Inday TrendingInday Trending
Hinuhuthutan ng Babae ang Mga Kapitbahay Kapalit ng Pangakong Makakarating ang mga Ito sa Abroad, Nang Atakehin Siya sa Puso ay Walang Nagawa ang Pera Nya

Hinuhuthutan ng Babae ang Mga Kapitbahay Kapalit ng Pangakong Makakarating ang mga Ito sa Abroad, Nang Atakehin Siya sa Puso ay Walang Nagawa ang Pera Nya

“Ayan ate Ding, pirma ka na lang dito tapos ako na ang magpa-process nito,” sabi ni Marlene sa may edad nang babaeng dumayo pa sa bahay niya ngayon.

Narito sila sa isang parte ng kanyang tahanan na nilagyan nya lang ng maliit na harang at mesa, ito ang nagsisilbi niyang opisina at dito nya kinakausap lahat ng taong nais magpalakad ng papeles papunta sa abroad.

“Sigurado ka ba Marlene na pasok pa ako? Mag 70 na ako eh,” nag aalangang sabi ng ale.

“Oo naman ate, ang trabaho mo lang doon yaya ng 10 years old na batang Arabo, hindi na iyon alagain. Tsaka smooth na smooth ang transaction natin basta may pera madali iyan, dala mo na ba ang pang down?”

“Oo, sinanla ko muna yung lupa ng asawa ko. 37000 ba kamo?” sabi nito, inilabas ang isang lumang envelope na pinaglalagyan ng pera. Binilang pa nito sa harap niya ang mga lilibuhin.

“Yan! Naku, sigurado ako, sa susunod na buwan lang eh baka makalakad ka na. Handa ka na bang yumaman?” nakangiting tanong nya.

“Sana nga, buong buhay namin eh hikahos na. Sana eh swertehin sa abroad,” puno naman ng pag asa ang sagot ng ale.

Maya maya pa ay umalis na ito at may mga sumunod ring kapitbahay na nagbigay ng pera. Ang sabi nya kasi, sabay sabay nyang lalakarin ang mga papel at sabay sabay makakapunta sa Saudi ang mga ito.

Pero lahat ng iyon, ay isang malaking kasinungalingan.

Hindi talaga siya taga-agency, wala rin syang ka-transaksyon na employer sa ibang bansa. Lahat ay gawa gawa nya lamang para maka-kolekta ng malaking pera. Isang taon nya na itong ginagawa, palipat lipat lang sya ng lugar at sinasadya nyang mangupahan lang para mabilis umalis.

Target nya rin ang maliliit na bayan kung saan walang masyadong kaalaman ang tao tungkol sa internet para hindi mabasa ng mga ito ang post tungkol sa kanya, nang sa gayon ay madali nyang makuha ang tiwala.

Nakapag aral naman si Marlene pero mas pinili nyang gamitin ang utak sa panloloko sa kapwa, dito kasi, easy money. Di na kailangang magbanat ng buto. Ang mister nya nga ay pahiga higa nalang, pero nakakapamasyal pa sila sa mall. Konting pasikat, konting bola, pera na.

Kinabukasan ay nagpaalam si Marlene sa mga kapitbahay na luluwas ng Maynila upang lakarin na ang papel ng mga ito. Ang lahat ay asang asa, may nagpakain pa nga ng pancit dahil sa wakas ay makakapag abroad na.

Di nila alam, di na babalik pa si Marlene.

Ang laki ng ngiti nya habang nakasakay siya sa bus pa-Maynila.

“Ang galing mo talaga ano?” sabi ng mister nya.

“Syempre, expert tayo dyan. Sabi sayo mga ganitong probinsya dapat ang pupuntahan natin kasi mga mangmang ang tao rito. Pag doon ka sa Maynila nanloko sigurado makikita nila yung mga post sa Facebook nung dati nating tinakbuhan,” sabi nya.

Iiling iling ang asawa nya na nagsindi ng sigarilyo.

Nang makarating sila sa Maynila ay anong saya ng mag asawa, dumiretso sila sa mall at nagshopping, aba, 150000 ang pera nila!

Sobrang yabang ng babae, nakaangat pa ang mga paperbag na pinamili.

“Picturan mo nga ako,” sabi nya sa asawa at sinadya nya pang ipakita ang logo ng bilihan ng mamahaling kape, di na inisip na ang winawaldas nya ay galing sa hirap at pawis ng mga tao.

“Cynthia Gaeza?” napalingon si Marlene sa nagsalita, ang pangalan na ‘Cynthia Gaeza’ ay dati nya nang ginamit para manloko. Nanlaki ang mata nya nang makita ang dati nyang kapitbahay na tinakbuhan nya ng 45000 pesos.

“Ikaw nga! Walanghiya ka!” sabi ng matanda, tinawag nito ang anak na binata, pero bago pa makalapit ang lalaki ay tumakbo na si Marlene at ang asawa nya.

“Abuloy ko na yun sayo! Hayop ka manloloko!” sigaw ng ale dahil di sila nito naabutan.

Hingal na hingal si Marlene, halos di sya makahinga. Buti nalang at natakasan nila ang ale, kalaboso kung sakali.

“Hah! Sa dinami rami naman ng…makikita! Sabi ko sayo wag na muna tayo magmall eh!” sabi ng mister nya.

“H-hon..tubig..” di makahinga si Marlene. Dahil may katabaan rin sya ay hiningal sya sa biglaang pagtakbo, ang bilis bilis ng tibok ng puso nya.

“Ha? Eh teka,saan naman ako kukuha ng tubig? Wala tayong dalang tubig!”

“H-hindi ako.. makahinga..” hirap na hirap ang babae, pinilit niyang humabol ng hangin pero tuluyan nang umakyat ang init sa ulo sya. Nagdilim ang kanyang paningin at nawalan sya ng malay. Hawak hawak nya ang dibdib na ubod ng sikip.

Dinala sya ng kanyang mister sa ospital pero di na umabot, dead on arrival dahil sa atake sa puso.

Sa pagkamatay ni Marlene ay maraming lumutang na naloko nya, ang mister nya ay nakulong dahil kasabwat rin ito sa panloloko. Hindi man naibalik ang pera ng mga tao, isa naman itong malaking aral sa kanila na huwag basta magtitiwala sa mga taong di nila masyadong kilala.

Nagkatotoo ang sinabi ng ale, ang mga perang itinakbo nya ay naging abuloy na sa kanya. Aanhin nya ang yaman, hindi nya na madadala sa hukay.

Advertisement