Sawi sa Pag Ibig ang Babaeng Embalsamador, Di Niya Akalain na ang Susunod Nyang Pasyente ang Katawan ng Gwapong Dating Nobyo
Kolehiyo palang ay magnobyo na sina Gabriel at Yna. Ngayong thesis na lang ang kulang at ga-graduate na sila ay sobrang saya ng dalawa. Unti unti na kasing natutupad ang kanilang mga pangarap.
“Basta mahal, magiging manager ka, tapos ako ay pulis. Kapag ayos na lahat, magpapakasal na tayo,” masuyong sabi ni Gabriel, kinilig naman si Yna. Nakakatuwang isipin na maraming plano ang kanyang nobyo para sa kanilang dalawa.
Gwapo si Gabriel, matapat at maginoo, kaya mahal na mahal niya ito. Ito at ang kanyang pamilya ang naging inspirasyon nya para magsikap sa buhay.
“Ayoko ngang maging pulis ka eh, delikado.” malungkot na sabi nya. Paano nalang kung misis na sya nito, tuwing aalis ito ng bahay nila ay kabado sya dahil malaki ang posibilidad na di na ito makabalik. Alam nyang ang mga pulis ay nagbubuwis ng buhay.
“Ano ka ba? Hindi kita iiwan, tsaka, magaling naman ako eh,” biro nito at kinindatan pa sya.
Nagising sa pagkakatulala si Yna nang kalabitin siya ng isang taong gulang na anak.
“Uy Gabby, you want milk?” nakangiti nyang tanong rito. Pumalakpak naman ang isang taong gulang na bata. Kapag ganitong tumatawa ito ay lalo itong nagiging kamukha ni Gabriel, ang ama nito.
Lalo tuloy syang nahihirapang kalimutan ang lalaki. Dalawang taon na ang nakalipas nang umamin ang bestfriend nya na may relasyon ito at ang kanyang nobyo. Ayaw muna nyang maniwala pero nahuli nyang nakakandong ang babae kay Gabriel, hindi na sya nakapagsalita at tumakbo na lang palayo.
Naririnig nyang hinahabol sya ng lalaki pero di na sya sumagot pa. Tinaguan nya ito, umuwi muna sya sa probinsya para lang di sya mahanap nito.
Pero talagang sinusubok sya ng tadhana dahil natuklasan nyang nagdadalantao sya, maski na sobrang hirap ay binuhay nya ang bata. Kahit pa ang kapalit noon ay ang pangarap nya, di na sya nakapagtrabaho at ngayon ay tumutulong nalang sya sa punerarya ng kanyang ina. Walang choice, walang mag aalaga ng baby.
Ang kaisa isang kapatid nyang si Roy ay abala rin sa training dahil nais maging pulis. Paminsan-minsan ay inilalabas nito ang bata at ito rin ang nag aabot sa kanya ng pera kung kakapusin sya.
“Yna, bukas pala eh aalis ako ha. May prayer meeting kami ng El Shaddai ni Mareng Lita sa Quezon City, ikaw na muna ang bahala sa negosyo.” bilin ng mommy nya.
“Eh si Kuya Joel ho papasok naman diba?” tanong nya, ang tinutukoy ay ang embalsamador.
“Oo papasok yun, pero kung sakali man diba at tinuruan na naman kita?” sabi ng ale.
“H-ho? Ako ang mag eembalsamo?”
“Oo! Bat natatakot ka eh ito ang negosyo natin, batang to. Ito nga ang bumuhay sa inyo,” natatawa pa ang ale. Napatango nalang sya.
Nang umalis ang mama nya ay nakahinga nang maluwag si Yna dahil wala naman palang pasok ang kapatid nyang si Roy, alas siyete na ng gabi at kumakain sila ng hapunan nang bigla itong magtanong.
“Ate, diba bestfriend mo dati si Kareen?”
