Inday TrendingInday Trending
Hanggang Kailan Mo Gagamitin ang Mukha Ko?

Hanggang Kailan Mo Gagamitin ang Mukha Ko?

“Hoy, Joy, kanina ka pa chat nang chat diyan, ah!” bati ni Melody sa kaniyang matalik na kaibigan. “Pangiti-ngiti ka pa diyan! Sino ba yan?” pag-usisa pa ng dalaga.

“Wala ‘to. Ikaw talaga,” tugon naman ni Joy. “May bago lang akong ka-chat. Natutuwa lang ako kasi sa wakas ay baka magkaroon na rin ako ng nobyo,” kinikilig na wika ng dalaga habang nakatitig sa kaniyang telepono.

“Patingin na kasi ako,” pilit na inaagaw ng kaibigan ang telepono kay Joy ngunit ayaw itong ipakita ng dalaga.

“Gwapo ba?” tanong muli ni Melody ngunit tikom ang bibig ni Joy.

Matagal nang hinahangad ni Joy na magkaroon ng kasintahan. Sa totoo lang kasi ay hirap siyang makipagkaibigan sapagkat mababa ang kaniyang tiwala sa sarili. Hindi kasi siya kagandahan at lubhang mahiyain. Kaya sa buong eskwelahan ay si Melody lamang ang tangi niyang kaibigan dahil ito lamang ang tanging nakakaunawa sa ugali niya.

“Basta, Joy, mag-ingat ka diyan sa mga ka-chat mo na ‘yan lalo na kung hindi mo pa lubusang kilala. Huwag kang agad magtitiwala,” saad ni Melody.

“Tara na! Pumasok na tayo sa klase. Tama na muna ‘yang ka-chat mo na ‘yan. Baka magselos na ako dahil may bago ka ng kaibigan,” natatawang kantiyaw ni Melody.

Parehas nang nagtungo ang dalawa sa kanilang silid-aralan.

Napapansin ni Melody na halos bawat sandali ay nakatingin sa telepono ang kaibigan. “Joy, madalang na tayong magkuwentuhan, ah. Mas gusto mo na atang kausap ‘yang ka-chat mo,” wika ni Melody.

“Pasensiya ka na sa’kin, Melody, ah. Alam mo namang ngayon lang may lalaking pumansin sa akin. Ngayon ko lang naramdaman ito,” paliwanag naman ni Joy.

“Niloloko lang kita, Joy. Siyempre masaya ako para sa’yo. Basta ang gusto ko lang ay mag-iingat ka parati. Alam mo naman ang mga balita ngayon tungkol sa mga ka-chat,”paalala ni Melody.

“Oo, Melody, mag-iingat ako. Mukha namang mabait ‘tong si Nando. Nagpadala siya minsan sa akin ng mensahe at mula noon ay palagi na kaming magkausap,” tugon naman ni Joy.

“Aba, Nando pala ang pangalan niyang bago mong kaibigan, ah. Kung totoo ‘yang sinasabi mo na mabait siya ay masaya ako para sa’yo,” wika ni Melody.

Patuloy ang pakikipag-usap ni Joy sa kaniyang ka -chat na si Nando. Halos oras-oras ay walang ginawa ang dalaga kung ‘di makipagpalitan ng mensahe sa lalaki.

Isang araw ay nagyaya si Nando na makipagkita na nang tuluyan kay Joy.

“Melody, sige na naman pumayag ka na. Ito na ang una at huli ko talagang paghingi sa’yo ng pabor. Alam mo naman na hindi kagandahan ang itsura ko, ‘di ba? Gusto ko lang naman na magpanggap ka bilang ako. Pagkatapos nun ay tama na. Hindi ko na ulit hihingin ‘to sa’yo,” pagmamakaawa ni Joy.

“Ayaw ko, Joy. Pagsisinungaling ang gagawin natin. Kung hindi ka magugustuhan niyang si Nando kung ano ka talaga ay hindi siya para sa iyo,” tugon ng dalaga.

“Madali lang ‘yan sabihin para sa’yo kasi maganda ka. Hindi mo nararamdaman ang nararamdaman ng mga tulad kong mababa ang tingin sa sarili,” giit ni Joy.

“Tsaka isa pa, Melody, larawan mo ang naipadala ko sa kaniya nung minsang nanghingi siya ng litrato sa akin kaya patawarin mo ako,” pag-amin pa ni Joy.

“Ano?” gulat ni Melody.

“Bakit mo ginawa ‘yun, Joy. Hindi ko naman kilala ‘yang lalaki na ‘yan. Bakit ako pa ang ginamit mo?” mariing tanong ng dalaga sa kaibigan.

“Ayoko kasing mawala siya sa akin, Melody. Natatakot ako na baka kapag nakita niya ang tunay kong itsura ay hindi na siya makipagpalitan sa akin ng mensahe kahit kailan. Ayokong matapos ang lahat ng ito. Nagmamakaawa ako sa’yo, Melody. Mabait naman siya at sasamahan naman kita. Nandoon naman ako para siguraduhin ang kaligtasan mo,” pagpupumilit ni Joy.

Dahil naaawa si Melody ay pumayag na rin siya sa pakiusap ng kaibigan.

“Basta ipangako mo na huli na ‘to, Joy. Hindi na ito mauulit muli kasi magagalit na talaga ako sa’yo,” paalala ni Melody sa kaibigan.

Dumating ang araw ng pagkikita nila Joy at Nando. Tulad ng inaasahan ay inakala ni Nando na si Melody ay si Joy at si Joy naman si Melody. Nung nasa restawran na sila ay sandaling nagpaalam si Joy upang magbanyo.

