Inday TrendingInday Trending
Ilang Araw nang Napapansin ng Negosyante ang Pagsipat ng Isang Matandang Lalaki sa Loob ng Kanilang Shop; Kinakailangan Nga Ba Nilang Mag-Ingat?

Ilang Araw nang Napapansin ng Negosyante ang Pagsipat ng Isang Matandang Lalaki sa Loob ng Kanilang Shop; Kinakailangan Nga Ba Nilang Mag-Ingat?

“Lagi kayong ngumiti sa mga customers, i-asiste sila nang mabuti, pero huwag ninyong kalilimutang magmanman din para hindi tayo masalisihan. Maliwanag ba?” bilin ni Nicolas sa kaniyang mga sales lady at staff sa kaniyang shop.

Sabay-sabay na ‘Yes, boss!’ ang kaniyang narinig.

“Mabuti naman. Oh siya, balik na tayo sa mga trabaho natin.”

Laki sa hirap si Nicolas kaya naman nagsikap siya na maiahon ang sarili mula sa pagkakalugmok sa kahirapan. Ulila na siya kaya naman wala na siyang inasahan kundi ang kaniyang sarili.

Bagama’t kinupkop siya ng kaniyang tiyahin at naging mabuti naman ito sa kaniya, mas pinili ni Nicolas na magpakatatag at maging independent. Bata pa lamang siya ay sanay na sanay na siyang magbanat ng buto. Tuwing umaga, siya ang tagadilig sa bakuran ng kanilang mga kapitbahay; binibigyan-bigyan na lamang siya ng barya, na noong panahon niya ay malaki na ang halaga.

Kaya naman nagtrabaho siya at napag-aral niya ang kaniyang sarili. Nakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo. Ngayon, nagtayo siya ng isang shop kung saan nagtitinda siya ng kung-ano-anong mga gamit, pati na mga damit. May dalawa na siyang branch: ang isa ay sa sikat na mall sa Divisoria, at ang isa naman ay sa Quezon City.

Minabuti niyang huwag isara ang unang-unang shop niya na nasa pamilihan ng Novaliches.

Maya-maya, napansin na naman niya ang isang matandang lalaking pasipat-sipat sa loob ng kaniyang shop. Marumi ang katawan ng matanda, subalit hindi naman ito mukhang taong grasa. Kung sa mga mata ng mapanghusgang tao, mapagkakamalan itong masamang tao.

Pangatlong beses na niyang nakikita ang matandang lalaking ito na patingin-tingin lamang sa loob ng kaniyang shop, waring nagmamanman.

Hindi na nakatiis pa si Nicolas. Nilapitan na niya ang matandang lalaki.

“Sir… pasok po kayo para makahanap po kayo ng bibilhin ninyo,” magalang na alok ni Nicolas sa matandang lalaki.

Halatang-halatang nahihiya ang matandang lalaki at bantulot na nagsalita.

“Eh… kuwan… tinitingnan ko lamang kung nariyan po yung nasisipat kong damit-pambata na para sana sa apo konng lalaki, eh parang nariyan pa naman,” nahihiyang sabi ng matanda.

“Sir, halina ho kayo at nang makita na rin niyo ang presyo,” aya ni Nicolas.

Nagpaunlak na nga ang matandang lalaki. Dumiretso sila sa section ng mga damit-pambatang lalaki.

“Naku, may kamahalan pala ang damit na ipanreregalo ko sa aking apo,” nasabi ng matandang lalaki.

Tiningnan ni Nicolas ang presyo. Mga nasa 500 piso. Kung tutuusin, bagsak-presyo na nga iyon, subalit inisip na lamang ni Nicolas na baka malaking halaga na iyon para sa pamilya ng naturang matandang lalaki. Ang 500 piso ay sapat na upang makakain ang isang buong pamilya sa loob ng isa hanggang dalawang araw.

“Magkano po ba ang budget ninyo, sir?” tanong ni Nicolas.

“250 piso po, saktong kalahati. Inipon ko ho ito sa pamamasura eh. Sige ho, babalik na lang ho ulit ako kapag nabuo ko na ang 250 piso,” sabi ng matandang lalaki.

“Ano pong meron at bibilhan ninyo ng damit ang apo ninyo?”

“Ah, kasi iyan ang gusto niya sa kaarawan niya. Eh malapit na ang kaniyang kaarawan, sa susunod na linggo na. Kaya kailangang doble-kayod ho para mabili ko na ‘yan, at baka maunahan pa ako nang di-oras,” paliwanag ng matandang lalaki.

Aalis na sana ang matandang lalaki nang pigilan ito ni Nicolas.

“Sandali lang ho. Huwag muna kayong aalis diyan, sir. Puwede na po ‘yang 250 piso ninyo.”

Kitang-kita ang munting kasiyahan sa mukha ng matandang lalaki. “Naku, maraming salamat ho! Nakadiskuwento pa tuloy ako nang ‘di-oras.”

Tinawag ni Nicolas ang isa niyang sales lady at ipinakuha ang damit na nais bilhin ng matandang lalaki, na napag-alaman niyang si Mang Gusting. Ang pangalan naman ng batang reregaluhan ay John Michael.

“I-gift wrap mo ang damit na ito, tapos ilagay mo sa birthday card, Happy Birthday John Michael. Tapos, dalhin mo ulit dito.”

Tumalima naman ang sales lady.

Maya-maya, bumalik na ito at iniabot sa kaniya ang damit na nakabalot na ng panregalo.

“Sir, heto na po ang damit. Maligayang kaarawan po sa apo ninyo.”

Iniaabot ni Mang Gusting ang 250 piso subalit tumanggi na itong kunin ni Nicolas.

“Idagdag na lang po ninyo sa inyong mga gastusin, o kaya naman ay panghanda para sa munting salusalo ninyo sa kaarawan ni John Michael. Regalo ko na po sa kaniya iyan,” nakangiting sabi ni Nicolas.

Walang pagsidlan ng kasiyahan si Mang Gusting. Halos maiyak ito. Hindi kasi ito makapaniwala na makukuha niya nang libre ang damit na matagal niyang pinag-ipunan.

“Maraming-maraming salamat, sir! Pagpapalain pa kayo ng ating Panginoon dahil sa kabutihan ng inyong puso!”

Maya-maya ay masayang umuwi na si Mang Gusting. Hindi maipaliwanag na kasiyahan sa puso ang lumulukob ngayon kay Nicolas. Naalala niya ang kaniyang pagkabata.

Wala rin siyang pambili ng damit noon at mukha siyang busabos. May mabait na tindera ng ukay-ukay ang nagbigay sa kaniya ng ilang mga lumang damit, upang may magamit siya.

Isang araw, muling nagtungo si Mang Gusting sa shop, kasama ang apong si John Michael. Suot nito ang damit na ibinigay na nang libre ni Nicolas bilang regalo sa bata.

“Salamat po, sir, sa regalo,” nakangiting pasasalamat ni John Michael.

“Walang anuman, John Michael. Basta lagi mong tatandaan, maging masunurin at masipag ka lamang.Ttutulungan mo lagi ang lolo mo, dahil mahal na mahal ka niya. Balang aaraw, maraming-maraming damit din ang mabibili mo para sa iyong sarili, at para din sa iyong lolo.”

Simula noon ay lalo pang lumakas ang mga negosyo ni Nicolas; pangako niya sa kaniyang sarili na ipagpapatuloy niya ang pagtulong sa mga nangangailangan.

Advertisement