Umasim ang mukha ni Yna nang marinig ang pangalan ng babae, iyon kasi ang naging dahilan ng paghihiwalay nila ni Gabriel.
“Bakit mo naitanong?”
“Wala lang, yung girlfriend kasi ng kaibigan ko, friends sila. Palagi nga raw nagkukwentuhan yung mga babaeng yun tapos pinagmalaki pa na may naghiwalay na magnobyo dahil sa kanya,”
Tumaas ang kilay ni Yna sa narinig, ngayon ay nakuha na ng kapatid ang kanyang interes, “Tapos?”
“Paniwalang paniwala raw yung babae na may relasyon sila nung boyfriend, kaya iniwan ng babae yung boyfriend kahit inosente naman yung lalaki.Eto nga yung screenshot ng kwentuhan nila o,” sabi ni Roy at ipinakita sa kanya ang litrato ng pagchachat ng dalawang babae kung saan sila ni Gabriel ang pinagkukwentuhan.
“Hindi ba kayo yan ni Kuya Gabriel?” tanong nito sa kanya dahil nakatulala lang sya.
Panginoon.
Hindi pala sya niloko ni Gabriel! Tiniis niya ito at tinaguan, pinagkait niya rito ang anak nila..ni hindi nito alam na nabuntis sya!
Si Gabriel, ang kanyang kawawang si Gabriel. Napahaplos sya sa kanyang dibdib, para syang nauupos na kandila. Hindi sya makasagot sa kapatid nang marinig nila ang doorbell.
“Kuya J-joel, pakibuksan muna ho..” sabi nya.
“Ate, okay ka lang ba? Nagtext pala si Kuya Joel kanina, nilalagnat raw at di makakapasok.”
Ano ba naman ito! Sabay sabay pa!
“S-sige, ikaw muna kay baby Gabby ha. Aasikasuhin ko lang itong negosyo,” sabi nya pero tulala pa rin. Kung hindi lang tumunog ang doorbell ay baka nahimatay na sya.
Nasa harap ng gate nila ang isang ambulansya, sinenyasan nya ang mga ito na ipasok na ang katawan at idiretso sa embalming room nila.
“Kailan kukunin ng pamilya?” tanong nya.
“Bukas, pakiayos mo, matindi ang tama nyan. Medyo luray luray raw.” sabi ng nurse.
Kumabog ang dibdib ni Yna, oo at tinuturuan sya ng kanyang ina pero ito ang unang beses na gagawin nya ito nang mag isa.
“Susubukan kong tahiin ng maayos, tapos yung make up artist na namin ang bahala. Ibibilin ko pagdating nya, sige. Thank you ha,” sabi nya.
Lumabas na ang mga nurse. Di alam ni Yna kung saan sya manghihina, sa lamig ba ng embalming room, o sa natuklasan nya. Sana, magawa nya ito nang maayos ngayong lumilipad ang isip nya.
Ikinabit nya na ang face mask at ang kanyang gwantes na goma. Inihanda nya ang mga panghiwa at ang hose na ginagamit pangsipsip ng dugo, nasa tabi nya na rin ang mga gamot na ituturok upang di maagnas ang bangkay.
Dahan dahan nyang inalis ang talukbong.
“Kuyang patay, wag mo naman akong takutin..” bulong nya. Sabi ng mga nurse ay lalaki raw ang biktima.
Pigil nya ang hininga na tinanggal ang nakatakip sa mukha nito pero napaatras sya nang makilala ang bangkay.
Si Gabriel.
“H-hindi..” bulong nya.
Hingal na hingal sya at di malaman kung paano iyak ang gagawin, “Diyos ko, h-hindi pwede..paanong.. bakit ka nagkaganyan, ano ang nangyari? Gabriel..Gabriel ko..” umiiling iling pa sya.
Napahawak sya sa isang mesa, dahil kung hindi ay tutumba sya.