“Joy,” sambit ni Nando kay Melody na inaakala niyang si Joy. “Hindi ako makapaniwala na kaibigan mo ‘yong si Melody,” wika ng lalaki habang tinutukoy nito ang tunay na Joy.

“Ang pangit kasi niya. Parang alangan siya sa kagandahan mo. Alam ko namang mabait ka pero aminin mo nga sa akin naaawa ka lang ba doon sa pangit na ‘yon kaya mo siya kinaibigan?” patuloy na sambit ng lalaki sa dalaga.

Lubusan itong ikinainis ni Melody kaya nung bumalik na si Joy ay yinaya na niya itong umuwi. Nagtataka naman si Joy sa ginawa ng kaibigan.

“Melody, sandali lang. Bakit ba tayo biglang umalis?” nagtatakang tanong ni Joy sa kaibigan. “Basta, tara na. Hindi ko gusto ang lalaking ‘yon. Masyadong mayabang,” sagot ni Melody.

“Ginawan ka ba ng masama ni Nando?” muling tanong ni Joy. “Hindi naman. Basta huwag ka nang magtanong. Umalis na lang tayo. Tsaka tigilan mo na ang pakikipag-chat sa lalaking ‘yon. Hindi siya nararapat sa’yo,” wika ni Melody. Hindi sinabi ni Melody ang tunay na dahilan sapagkat ayaw niyang masaktan ang kaibigan.

Ngunit patuloy pa rin si Joy sa pakikipag-usap kay Nando. Wala siyang ideya sa kung anong maling nagawa ng binata. Sa katunayan nga ay lalo pa itong nakipagpalagayan ng loob sa binata.

Isang araw ay inabangan ni Nando si Melody sa tapat ng kanilang eskwelahan sa pag-aakalang ito si Joy.

“Sumama ka na sa’kin, Joy. Hindi ba gusto mo rin ako. Gusto lang naman kitang makasama ngayon!” giit ng binata. “Tigilan mo na ko, Nando. Ayokong sumama sa’yo!” pagpupumiglas naman ng dalaga.

“Bakit ba nagpapakipot ka pa? Hindi ka naman ganiyan kapag magka-chat tayo, ah. Anong inaarte mo ngayon?” pamimilit pa din ni Nando.

Pilit na naisama ni Nando ang dalaga. May mga nakakita man ay ayaw nilang makialam sapagkat ang akala nila ay away magkasintahan lamang ito.

Dinala ni Nando ang dalaga sa tahanan niya at tinangkang pagsamant*lahan. Buti na lamang ay nakagawa ng paraan ang dalaga at nakahingi ito ng tulong.

Takot na takot si Melody sa mga nangyari ngunit lubusang galit din ang kaniyang nararamdaman para kay Joy.

Nang malaman ni Joy ang nangyari sa kaibigan ay agad niya itong kinausap.

“Pasensya ka na, Melody. Hindi ko inaasahan na mangyayari ito,” nahihiyang sambit ni Joy sa kaibigan.

“Joy, palagi kitang inuunawa ngunit sa pagkakataong ito ay patawarin mo ako. Ayaw na kitang maging kaibigan. Wala akong inasam kung ‘di ang mapabuti ka. Ilang beses kitang pinaalalahanan! Muntik na akong mapahamak dahil sa kagagawan mo,” naiiyak na wika ni Melody.

“Patawarin mo ako, Melody. Hindi ko sinasadya. Hindi ko gusto ang nangyari sa’yo,” paghingi ng kapatawaran ni Joy sa kaibigan.

“Layuan mo na ko, Joy. Hindi kaibigan ang turing mo sa akin. Walang kaibigan ang nais na mapahamak ang kaibigan niya,” galit na tugon ng dalaga.

“Alam mo ba, Joy, kung bakit bigla na lamang tayong umalis noong unang beses na nakipagkita tayo diyan sa walangh*yang Nando na ‘yan?” tanong ni Melody sa dalaga.

“Dahil sinabihan ka niya ng hindi maganda. Ang sinabi pa niya sa akin ay naaawa lamang ako sa’yo kaya kita kinaibigan. Doon pa lang ay alam ko nang hindi siya mabuting tao. Pero hindi ka nakinig sa akin. Ipinain mo pa ako sa kasamaan niya sa pamamagitan ng paggamit ng mukha ko. Hanggang kailan ka magtatago sa pagpapanggap mo, Joy? Ako naman ang hihingi ng pabor sa’yo. Kung puwede ay lumayo ka na sa akin dahil hinding-hindi kita mapapatawad,” galit na galit na pahayag ng dalaga.

Walang nagawa si Joy kung ‘di ang layuan si Melody. Naalala niya ang lahat ng kabutihan na ginawa sa kaniya ng dalaga. Sa kabila ng pagpapaalala ni Melody sa kaniya ay hindi niya inasahan na ang pagpapanggap niya pa pala ang magdadala ng kapahamakan dito.

Lubusan ang hinanakit na nararamdaman ni Melody para kay Joy sapagkat hindi ito tumapad sa pangako na titigilan na nito ang pagpapanggap at puputulin na nito ang ano mang komunikasyon kay Nando kaya naman muntik na siyang gawan ng masama ng binata.

Kahit kailan ay hindi na muling nanumbalik ang pagkakaibigan nina Melody at Joy. Natutunan ni Joy ang kaniyang leksyon sa pinakamasakit na paraan, ang tuluyang pagtalikod sa kaniya ng isang tunay na kaibigan.

Advertisement