
Kuya, Puwedeng Ikaw ang First Time Ko?
Halos mag-iisang dekada na ang relasyon nina Steven at Lyka. Nagkakilala sila noong bago sila magtapos ng high school. Maayos naman ang kanilang naging relasyon hanggang dumating ang panahon na nagyaya si Steven na may mangyari na sa kanilang dalawa ng nobya.
Kahit ilang beses pilitin ng binata si Lyka ay patuloy ang pagtanggi ng dalaga sapagkat gusto daw muna nitong makapagtapos ng pag-aaral at ikasal bago tuluyang isuko ang kaniyang pagkababae. Dahil dito ay hinanap ni Steven sa ibang babae ang pagkukulang umano ng kaniyang kasintahan.
Kahit na ilang ulit nang nambabae ng binata ay napipilitan si Lyka na patawarin ang nobyo dahil sa tagal na rin ng kanilang pagsasama.
Ngunit isang araw ay nakatanggap si Lyka ng isang video ni Steven sa kaniyang selpon. Nakipagrelasyon na naman ang kaniyang nobyo sa iba.
“Ang kapal ng mukha mo! Talagang may video pa ang pagse-s*x niyo ng babae mo! Mga baboy kayo!” nanggagalaiti si Lyka sa kaniyang kasintahang si Steven.
“Kung may reklamo ka, eh, ‘di maghiwalay na tayo!” bwelta ng lalaki sa kaniyang nobya.
“Grabe ka na, Steven! Pang-apat na beses mo na ‘tong nagawa sa akin! Tapos ikaw pa itong may ganang magmalaki at maghamon ng hiwalayan ngayon?” pasigaw na sambit ni Lyka sa kaniyang kasintahan.
“Kung hindi ka kasi nag-iinarte diyan, eh, ‘di sana hindi ko hahanapin sa iba,” tugon naman ni Steven.
“Hindi ko kasi maintindihan sa’yo, Lyka, ang tagal-tagal na ng relasyon natin bakit ayaw mo pang makipagniig sa akin! Ano pa ba ang hinihintay mo?” galit na tanong ni Steven.
“Kaunting panahon na lang, Steven, at makakapagtapos na rin ako ng kolehiyo. Bakit hindi mo ako mahintay? Ayoko lang naman na makagawa tayo ng mga bagay na pagsisisihan natin sa bandang huli,” umiiyak na wika ng dalaga.
“Lalaki lang ako, Lyka, at naghahanap din. Kung hindi mo kayang ibigay ay ‘di bale na lang. Kung hindi ka sana nagpalipat-lipat ng kurso dapat sana ay tapos ka nang mag-aral ng kolehiyo at puwede na tayong magpakasal,” saad ni Steven.
“Kaya ngayon ay iiwan mo ko dahil lang sa hindi ko pa maibigay ang gusto mo?” Patuloy sa pag-iyak si Lyka. “Tapos na tayo, Lyka. Kung hindi mo kayang ibigay sa akin ngayon ang hinihingi ko ay kalimutan mo na ang relasyon na ‘to,” sambit ng binata.
Alam ni Steven na hindi pa rin ibibigay ni Lyka ang kaniyang kagustuhan kaya tuluyan na niya itong iniwan.
Dahil sa lubusang kalungkutan ay pinili muna ni Lyka na mapag-isa. Pinili niyang pumunta sa Tagaytay upang makalanghap muna ng sariwang hangin at mapagnilayan ang mga naganap sa kanila ng kaniyang nobyo.
Habang tinititigan niya ang video at mga larawan ni Steven at ng babae nito ay nabangga siya ng isang nagmamadaling lalaki. Nalaglag ang kanilang mga dalang selpon.
“Paumanhin,” wika ng lalaki habang dali-daling pinupulot ang kaniyang nalaglag na telepono. “Paumanhin din. Hindi ko kasi tinitignan ang dinadaanan ko,” pagpapakumbaba naman ni Lyka.
Dahil nga sa pagmamadali ay tuluyan nang umalis ang lalaki.
Nang tignan ni Lyka ang kaniyang selpon ay tsaka niya napansin na hindi ito ang kaniyang selpon. Marahil ay nagkapalit sila ng lalaking nakabunggo niya.
Lumingon-lingon ang dalaga sa paligid ngunit hindi na niya nakita pa ang lalaki kaya tinawagan na lang niya ang kaniyang numero gamit ang selpon na kaniyang napulot. Agad naman itong sinagot ng lalaki.
“Kuya, pasensya na pero nagkapalit kasi tayo ng selpon. Hihintayin kita dito sa lugar kung saan tayo nagkabungguan para maibalik ko sa’yo ‘to at makuha ko na rin ‘yang sa akin,” saad ni Lyka.
Hindi nagtagal ay dumating na rin ang lalaki. “Miss, ito na pala ‘yung selpon mo. Pasensiya ka na at nagmamadali kasi ako kanina. Hindi ko napansin na mali pala ang napulot ko kung hindi mo pa ako tinawagan,” saad ng lalaki. “Naku, wala ‘yon. Ang mahalaga ay makapagpalit na tayo ng telepono,” sagot naman ni Lyka.
