Walang ginawa sina Sandra at Marjorie, kapwa nasa hayskul, kung ‘di pag-usapan ang kanilang kaklaseng si Norma. Mahirap lamang kasi ito at sadyang hindi magaling sa kanilang klase ngunit nagsusumikap.
Salat kasi ang pamilya nila Norma. Ang tatay niya ay naglalako ng fishball at ang kaniyang ina naman ay isang street sweeper. Sa katunayan nga ay tumutulong minsan si Norma sa kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pagtitinda ng yema at pastillas sa kanilang silid-aralan.
Dahil may kaya itong sina Sandra at Marjorie tingin nila ay nakakaangat na sila ng lubusan sa kawawang dalaga.
“Bes, tignan mo ‘yang si Norma. Alam mo sa tingin ko ay wala siyang mararating sa buhay,” bulong ni Sandra sa kaniyang kaibigang si Marjorie. “Kahit anong aral kasi ang gawin niya ay tila walang pumapasok sa kokote niya!” natatawang saad pa ng dalaga.
“Alam mo nga, bes, ang pagkakarinig ko ay hindi na daw mag-aaral pa ng kolehiyo ‘yang si Norma kasi bukod sa wala silang pera ay hindi nga ata kaya pa ng utak niya ang mag-kolehiyo,” sambit naman ni Marjorie na patuloy din sa pagtawa.
“Kawawa naman, ano?” pananarkastiko ni Sandra. “Ano kaya ang kahihinatnan niyang si Norma? Buti na lamang ay kaya tayong paaralin ng mga magulang natin sa kolehiyo, ano? Kung hindi ay baka matulad tayo diyan kay Norma,” dagdag pa ng dalaga.
Patuloy ang tawanan ng dalawa.
Ang hindi nila alam ay naririnig sila ng dalaga. Masakit man ito kay Norma ay wala siyang magawa sapagkat alam niya na totoo ang mga sinasabi ng mga ito. Naisin man niyang mag-kolehiyo ay hindi na ito kakayanin pa ng kaniyang mga magulang. Napayuko na lamang ang dalaga sa pagkadismaya nung napatingin siya sa magkaibigan na nagtatawanan.
Sa araw ng kanilang pagatatapos ay lumapit sina Sandra at Marjorie sa kawawang si Norma. Hindi para batiin ang dalaga kung ‘di upang ipamukha dito ang kanilang sasapitin pagkatapos ng araw na iyon.
“Norma, saan ka mag-aaral ng kolehiyo?” nang-iinis na tanong ni Sandra sa dalaga. “Baka hindi na muna ako mag-kolehiyo. Hindi na rin kasi ako kumuha ng mga entrance exam. Kasi kahit makapasa naman ako ay hindi din naman matutustusan ng mga magulang ko. Siguro ay tutulong na lang muna ako sa kanila at kung makaipon ay tsaka na lamang ako mag-aaral ulit,” nahihiyang tugon ni Norma.
“Naku, baka mga sampung taon pa ‘yan!” Walang patid sa pagtawa si Marjorie.
“Iyung makakaipon ay sa sampung taon pero ang tanong ay kung maipapasa ba niya ang entrance exam ng paaralan kung makaipon man siya,” pangungutya naman ni Sandra.
Nasaktan masyado ang damdamin ni Norma sa mga sinabi ng magkaibigan kaya hindi na niya napigilan ang kaniyang sarili at sinagot ang dalawa.
“Tapos na ba kayong ipamukha sa akin ang kahirapan namin? Kung tapos na kayo ay maari na kayong umalis. Kailangan ko din atang magpasalamat sapagkat hindi niyo ‘yan sinabi sa akin sa harap ng mga magulang ko kung hindi ay masasaktan sila at iisiping walang modo ang lahat ng mga kaklase ko,” tugon ni Norma.
“Masuwerte kayo kasi may kaya ang inyong pamilya at matatalino kayo. Ngunit hindi niyo ‘yun dapat ipamukha sa mga kagaya ko. Pero para sabihin ko sa inyo, Sandra at Marjorie, patuloy akong magsusumikap. Pangako ko ‘yan sa pamilya ko at sa sarili ko!” dagdag pa ng dalaga.
“Bahala ka. Tignan na lang natin kung matupad ‘yang gusto mo,” saad ni Sandra.
Tuluyan nang tumalikod ang dalawa.
