Isang Misteryosong Matanda ang Kinaawaan at Binigyan Niya ng Makakain; Nagulat Siya sa Sumunod na Nangyari

Problemado si Lucia. Malapit na kasi ang tag-ulan ngunit hindi man lamang sila nakapag-imbak ng kahit bigas man lamang.

Naaawa siya sa dalawang anak dahil mukhang magugutom na naman sila kapag sumapit na ang tag-ulan.

Wala naman siyang magawa dahil tanging paghahabi lamang ng banig ang ikinabubuhay nila. Kung walang bibili ay wala rin siyang kikitain.

Sa ngayon ay halos tambak na ang mga banig na hindi niya nabebenta dahil walang pera ang mga tao. 

“Diyos ko, sana naman ay maghimala at magkaroon kami ng pagkain na higit pa sa sapat,” pabulong na himutok niya sa langit habang naghihintay na may kahit isa man lang na bumili. Kailangan niya ng benta para may pang-ulam man lang sila mamaya.

Naantala ang pagmumuni-muni niya nang marinig ang malakas na sigaw ng kasamahan niyang tindera. Kilala ito bilang malupit at masungit. Isa kasi ito sa mga maalwan ang pamumuhay. Nagtitinda ito ng iba’t ibang klase ng inumin, pagkain, at kung ano-ano pa.

“Ikaw na matanda ka, lumayas ka sa tindahan ko! Ang aga aga hinahawahan mo ako ng kamalasan! Wala nang libre sa panahon ngayon!” malakas na taboy nito sa isang uugod-ugod na matanda.

Agad na binalot ng awa ang puso niya lalo pa’t tila napahiya ang matanda sa pagsigaw ng tindera.

Advertisement

Yukong-yuko ito nang maglakad palayo sa masungit na tindera.

Nang tumapat ito sa tindahan niya ay marahan niya itong tinawag.

“Nanay!”

Dahan dahang lumingon ang matanda sa kaniya. Bakas sa mukha nito ang gulat habang nakaturo sa sarili.

“May pagkain ho ako dito. Hindi ho kasingsarap ng binebenta nung tindera sa kabila, pero pwede ho nating pagsaluhan, gusto niyo ho?” nakangiting alok niya sa matanda.

Agad na nagliwanag ang mukha ng matanda at sunud-sunod na tumango.

Masaya silang nagsalo sa payak na pananghalian.

Nalaman niya na palaboy pala ang matandang si Nanay Maria. Ulilang lubos na ito at natutulog lamang ito kung saan saan.

Advertisement

Pamamalimos at panghihingi lamang ang ikinabubuhay nito. Hindi na raw kasi nito kayang magtrabaho dahil sa katandaan.

“Kung may magagawa lang ho sana ako para tulungan kayo, Nanay Maria. Kaso naghihikahos din kami, kita niyo naman. Hindi ko nga alam kung mayroon kaming panghapunan mamaya,” malungkot na anas niya sa matanda.

“Hindi na kailangan, Lucia. Ang pagtulong mo sa akin ngayon ay higit pa sa sapat,” bulong ng matanda.

Nagtaka si Lucia. Hindi niya natatandaang ibinigay niya sa matanda ang kaniyang pangalan. Ngunit ipinagkibit balikat niya iyon. Marahil ay narinig nito ang pangalan niya na tinatawag ng mga kasamahan niyang tindera.

“Lucia, ano ang pangarap mo?” maya maya ay untag ng matanda.

Matagal siyang nag-isip bago sinagot ang matanda.

“Gusto ko lang ho na magkaroon ng sapat na pera upang matustusan ang mga anak ko. Kapag ho sumapit ang tag-ulan, hindi na ako makakapagtinda. Hindi ko alam kung saan ako huhugot ng pera ‘pag nangyari ‘yun,” problemadong tugon niya sa matanda.

Hinawakan ng matanda ang kaniyang kamay at tumitig ito sa kaniyang mga mata.

Advertisement

“Malinis ang puso mo, hija. Pagbibigyan ng langit ang hiling mo,” makahulugang wika ng matanda.

Ilang sandali pa ay nagpaalam na ang matanda.

“Sandali lang ho, bibigyan ko kayo ng banig, pananggalang niyo sa lamig. Pasensiya na ho, ito lang ang kaya ko,” wika niya sa matanda.

“Naku, hija, hindi na kailangan,” agad na tanggi nito subalit pumili pa rin siya ng isang piraso para sa matanda.

Ngunit nang mag-angat siya ng tingin at iaabot niya na rito ang banig ay wala na ito. Sinubukan niyang tanawin ang matanda sa pagbabaka-sakaling maabutan niya ito subalit naglaho itong parang bula.

Nagtataka man ay hindi niya na pinansin ang kakatwang pangyayari na iyon.

Nang mag-aalas singko na ay tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa na may kikitain siya sa araw na iyon. Nagsisimula na siyang magligpit ng mga tinda nang isang jeep ang huminto sa kaniyang tapat.

“Manang, bibili ho kami ng banig,” wika ng babaeng bumaba mula sa jeep.

Advertisement

Nanlaki ang mata ni Lucia. Mukhang makakabenta pa siya!

Taranta niyang inestima ang kustomer.

“Ilan ba ang kailangan niyo, hija?” nakangiting usisa niya.

“Siguro ho ay mga nasa isang daan. Para ho kasi ito sa evacuation center. Alam niyo na, malapit na po ang tag-ulan,” magalang na paliwanag ng babae.

Natigagal si Lucia. Isang daan? Isang daan? Napakalaki ng kikitain niya!

Tila nanalo si Lucia sa lotto nang makaalis ang jeep na punong puno ng isang daang piraso ng banig na binili mula sa kaniya. Iilang piraso na lamang ang naiwan sa kaniya.

“Grabe, buti pa si Lucia, naka-jackpot!” naiinggit ng komento ng kasamahan niyang tindera.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay kumita siya ng beinte mil! Ang bulsa niyang kanina ay walang laman ay napuno ng pera! Hindi na magugutom ang mga anak niya!

Advertisement

Habang nagliligpit at naghahandang umuwi ay nakita niya ang banig na dapat ay ibibigay niya kay Nanay Maria.

Tila kidlat na bumalik sa kaniyang alaala ang sinabi nito.

“Malinis ang puso mo, hija. Pagbibigyan ng langit ang hiling mo.”

Natupad nga ang hiling niya! Noon siya nakumbinsi na misteryosa nga ang matanda. Alam nito ang pangalan niya, at hindi niya maipaliwanag ang bigla nitong paglalaho gayong hirap ito sa paglalakad.

Napangiti si Lucia sa naisip. Hindi niya makukumpirma alam kung misteryosa nga ba ang matanda o nagkataon lang, ngunit natutuwa siya dahil ang simpleng kabaitang ipinamalas niya sa matanda ay naibalik sa kaniya sa isang paraan na hindi niya inaasahan.