Sa itsura nito ay mukhang kamamatay lang ng lalaki. Hindi pa nawawala ang kulay nito sa katawan at mainit init pa ito. Hindi nya ito kayang hawakan upang i-check ang pulso dahil di nya pa natatanggap ang nangyayari ngayon.
Sabi ng nurse, luray luray raw. Diyos ko po, baka iyong ibabang bahagi ng katawan ang tinutukoy nito. Baka wala itong binti, hita..napahagulgol siya ng iyak sa isiping iyon. Di nya na maiwasang ilabas ang kanyang nararamdaman.
“Ang daya daya mo! Ni hindi mo man lang ako hinintay makapag sorry, ni hindi mo nakilala ang baby natin. Pakakasalan mo ako diba? Mahal mo ako diba? Paano na ako ngayon, paano na kami ni Gabby?” hilam ang mata niya sa luha at halos di na sya makahinga.Halu halo na ang sipon, luha at malamig na pawis dahil sa sobrang tensyon.
Hindi nya ito kayang gawin.
Hihintayin nya na lang si Kuya Joel, o tatawag sya sa ospital at irerequest na ilipat ito sa ibang punerarya.
Nakatalikod na sya at palabas na ng pintuan nang makarinig sya ng gumagalaw.
“Talaga? Pakakasalan mo ako?” sabi ng baritonong boses.
Nang lumingon si Yna ay nakatayo na ang matipunong lalaki sa likuran nya. Ang tangkad nito, lalong lumaki ang katawan at lalong gumwapo. Ang mata nitong mahahaba ang pilik ay nakatitig sa kanya ngayon, tila pinipigil nito ang mangiti.
“Akala ko.. zombie ka?!” nababaliw na yata sya, pero iyon ang una nyang naisip.
Natatawang umiling ang lalaki. “Wala na akong maisip na paraan para makalapit sayo baby. It’s been two years, hirap na hirap akong patunayan na hindi kita niloko. Si Kareen ang may kagagawan ng lahat, umamin sya sa akin na gusto nya ako pero alam mo kung gaano kita kamahal. Sya ang nagtext sayo na pumunta kana sa tagpuan natin at nang alam nyang paparating kana ay kumandong sya sa akin, siguro naman alam mo na yung usapan nila ng kaibigan nya ngayon?”
Tumango naman si Yna, at kasabwat pa pala nito ang kapatid nyang si Roy.
“Nagkakasya nalang ako sa pagtanaw mula sa malayo. Sa panakaw na titig, gustong gusto ko kayong yakapin ni baby Gabby. At ngayon, handang handa na ako. May ipon na ako, pinapagawa ko na ang bahay natin. Narinig ko na yung sinabi mong pakakasalan mo ako.. wala nang bawian please?” nagsusumamong sabi ng lalaki, sa isang hakbang nito ay magkalapit na ang mga mukha nila.
Kahit anong lamig sa embalming room ay natalo iyon ng init ng kanilang pag ibig. Si Yna na mismo ang unang naglapit ng labi nya sa nobyo, napakarami nyang utang rito.
Paglabas nya ng pinto ay nagulat pa sya nang karga karga ng mama niya si Gabby habang nilalaro ito ni Roy.
“Akala ko may meeting kayo ng El Shaddai?!” gulat na sabi nya.
“Kiyeme kiyeme ko lang yun, para magkausap kayo ng manugang ko,” sabi ng ginang at kinindatan pa si Gabriel.
Tinanggal ng lalaki ang pagkakaakbay sa kanya at kinarga ang anak nila.
“Dada..” sabi ng bata. Kilala nito ang ama dahil pag pinagpapaalam ni Roy na ipapasyal ang kanyang anak ay si Gabriel ang kasama nito. Si Gabriel rin ang nagpapaabot ng pera para masigurong maayos silang mag ina.
Isang buwan lang ang naging preparasyon at nagpakasal na ang dalawa.
Kung tunay ang pag ibig ay walang sinuman ang makakapigil dito, hamakin man ng lahat ay pusong nagmamahal pa rin ang mananaig.