Minura at Sinapak pa ng Lalaki ang Taong Grasang Humahawak sa Kaniyang Braso; Halos Atakihin Siya sa Puso Nang Masilayan ang Mukha Nito

“Ay, ang cute. Parehas pa silang may birthmark na hugis puso sa kanang braso,” wika ng nars na nag-aasikaso sa bagong silang na kambal na sila Nikko at Rikko.

Mayamang negosyante ang kanilang mga magulang at sikat sila sa buong lungsod dahil sa taglay nilang yaman at kabaitan.

Ang masayang pagsasama nila Donya Emelyn at Don Rodrigo ay naging masalimuot nang sila’y nagbakasyon sa kanilang beach house sa Batangas.

Napagdesisyunan ng mag-asawa na mag-outing sa ikatlong kaarawan ng kambal. Palibhasa’y pirmeng abala ang dalawa sa kani-kanilang tungkulin sa lumalagong kumpanya ay halos limitado na lamang ang kanilang oras upang makabonding ang kambal.

“Hon, sakto at nagpaalam si Yaya Rosie na magbabakasyon ng isang linggo sa Tarlac. Ako na ang bahalang mag-alaga sa kambal sa ating outing,” wika ni Donya Emelyn.

Tuwang-tuwa naman ang mister at habang nagmamaneho’y nagtatawanan pa at nagbibiruan ang mag-anak. Dumaan pa sila sa isang magarang mall upang magpakuha ng family picture.

Habang lumalangoy ang kambal sa pool ay biglang nag-ring ang telepono ng misis. May kaunting problema sa opisina at kailangan niyang kausapin ang kanilang VIP na kliyente.

Wala sa sariling iniwan niya saglit ang kambal sa kiddie pool at si Ricco na natural na mas malikot kaysa kay Nicco ay umahon doon at tumungo sa dagat.

Advertisement

Doon na nagsimula ang kanilang kalbaryo.

“Ma-ma! Ricco….” uutal-utal ng inosente ngunit nag-aalalang si Nicco.

Agad na tumakbo ang donya papuntang dalampasigan. Sinubukan niyang habulin ang anak habang unti-unti itong naglalaho palayo kasabay ng rumaragasang mga alon.

Dalawampung taon na ang lumipas ngunit sariwa pa rin sa alaala ng mag-asawa ang lahat.

Kahit kailan ay hindi sinisi ng mister ang misis ngunit ramdam ng misis na masama ang loob nito sa kanya.

Nagsimula na ring mambabae si Don Rodrigo isang taon matapos malunod at mawala ang anak. Halos gabi-gabi rin itong naglalasing.

Si Nicco naman ay tuluyan nang ipinaubaya sa kaniyang Yaya Rosie.

May mga araw na ni hindi man lamang ito nabubuhat ng ina at ama kaya’t lumaki itong may hinanakit sa kanila.

Advertisement

Napakarami man nilang salapi ngunit balewala ang lahat ng iyon.

Dahil natutong magrebelde’y naging mayabang at arogante ang batang si Nicco nang magbinata ito.

Mahilig itong makipag-away at walang respeto sa magulang lalo na sa kaniyang ina.

Hindi naman mapagkakaila na namana ni Nicco ang husay ng mga magulang sa larangan ng negosyo.

Hindi man ito marunong rumespeto sa kanila ngunit natural ang talento nito sa pagpapalago ng pera.

Isang araw ay napagdesisyunan ni Nicco na bisitahin ang kanilang nabiling malaking bodega sa Divisoria.

Habang naglalakad ay pinagtitinginan ang binata sa taglay na kaguwapuhan at kakisigan nito. Maikli ang manggas ng polo shirt nito at hubog na hubog ang kaniyang masel.

Nanlaki ang mga mata ni Nicco sa gulat nang may isang lalaking taong grasang lumapit sa kaniya at hinahawakan ang kaniyang braso.

Advertisement

“Put@&!n@!!! ‘Wag mo akong hawakan!!!” sabay bigwas sa gusgusing nilalang.

Napahawak sa bibig ang mga nakakita nang mapatihaya ang maruming lalaki.

Ang mahabang buhok na nagtatago sa mukha nito’y sumayad sa lupa at bumungad sa lahat ang napakaguwapong mukha ng lalaki.

Napanganga si Nicco sa nakita.

“Hala?! Magkamukha sila!” sigaw ng isang ale.

“Hijo, pagmasdan mo ang mukha niya. Para kayong kambal!” saad ng isang tinderang may edad na.

Nagkagulo na ang mga tao sa Divisoria at maya-maya’y nagdatingan ang mga pulis.

Agad naman ding tinawagan ni Nicco ang mga magulang upang ibalita ang nakakagulantang na pangyayari.

Advertisement

Halos paliparin ni Don Rodrigo ang sasakyan.

Pagdating sa ospital ay agad tinignan ng mag-asawa ang braso ng pobreng lalaki. May balat iyon na hugis puso. Kagayang-kagaya ng balat ng nawawala nilang anak na si Ricco.

Matapos ang mahabang panahon ay muling nagyakap ang mag-asawa habang humahagulgol. Sunod nilang niyakap si Nicco.

Hindi sila makapaniwala sa tadhana.

Ilang ulit din nilang pinahanap sa karatig nayon ang batang iyon ngunit wala silang napala.

“Hindi talaga natutulog ang Diyos at lahat ay nagaganap sa panahong itinakda niya,” pasasalamat ni Don Rodrigo.

Ng araw ding iyon ay ipina DNA test nila ang lalaki, ipinagamot at binigyan ng karampatang counseling dahil tila dumaan ito sa matinding trauma.

Makalipas ang ilang araw ay lumabas ang resulta ng DNA. Ito nga’y walang iba kundi si Ricco.

Advertisement

Napag-alamang nakuha pala sa pampang ang katawan ni Ricco at naisalba ito ng mag-asawang mangingisda sa Lucena.

Matino pa raw ito nang lumuwas ng Maynila ngunit naloko raw ito ng isang lalaki at pinangakuang babayaran sa pagkakargador ngunit hindi ito pinapakain at binibigyan ng suweldo kaya’t lumayas na lamang ang binata at tumira sa kalye.

Habag na habag si Nicco sa sinapit ng kapatid kaya’t ginagawa niya ang lahat upang mapabilis ang paggaling nito.

Sa kasalukuyan ay nakakatulong na nila si Ricco sa kanilang kumpanya. Ang dati ring mapait na samahan ng mag-asawa ay nagkaroon nang muli ng tamis.