Bagong Bahay, Bagong Buhay at Bagong Laruan na ang Inaalok ng Nanay na Ito sa Kaniyang Anak, Nakakadurog ng Puso Pala ang Gusto ng Bata

“Hay naku, Josh, pasensiya ka na kung medyo matatagalan pa kami ng paglipat diyan. Alam mo na, kinukondisyon ko pa si Anastacia,” mahinang sabi ni Melicia sa kaniyang nobyo habang kausap ito sa telepono.

“Batsa sabihan mo ako agad pag ayos na ang lahat at sabik na sabik na akong masolo ka!” malambing na sagot ng lalaki sa kaniya at napangiti na lamang si Melicia saka huminga ng malalim at nagpaalam na ito kay Josh para muling mag-ayos ng mga gamit.

Halos dalawang taon na rin na magkarelasyon ang dalawa at napagdesisyunan na ng mga ito na magsama sa iisang bahay. Mas ginusto ng babae na manirahan sa poder ni Josh dahil bukod sa may sarili itong bahay ay ito na rin ang pagkakataon niyang makapagsimula ng bagong kabanata ng kaniyang buhay.

“Anastacia, bakit napakarami mo namang binalot na laruan?! Anak, nag-usap na tayo tungkol sa mga toys mo ‘di ba? ‘Yung ginagamit mo na lang ang dadalhin natin,” inis na sabi ni Melicia nang maabutan niya puno na ang mga kahon na ibinigay niya sa bata at sobrang gulo nito dahil pinilit na pagkasayahin ng bata ang mga laruan niya.

“Lahat naman po iyan ay nilalaro ko pa,” sagot ng pitong taong gulang niyang anak na si Anastacia.

“Anak, ‘yung iba rito ay sira na at marumi na. Gamit mo pa ito nung baby ka, itapon na natin ito. O, ito pa, wala na rin itong bahay at ang pangit na ng buhok ng manikang ito. Itapon mo na ‘yan! Bibilhan kita ng bagong laruan pagdating natin kila Tito Josh mo! Pati itong mga blocks mo kulang na ito at luma na rin, ibibili kita lahat ng bago!” sunod-sunod na sabi ng babae habang isa-isang tinatanggal ang mga lumang laruan ng kaniyang anak.

“Hindi ka pa ba masaya na mag-boyfriend na kayo ni Tito Josh, mommy? Bakit kailangan pati ‘yung mga toys ko ay alisin mo sa akin?” galit na sabi ni Anastacia sa kaniya at laking gulat ni Melicia nang marinig ito sa bata.

“Anastacia, bakit ka ganiyan magsalita? Anong ibig mong sabihin sa hindi masaya? ‘Di ba pinaliwanag ko naman sa’yo na mahal ko si Tito Josh mo at mahal niya rin ako kaya nga magsasama-sama na tayo sa isang bahay para buo na tayo?” mabilis na paliwanag niya sa anak.

Advertisement

“Ayaw kitang kausap, mommy, basta huwag mong galawin ang mga laruan ko! Kung hindi natin sila isasama ay huwag mo na lang din akong isama!” sigaw pang muli ng bata saka ito tumakbo palabas ng kwarto.

Gulat at galit ang kaagad na naramdaman ni Melicia dahil ito ang unang pagkakataon na sinigawan at dinabugan siya ng kaniyang anak. Muli siyang huminga nang malalim at pilit na ikinalma ang sarili saka niya pinuntahan ang anak.

“Anak, pagdating natin kila Tito Josh ibibili kita kaagad ng maraming toys, promise ‘yun ni mommy! Itapon na natin itong manika mong mukha nang witch!” masayang sabi ni Melicia sa anak habang mahigpit nitong hawak ang manika niya.

“Mommy, ayaw ko po itapon ang mga toys ko. Wala akong itatapon,” matigas na sagot sa kaniya ni Anastacia.

“Galit ka ba kay Tito Josh, sa akin? Ayaw mo bang lumipat tayo?” tanong ng babae.

“Okay lang, mommy, kasi alam ko naman kay Tito Josh ka masaya kaya okay lang po pero ako sa toys ko ako masaya at hindi ko rin po kailangan ng bago basta dadalhin natin lahat ng toys ko kung saan man tayo pupunta,” mabilis na sagot ng kaniyang anak.

Tumahimik si Melicia at iniisip kung paano uutuin ang kaniyang anak dahil sa napakaraming laruan nito.

“My toys is all I have,” sabi pang muli ni Anastacia sa kaniya.

Advertisement

“Anak, nandito si mama at magkakaroon ka rin ng bagong friends doon sa lilipatan natin,” natatawang sagot nito sa bata.

“Lahat ng toys ko ay bigay niyo ni daddy at kapag tinapon ko iyon mawawala na si daddy sa akin,” tahimik na iyak ng kaniyang anak at doon natauhan si Melicia.

“Gusto ko naman na maging masaya ka, mommy, palagi mong sinasabi na masaya ka kay Tito Josh kaya okay na ako roon. Pero simula nang makilala mo si Tito Josh ay nakalimutan mo na kami ni daddy. Hindi ka na nakikipaglaro sa akin katulad dati, kaya iniisip ko nalang po nakalaro ko pa rin si daddy sa mga toys ko kasi naamoy ko pa rin naman siya sa mga toys ko. Isa pa, binibili mo nga ako ng mga bagong toys pero hindi ka naman nakikipaglaro sa akin at palaging si Tito Josh ang inaasikaso mo kahit nandito pa rin kami ni daddy sa bahay,” dagdag pa ng bata at patuloy pa rin ang pagluha nito.

“Im sorry, mommy, please ‘wag ka magalit sa akin. Ayaw ko lang makalimutan si daddy,” pakiusap muli ni Anastacia sa kaniya at mabilis siyang niyakap nito.

Dalawang taon na ang nakakalipas simula nang pumanaw ang kaniyang asawa ng dahil sa aksidente. Aminado si Melicia na nahirapan siyang tumayo mag-isa lalo na sa mga hinarap niyang pinansiyal na problema. Kaya naman nung nanligaw sa kaniya si Josh ay kaagad napunan ang kaniyang pighati. Ngayon niya lamang napagtanto na nakalimutan niya ang kaniyang anak at masyado nga siguro siyang nagmadali sa paghihilom ng kaniyang sugat at hinanap niya ito sa ibang taon.

Kaya naman hindi na muna niya pinilit ang anak na lumipat at hindi na rin niya minadali ang relasyon na mayroon sila ni Josh dahil ngayon ay mas gusto niyang bigyan pansin ang anak dahil sa huli, hindi lamang siya ang nawalan ng asawa kung ‘di nawalan din ng ama ang anak niya at hindi niya ito mapapalitan sa pamamagitan ng isang bagong laruan o ng bagong tatay sa buhay ng bata.