sa kaniyang tatay.
Hindi mapigilan ni Nicole ang sarili at kinumpronta ang guro.
“Ma’am Miranda, napakataas po ng respeto ko sa inyo bilang aking guro. Kahit na palagi ninyo akong pinag-iinitan ay hindi ako nagalit at nagtanim ng sama ng loob sa inyo. Sa halip ay naawa po ako sa nangyari sa inyo. Ako na po ang humihingi ng tawad para kay lolo at lola. Pati na rin po sa aking mga magulang. Mali po ang ginawa nilang pangmamata sa inyo dahil lamang sa anak kayo ng kasambahay. Magiting na trabaho po ang pagiging kasambahay at kitang-kita naman po sa inyo na napalaki kayo ng maayos ng inyong mga magulang. Kayang-kaya po ninyong itama ang mga mali ninyong nagawa,” sinserong pahayag ni Nicole.
Hindi naman makapaniwala ang tiyuhin at ang guro sa narinig.
Napahagulgol ang guro sa mga salitang binitawan ni Nicole.
“Hindi ko inakalang sa isang batang gaya mo ko pa maririnig ang katagang patawad… Alam mo bang ni isang beses ay hindi ko iyan narinig mula sa lolo at lola mo? Maski sa tatay o nanay mo…” lumuluhang pahayag ng guro.
“Nicole… Biyudo na ako… Hindi ito alam ng tatay mo sapagkat hindi na kami nag-uusap sa loob ng mahabang panahon. Dalawang taon na akong biyudo. Kaya’t mali ang kumakalat na tsismis na kabit ang guro mo. Ni minsan ay hindi ko niloko ang asawa ko kahit pa hindi siya ang tunay kong mahal,” paliwanag ng tiyuhin.
Nang makauwi ay ibinalita ni Nicole sa mga magulang ang nalaman.
Agad namang pumunta sa eskuwelahan ang nanay at tatay niya upang linisin ang pangalan ni Ms. Miranda.
Nalaman din nilang kusa naman itong umalis sa trabaho at hindi ito sinibak sa trabaho dahil wala namang matibay na ebidensiya ang kumalat na tsismis sa kanilang paaralan.
Humingi rin ng tawad ang kaibigang si Lisa sa kaniya ngunit sinabi niyang sa kanilang guro ito dapat humingi ng tawad.
Sa wakas ay kinasal na rin ang tiyuhin at ang kaniyang noo’y masungit na guro na ngayon ay malapit na malapit at malambing na niyang tiyahin.
Naging tulay si Nicole upang mapaayos ang sitwasyon ng kaniyang ama at kakambal nito.
Mapapatunayan sa kuwentong ito na lahat ng problema ay kailangang harapin upang masolusyonan. Hindi tayo lubusang magiging masaya kung patuloy lamang nating tatakasan ang ating mga problema.