Binigyan na Nga ng Trabaho ay Hindi pa Pinagbutihan ng Walang Utang na Loob na Babae, Ang Laki ng Kanyang Pagsisisi sa Pinakawalang Pagkakataon
Maingat na sinuklay ni Cess ang kanyang buhok, excited na siya dahil muli niyang makikita ang kanyang mga naging kaklase noong college, ngayon kasi ang kanilang reunion. Tiyak niyang magiging bida sya sa mga ito dahil gumraduate siyang cum laude ng batch nila at mataas ang tingin ng mga ito sa kanya.
Sumakay siya ng taxi para naman sosyal tignan, tapos ay pumasok na sa loob. Hindi pa naman nagsisimula ang programa pero marami nang tao roon, agad na hinanap ng kanyang mga mata ang mga kaklase.
“Cess!” kaway ni Mary, isa sa mga kabarkada niya noon. Kaibigan ang turing ni Mary kay Cess pero medyo inis siya sa babae. Kung tutuusin kasi ay mas magaling ito sa kanya, nagkataon lang na marami itong problema sa bahay kaya hindi nakakapasok madalas noon.
Konting review lamang nito ay alam na nito ang aralin, magaling rin ito sa recitation at mas creative ang utak kaysa sa kanya. Kaya lang nakalamang si Cess ay dahil sa attendance. Inihanda niya na ang pekeng ngiti at lumapit sa table ng mga ito.
“Kumusta?” masayang sabi niya. Niyakap pa siya ng babae at naamoy niya ang mamahaling pabango nito, aba, branded ang loka.
“Eto, tumataba mula nang manganak. Ikaw? Ano nang balita sayo? Walang pagreply sa messages ha!” sabi nito na tinapik pa ang balikat nya. Oo nga pala, may anak na ito kaya tiyak niyang miserable na ang buhay ng babae. Lalo siyang napangisi.
“Ito, homebased lang ang trabaho ko pero kumikita ako,” taas noong sabi niya. Para kasing katumbas na ng sa call center agent ang sahod niya kahit di pa siya nalabas ng bahay. Ang gagawin niya lang ay magturo ng ingles sa mga estudyante niyang intsik.
“O, pareho pala kayo. Homebased ka rin diba Mary?” sabi ng isa pa nilang barkada, tumaas naman ang kilay ni Cess. Pa-simple niyang itinanong kung magkano ang sinasahod ng babae at lalo pa siyang naasar nang marinig na halos doble iyon ng sa kanya, hindi pwede!
“Ano’ng ginagawa mo dyan sa work mo?” dudang sabi niya.
“Nagsusulat ako ng mga kwento tapos maraming nagbabasa nun online. Alam mo naman noon pa, mas gusto ko ang magsulat kaysa magsalita. Dito ko nahanap ang buhay ko, nagagawa ko na ang gusto ko ay kumikita pa ako.” nakangiting sabi nito.
“Saan yan? Pasok mo nga ako dyan,” sabi niya rito. Hindi pwede, kailangang madaig niya ang babae. Ayon rin kasi rito ay ito na ang hahawak ng mga bagong writer. Tiyak niyang kapag pumasok siya sa pinagtatrabahuhan nito ay makikita ng boss na mas magaling sya at matatalbugan niya ang barkada, tulad noon.
“Sige!” masayang sabi ni Mary, ang nais lang ay matulungan ang kaibigan at mapansin rin ang galing nito, wala siyang kaalam-alam sa mga iniisip ni Cess laban sa kanya.
Dahil naging kaibigan na rin ni Mary ang may ari at may tiwala ito sa kanya ay mabilis niyang naipasok si Cess. Pero sa halip na magpasalamat sa kaibigan ay lalong lumalaki ang inggit niya rito, lalo pa kapag mas tinatangkilik ng tao ang mga kwentong gawa nito. Kapag napupuri ito ay sumasama ang loob niya.
Hindi niya matanggap na mas magaling sa kanya si Mary kaya tinarantado niya ang kanyang mga trabaho, dahil ito ang humahawak sa kanya ay ito ang mapapagalitan. Sumusweldo siya pero di niya ginagawa ng tama ang trabaho, nariyang kulang ang kwento, mali-mali, at paulit-ulit lang.
Nakaipon siya sa pamamagitan ng trabahong ibinigay ni Mary, nakapagtayo siya ng negosyo kaya lalong lumakas ang loob niya. Akala niya, kaya na niya. Iiwan niya ito sa ere na tambak ang gagawin habang siya ay tuluyan nang magpapayaman.
“Guys, punta kayo, opening ng business ko,” proud na sabi niya pa sa Facebook friends niya. Bilang suporta ay pumunta rin doon si Mary pero ni hindi niya kinibo ang babae, parang kawawa ito na nakaupo sa gilid at walang umiintindi.
Di nagtagal ay nagsara ang negosyo ni Cess, dalawang buwan lang ang itinagal noon.
Ngayon ay hirap siyang maghanap ng trabaho, nainis pa siya nang makita sa Facebook na marami pa ring nagbabasa sa kwento ng kanyang dating barkada at mas tinatangkilik ito ng mga tao ngayon.
Huminga siya ng malalim at pinagsisihan ang katarantaduhang ginawa niya sa trabaho, kung pinagbutihan niya lang sana ay mas maganda siguro ang buhay niya.
Wala talagang umuunlad sa inggit.