Binubuhay ng 50-anyos na Ina ang mga Anak sa Pagsisid ng Barya sa Pier, Ngunit Isang Pangyayari ang Gigimbal sa Kanyang mga Pangarap
Sa edad na 50 ay malakas na malakas si Mameng. Kayang-kaya nya pang sumisid sa ilalim ng dagat at magsagwan, bagamat may mga nararamdaman nang sakit ng katawan ay di niya iyon alintana basta kumita lang ng pera.
Siguro, isa sa nagsisilbing motibasyon nya ay ang pamilyang umaasa sa kanya. Kung hindi sya kakayod, walang kakainin ang mga anak nya. Mayroon syang tatlong anak, ang mister nya ay pumanaw na sa sakit sa atay.
Binubuhay nya ang mga anak sa pamamagitan ng paninisid. Pumupunta siya sa daungan ng barko kung saan maraming turista, tuwang-tuwa ang mga ito tuwing magpapasikat sya.
“Here! 10 peso coin, fetch!” sigaw ng isang kanong nakasakay sa papaalis na barko at inihagis sa tubig ang barya. Tumalon naman si Mameng mula sa kanyang bangka at sinisid ang bahagi ng karagatan kung saan lumubog ang pera. Malaki na ang sampung piso.
Hingal na hingal sya nang umahon, namumulikat ang binti nya kaya napakapit sya sa bangka.
“Nice!” sabi ng kano. Ang ilan ay pinipicturan sya, sa sobrang tuwa nito ay hinagisan pa sya ng 50 pesos na buo. Na agad nyang nasalo.
“May pang ulam na kami,” masayang sabi nya habang hinihingal. Kaunting kayod nalang, may pambaon na si Maridel at Mark bukas.
Si Maridel ay ang panganay nya, sa isang taon ay magkokolehiyo na ito. Sa totoo lang ay di nya pa alam kung paano ito papag-aralin pero gagawan nya ng paraan. Si Mark naman ay ang bunso, 1st year high school naman. Bago magtanghalian ay umuwi na si Mameng sa barung-barong nila, isa sila sa mga nakatira sa mga bahay na itinayo gamit ang kawayan- nakalutang sa tubig.
“Ne, may ulam na tayo! Nakabili ako ng fish stek dyan kay Lorna, hmm maraming kalamanse! Tena!” yaya nya sa kanyang mga anak.
Tumalima naman ang dalawa at nakakamay silang kumain. Di sinasadyang napadako ang mata ni Mameng sa puson ng kanyang panganay, di nya sigurado kung maluwag lang ang Tshirt na suot nito pero parang nakaumbok iyon.
“Ne, ni-regla kanaba? Bakit di kita nakikitang naglalaba ng pasador?” kinakabahang tanong nya, sana, mali ang nasa isip nya.
Di sumagot ang bata, bigla nalang itong tumungo at bumunghalit ng iyak. “Nanay sorry..”
Iyon lang ang sinabi nito pero nanlambot na si Mameng. Paano na ngayon ang buhay nito?
Tahimik nalang syang lumabas ng bahay at doon ay umiyak nang umiyak. Pero kung akala ni Mameng ay todo na ang pagsubok na iyon, hindi pa pala.
Dahil makalipas ang siyam na buwan ay hindi kinaya ng katawan ng anak nya ang panganganak. Pagkalabas ng bata ay nalagutan ito ng hininga. Sa pampublikong ospital lamang ito at nakahingi na rin sya ng tulong sa iba’t ibang ahensya, pero napakalaki pa rin ng utang nya.
Karga-karga nya ang bata habang nakatulala sya sa kabaong ng kanyang anak na si Maridel. Patung-patong ang utang nya, sa ospital, sa burol, sa libing. Ni hindi nya pa alam kung paano bubuhayin ang sanggol.
“Meng may sasabihin ako sayo.” sabi ng kapitbahay nyang si Baby. Sumulyap siya rito, lutang ang isip.
“Gusto mo solusyon sa problema mo? May kilala ako, mag asawang mayaman naghahanap ng anak.” sabi nito, at sinulyapan ang apo niyang mahimbing na natutulog sa kanyang bisig.
“A-anong ibig mong sabihin?”
“Magbabayad ng 100k basta ibenta mo ang bata sa kanila at dadalhin sa Amerika. Bayad na ang utang mo, may sobra pa, tapos gaganda pa buhay ng apo mo,” pangungumbinsi nito.
Nasulyapan ni Mameng ang kanyang apo. Lalaki ito, pero kamukhang kamukha ni Maridel. Tama si Baby, anong buhay ang maibibigay nya sa bata? Wala syang pakialam sa pera, ang mas iniisip nya ay ang kapakanan ng kanyang apo.
Pero sa kabilang banda, wala na ngang ama ang baby, namatayan na nga ng ina, tapos ibebenta pa ng lola?
“Alam mo baby, hindi pa ako nakahawak ng ganoon kalaking halaga.” sabi nya.
“O diba, kaya nga sabi ko sayo minsan lang ito. Pagkakataon mo na Mams.”
“Pero wala nang mas hihigit pa sa apo ko. Pasensya kana Baby, hindi ko sya ipinagbibili.” matigas na sabi nya, tila naman nakakaintindi ang baby dahil bigla na lamang itong humagikgik.
“Sinayang mo ang pagkakataon.” umirap pa ang babae bago tumalikod.
Makalipas ang maraming taon.
“1, 2, 3! Open your eyes na nanay!” tinanggal ni Marvin ang pagkakakabit ng piring sa mata ng matanda.
Napahawak naman sa dibdib nya si Aling Mameng, ang laki laki ng bahay! “A-anak? Akin ba talaga ito? Nahihiya ang paa kong tumapak sa marmol na sahig!” natatawa na naiiyak na sabi nya.
“Sayong sayo nanay,” nakangiti si Marvin at inakbayan pa ang ginang.
Ang binata ay anak na ni Maridel, ito ang sanggol na inalagaan ni Aling Mameng. Hindi alam ng matanda kung paano niya ito nabuhay sa pamamagitan ng mas matinding pagsisid.
Sinabayan iyon ng sipag at tyaga ni Marvin sa pag-aaral kaya nakuha syang iskolar at nakapagtapos sa kolehiyo. Dahil kita ng mga teacher kung gaano ito kagaling ay pinautang ito ng puhunan upang magtayo ng sariling negosyo na hindi sinayang ng binata, pinagbutihan nya. Ngayon ay bayad na sya sa utang, nakapagpagawa na rin sya ng sariling bahay para sa kanyang ina.
Ang lahat ng hirap ni Aling Mameng ay nasuklian na.
“Anak, hinding hindi ako magsisising tinanggap kita,” lumuluhang sabi ni Aling Mameng habang yakap ang binata.
Hindi natutulog ang Diyos, lahat ng ginagawa natin, masama man o mabuti, pasasaan ba at maibabalik rin.