Inday TrendingInday Trending
Nalaman ng Lolang Ito Kung Sino ang Apong Tunay na Nagmamahal sa Kanya, Ito ang Apong Hindi Niya Trinato ng Maayos

Nalaman ng Lolang Ito Kung Sino ang Apong Tunay na Nagmamahal sa Kanya, Ito ang Apong Hindi Niya Trinato ng Maayos

Dalawa lamang ang anak ni Aling Dinia, may tig-isa rin siyang apo sa mga ito. Magkasing edad lamang ang dalawang bata at buwan lamang ang pagitan nang ipanganak pero mas paborito niya si Vincent.

Ang apo niya namang si Mark ay palaging halos mamalimos ng atensyon sa kanya.

“Ano ang sabi mo Mark? Kuya dapat ang itatawag mo kay Vincent dahil mas matanda sya sayo.” masungit na sabi niya sa bata dahil narinig niyang naglalaro ang mga ito.

“Lola, magkasing edad lang naman po kami.” sabi nito na kumakamot pa sa ulo.

“Kahit na ba! Diba mas matanda siya sayo ng ilang buwan? Nangangatwiran pa ito.” sabi niya, bago tumalikod ay bumulong pa siya, “hangal na batang ito.”

Kahit pa mahina iyon ay nakarating sa pandinig ng dalawang bata, napapahiyang napatungo na lamang si Mark. Palaging ganoon ang turing ng lola niya sa kanila ni Vincent, sa murang edad ay halatang-halata niya ang pagkakaiba.

Kahit naman sinasabi ng mommy niya na wag na siyang bumisita sa matanda kapag walang pasok ay pumupunta pa rin sya sa bahay nito. Kahit pa si Vincent lang ang bukambibig ng kanyang lola at minsan ay nakakalimutan pa siyang bigyan ng meryenda, naniniwala siyang balang araw ay mapapansin siya nito.

“Apo ko, ano ang gusto mo sa prito, tustado ba?” malambing na sabi ni Aling Dinia kay Vincent, ngayon ay nasa kolehiyo na ang mga lalaki.

“Tustado mo nalang.” walang ganang sagot naman ni Vincent.

“Sige, teka apo ha ipiprito ko na muna.” sabi nya, inihanda niya na ang mantika at kawali pero napansin niyang wala ang sandok. Napalingon siya kay Mark na noon ay naghuhugas ng plato.

“Aba’y wala na bang ibabagal pa yan? Nagugutom na ang pinsan mo Mark.” mataray na sabi niya. Nagmadali naman ang binata at inuna nang banlawan ang sandok.

“Ako na kayang magprito La? Baka matalsikan kayo ng mantika.” prisinta nito.

“Ako na, nagmamarunong ka pa dyan mamaya ay mali mali ang mailuto mo sa pinsan mo. Doon kana, masikip dito hindi ako makagalaw sa kusina.”

Lumipas ang panahon at parehong naka-graduate sa kolehiyo ang dalawa, proud na proud si Aling Dinia kay Vincent at ipinaghanda pa ito, ipinagluto nya ito ng espesyal na maja blanca habang si Mark ay ibinili nya ng ensaymada sa tindahan.

Parehong nakakuha ng magandang trabaho ang dalawa, dumalang na ang pagdalaw sa kanya ni Vincent dahil kung walang pasok ay mas gusto nitong magparty kasama ang mga officemates. Habang si Mark ay tuloy-tuloy ang pagpunta sa kanya, pero di niya naman pinagkakausap ito.

Isang hapon ay bigla na lamang nahilo nang pagkatindi tindi si Aling Dinia, may kasabay pa iyong panginginig ng kanyang mga kalamnan. Hinang-hina siya na isinugod ng dalawang apo sa ospital.

“May diabetes po kayo, kakailanganin kayong maturukan ng regular na insulin para maging stable ang inyong blood sugar.” sabi ng doktor. Di masyadong naintindihan ni Aling Dinia ang ibig sabihin noon. Ang alam niya lang ay malaki ang gagastusin sa kanyang maintenance.

Pag uwi nila sa bahay ay ganoon na lang ang pagkagulat ng matanda nang biglang mag empake si Vincent.

“La, mahal kita. Pero sana maintindihan mo na may mga priorities ako. May buhay ako, di ako pwedeng makulong sa bahay na to at umako ng gastusin mo at magbantay sayo.Sorry.” sabi nito at dire diretso nang lumabas. Nanghihinang napaupo si Aling Dinia.

Walang imik na lumabas na rin si Mark. Mukhang kailangan nang tanggapin ni Aling Dinia na maghihintay nalang siyang mamatay na walang kasama, ang pera niya kasi ay ipinangtustos na sa kolehiyo ni Vincent.

Nagulat pa siya nang muling bumukas ang pinto, iniluwa noon si Mark. May dalang mga maleta ang lalaki.

“Lola sorry, kinuha ko lang ang mga damit ko sa amin. Dito na muna ako para nababantayan kita. Baka manghina kana naman-” gulat na gulat ang binata nang bigla siyang yakapin ng kanya lola.

“Apo patawarin mo ako. Sa loob ng maraming taong di kita pinansin ay eto ka parin.. Mahal ka ng lola apo. Patawarin mo ako.” paulit-ulit na sabi ni Aling Dinia.

Napangiti naman si Mark, ito lang naman ang nais niya, ang mahalin rin sya ng kanyang lola.

Ano mang pagtanggi ni Aling Dinia ay si Mark na ang nagtustos sa pangmaintenance niya. Minsan ay dumadalaw pa rin sa kanya si Vincent, pero pantay na ang pagtingin niya sa dalawa.

Malaki ang pagsisisi ng matanda sa kasalanan niya sa apo kaya bumabawi siya rito.Kung hindi pa siya nagkasakit ay di nya pa iyon maiisip.

Advertisement