Ilang taon ang lumipas ay nakatapos na nga ng kolehiyo sina Sandra at Marjorie. Nakahanap na rin sila ng kani-kaniyang mga trabaho at sa paglipas ng mga taon ay naging manager na si Sandra at si Marjorie naman ay isang supervisor sa isang mall. Samantalang si Norma naman ay hindi na nakatuntong pa ng kolehiyo at nagtitinda naman ng mga damit ng bata.
Habang nagkakape ang magkaibigan sa isang sikat na cafe ay nakita nila sa kabilang kalsada si Norma. Nakatayo ito habang may isang malaking plastik ang nasa kaniyang harapan at tila may hinihintay ito.
“Bes, ‘di ba si Norma ‘yun?” sambit ni Sandra sa kaniyang kaibigan habang tinuturo ang kinatatayuan ni Norma.
“Oo nga! Tara puntahan natin. Tignan mo ang dala niya. Baka tindera ‘yan sa palengke! Tara kausapin natin. Hindi ba ang sabi niya noon ay magsusumikap siya. Walang-wala pa rin siya sa kinalalagyan natin,” tugon naman ni Marjorie.
Pinuntahan ng dalawa ang kinatatayuan ni Norma at agad nila itong kinausap.
“O, Norma, nasaan na ang ipinagmamalaki mong pagsusumikap. Nakatungtong ka na ba ng kolehiyo?” tatawa-tawang wika ni Sandra.
“Nagsumikap naman siya, bes, tignan mo nga ang dami niyang dalang damit ng bata. Paninda mo?” saad naman ni Marjorie.
“Ayan ang sinasabi namin sa’yo, Norma. Kung sana ay nag-aral ka ng mabuti dapat ay nakatungtong ka ng kolehiyo at sana ay tulad ka na rin naming manager at supervisor. Alam mo ba na isang libo at limangdaan ang sweldo namin sa isang araw pa lamang bukod pa sa mga bonus na nakukuha namin sa kompaniya. Sa katunayan nga ay makakabili na kami ng kotse nitong si Marjorie,” pagpapatuloy pa ni Sandra.
Mayamaya ay may lumapit na mga kalalakihan kay Norma.
“Ma’am, nariyan na po ang mga trak para sa deliveries natin. Ipapahakot ko na po ang mga damit,” sambit ng lalaki.
“Sige, hintayin niyo na lamang ako sa itaas sapagkat kakausapin ko lamang itong mga dati kong kaibigan,” tugon naman ni Norma.
“Tama kayo. Nagtitinda nga ako sa palengke ng mga damit ng pambata dahil ako ang kanilang supplier doon. Hindi nga ako manager o supervisor sapagkat ako ang may-ari ng sarili kong negosyo. May patahian at tatakan ako ng mga damit. Marami akong tauhan na nagtatrabaho para sa akin. Wala nga akong magarang kotse ngunit marami akong sasakyan na ginagamit namin ngayon para sa pagde-deliver ng tone-toneladang mga damit. Hindi ako kumikita ng isang libo at limang daan isang araw sapagkat ang kita ko ay pumapatak ng labing limang libo kada araw,” wika ni Norma.
“Hindi ba sinabi ko sa inyo na hindi ako titigil sa pagsusumikap? Hindi man parehas ang landas na tinungo natin kahit papaano naman ay maganda ang kinahinatnan ng buhay ko. Nais ko rin itong ipagpasalamat sa inyo dahil kung hindi sa mga pangungutya niyo ay baka hindi ko pinilit ang aking sarili na husayan pa sa buhay,” saad ni Norma.
“At para sabihin ko sa inyo ngayong taon ay ipagpapatuloy ko ang aking pag-aaral sa kolehiyo sa isang prestihiyosong unibersidad dito sa Pilipinas. Kaya salamat sa inyo at sa mga sinabi niyo noon sa akin,” nakangiting wika ni Norma.
“Kaya mawalang galang sa inyo pero madami pa akong aasikasuhin. Mauna na ako,” wika ni Norma sabay talikod sa dalawa.
Napahiya ang dalawa at sadyang ikinagulat nila ang kanilang mga narinig. Si Norma na inaakala nilang walang mararating sa buhay ay mas nakakaangat na pala sa kanila ngayon. Ang dapat na kukutyain sana nila ay siyang nagpamulat sa kanila na mali ang ginawa nilang pang-aalipusta noon.
Kahit kailan ay hindi naging tama ang manghusga ng iyong kapwa. Hindi mo masasabi kung ang kinukutya mo ngayon ay magiging mas nakaka-aangat na sa iyo sa hinaharap. Hindi laging pamantayan ang kasalukuyan mong antas sa buhay. Kung ikaw ay magsusumikap lahat ng nais mong maabot ay posible.