
Guwapo pa Naman Ngunit Weirdo at Pirmeng Pan de Coco ang Baon ng Binata; Dahil Dito’y Ginawa Siyang Katatawanan sa Opisina
“Nand’yan na si Mr. Pan De Coco, tumabi kayo! Baka bigyan na naman kayo’t hindi kayo makatanggi,” tatawa-tawang bilin ni Jairuss sa mga kaopisinang nagtatawanan.
Pagpasok ni Martin sa sliding door ng opisina’y pigil na pigil ang halakhakan ng mga kaopisina.
Sa limang taon kasi nito sa pinapasukang kumpanya ay wala silang ibang nakitang kinakain nito kung hindi ang sangkatutak na pan de coco na araw-araw niyang tangay kada papasok sa opisina.
Hindi naman manhid si Martin. Alam niyang kapag nakatalikod ay kung ano-ano ang sinasabi ng kaniyang mga kaopisina sa kaniya.
Sa katunaya’y tuwang-tuwa pa nga siyang makita ang kababawan ng mga ito. Doon niya rin kasi napapatunayan kung ano’ng klaseng pagkatao mayroon ang mga kaopisina.
Simula nang malaman niyang Mr. Pan de Coco ang bansag sa kaniya ng mga ito’y pinagpatuloy niya ang katuwaan sa pamamagitan ng araw-araw pang pag-aalok ng tinapay na iyon sa mga kaopisina.
Kada kaarawan pa nga niya ay binabalot pa niya ang pan de coco sa magarang kahon at pinamimigay ito sa mga katrabaho. Sa tuwing kaarawan din ng kaniyang mga kaopisina’y pan de coco pa rin ang kaniyang regalo sa mga ito.
At tila tagumpay siya sa layuning mas pagtawanan pa ng mga ito.
Walang kamalay-malay ang mga kaopisina sa tunay na estado ng buhay ni Martin at kung bakit niya ito ginagawa.
Nang sumapit ang araw ng Biyernes ay nagyaya ang mayabang na kaopisinang si Miguel na uminom sa isang magarang bar sa Makati.
Agad namang tumanggi si Martin at gumawa na lamang ng dahilan upang hindi makasama.
Habang nag-iinuman ay siya na naman ang pulutan ng mga kaopisina.
“Pare, may saltik na yata sa utak ‘yon e. Malamang niyang dahil sa kakakain ng pan de coco,” wika ni Jairuss.
Tawanan na naman ang lahat.
“Crush ko pa naman si Martin noong una ko siyang makita. Kaya lang nakakaturn-off! Siguro pag naging mag-asawa kami, wala siyang ibang ipapakain sa akin kung hindi pan de coco!” ani Isabel, ang magandang dalagang kaopisina.
Habang lumalaklak ng alak ay nananakit na ang tiyan ng lahat sa kakatawa.
Nang pauwi na ay sabay na nag-aabang ang mga empleyado ng masasakyang taxi.
“Kuya, ate… Bili na po kayo ng sampaguita. Pangkain lang po namin,” pagmamakaawa ng isang batang pulubi.
“Ano ba yan, ang baho mo! Wala akong barya!” tila asong tinaboy ni Isabel ang bata. Kusa na rin naman itong umalis.
Natigilan sila nang may pumaradang magarang sasakyan sa harap ng isang fastfood chain.
“Wow, p’re. ‘Yan ang dream car ko. Gan’yan daw ang sasakyan ni Coco Martin,” nanlalaki ang matang wika ni Miguel.
“Kung ako ang magkakaroon ng ganyang kamahal na sasakyan, walang ibang makakasakay riyan kung hindi ako at ang seksing-seksi’t maganda kong chiks na paiba-iba lingo-lingo!” sabad ni Jairuss.
Natigilan silang lahat nang bumaba ang may-ari ng sasakyang iyon.
“What the! Si Martin!!!” nakatakip pa ang bibig na wika ni Isabel.
“Sh*t si Martin nga!” halos sabay-sabay pang nagsalita ang mga lasing na magkakaopisina.
Pagbaba ni Martin ay binuksan nito ang kabilang pintuan ng sasakyan at lumabas ang isang matandang lalaki. Napakadungis nito at mukhang pulubi.
Lalong nagtaka ang mga empleyado sa kanilang nakita.
“Sir Martin!!!” tuwang-tuwang pagtawag ng batang nagtitinda ng sampaguita.
Agad naman itong tumawid upang puntahan ang binata.
Lalong nanlaki ang mga mata ng mga empleyado nang may lumabas na isang napakagandang babae mula sa likod ng magarang sasakyan.
“Akin na lahat ng tinda mo, pasensiya ka na at hindi ako masyadong makakadaan dito. Busy kasi kami ni Kuya Martin mo sa paghahanda sa kasal namin,” saad ng magandang babae.
“Kuya Martin, Ate Kim! Pinapasabi po ni lola maraming salamat sa araw-araw na pagpakyaw ninyo sa tinda niyang pan de coco. Dahil doon ay hindi na niya kailangang magkano gabi-gabi,” wika ng isa pang gusgusing bata.
Nagsunuran na rin ang iba pang mga batang nagtitinda ng sampaguita at agad pumasok ang mga ito sa loob ng fastfood chain na iyon at sabay-sabay kumain.
Manghang-mangha ang mga empleyado sa nakita. Bukod doon ay pahiyang-pahiya din sila sa kanilang sarili.
Nang sumapit ang araw ng Lunes ay nag-iba na ang ihip ng hangin sa kanilang opisina.
Naging mabait na ang mga empleyado kay Martin at hindi na nila ito muli pang kinutya at pinagtawanan.
Humingi man sila ng dispensa kay Martin ngunit hindi pa rin sila nito inimbitahan sa gaganapin nitong kasal sa isang 5-star hotel.
Katwiran ni Martin ay hindi rin naman sila ganoong ka-close ng mga kaopisina.
Nalaman din ng mga tsismosong empleyado na tatay pala ni Martin ang isa sa mga may-ari ng kumpanyang kanilang pinapasukan.
Sising-sisi sila sa kanilang ginawa.
Minsan, kung sino pa ang pinagtatawanan at kinukutya ang siya pang nakaaangat sa buhay at may malaking silbi sa lipunan.