“Ako nga pala si Lyka. Ano nga pala ang pangalan mo, kuya?” dagdag na tanong ng dalaga. “Ako nga pala si Noah,” tugon ng binata habang iniaabot nito ang telepono sa dalaga.
“Nga pala huwag mo namang mamasamain, Lyka, ha. May nakita kasi ako sa telepono mo kanina. Parang s*x video. Eh, parang hindi naman ikaw ‘yung babae. Puwede ko bang malaman kung para saan ‘yun o kung kilala mo ‘yung mga taong nasa video o talagang pinapanood mo lang siya habang naglalakad ka dito sa Tagaytay?” natatawang pag-usisa ni Noah.
“Nakakahiya naman! Pero sige aaminin ko na tutal naman ay hindi mo ko lubusang kilala so hindi mo naman ako siguro huhusgahan kaagad,” nahihiyang tugon ng dalaga.
“Iyong lalaki sa video ay dati kong kasintahan tapos ipinagpalit niya ako doon sa babaeng kasama niya. Ang sakit, sakit kasi, kuya. Tapos ako pa ‘tong ginagawa niyang may kasalanan,” pag-amin ni Lyka.
“Pasensiya ka na at napagsabihan pa tuloy kita ng problema ko,” dagdag pa ng dalaga.
“Kaya ka ba nandito sa Tagaytay?” usisa muli ni Noah. “Parang ganoon na nga. Gusto ko muna kasing makalimot kahit paano. Pero pauwi na rin naman ako mamaya. Inaliw ko lang bahagya ang sarili ko,” paliwanag ng dalaga.
“Alam mo wala naman akong gagawin na sa ngayon. Gusto mo bang pag-usapan ‘yang nararamdaman mo?” paanyaya ni Noah.
“Tutal sabi mo nga ay hindi kita lubusang kilala kaya hindi kita huhusgahan. Minsan kasi ang kailangan lang natin ay taong makakausap para kahit paano ay maibsan ang sakit na nararamdaman,” dagdag pa ng lalaki.
Nagpunta sa isang malapit na cafe ang dalawa. Hindi maipaliwanag ni Lyka ang nararamdaman sa binata sapagkat mabilis niya itong nakapalagayan ng loob. Tila matagal na nilang kilala ang isa’t isa. Inabot ng ilang oras ang kanilang pagkukuwentuhan hanggang sa nagkaroon ng isang ideya itong si Lyka.
“Kuya, puwede ba akong humingi ng pabor? Siguro naman ay wala kang kahit anong sakit, ano? Tsaka birhen pa naman ako so makakasigurado ka sa akin na wala din naman akong sakit,” sambit ni Lyka sa binata.
“Anong ibig mong sabihin, Lyka?” nagtatakang tanong ni Noah. “Puwede ba, kuya, na may mangyari sa atin ngayon? Tapos kalimutan natin ang lahat. Sige na naman! Para mapatunayan ko naman na kaya ko din ang ginagawa ng mga babaeng ‘yon,” pagmamakaawa ng dalaga.
Sa una ay hindi pumayag si Noah ngunit dahil sa pangungulit sa kaniya ng dalaga ay napapayag na rin ito. Dinala niya sa isang motel si Lyka.
Dahil nga unang beses pa lamang na makatuntong ni Lyka sa ganitong lugar ay lubusan ang kaniyang kaba. Nang maihanda na ang kanilang kwarto ay agad na silang pumanhik at pumasok sa kanilang silid.
Dahan-dahang inihiga ni Noah si Lyka sa kama. At nung tinangka ng binata na halikan ang dalaga ay napapikit na lamang si Lyka.
Mayamaya ay nakarinig si Lyka ng isang tawa.
“Akala mo ba talaga ay gagawin ko sa’yo ang ganiyang bagay?” natatawang saad ni Noah. “Bata ka pa nga, Lyka,” patuloy ang binata sa pagtawa.
“Wala akong intensyon talaga na galawin ka. Dinala lamang kita dito para takutin,” saad ni Noah.
“Hindi ka dapat nagyayaya ng ganiyan sa lalaki. Hindi ko nga maintindihan sa iyo sapagkat hindi ba ito ang rason ng pakikipaghiwalay sa iyo ng dati mong nobyo? Matagal mo na siyang kakilala at kasa-kasama ngunit hindi ka bumigay sa kaniya. Hindi mo ako lubusang kilala at sa akin mo ibibigay ang unang karanasan mo?” pagpapatuloy ng lalaki.
“Huwag na huwag kang maghahamon sa lalaki ng ganiyan. Paano na lamang kung hindi ako ang nakausap mo ngayong araw? Paano na lamang kung masama akong tao at patulan ko ‘yang gusto mo at pagkatapos ay iwanan din kita?” mariing sambit ni Noah.
“Hindi ba sinabi mo na ayaw mong makagawa ng mga bagay na pagsisisihan mo sa bandang huli. Hindi ito ang paraan upang makaganti sa dati mong nobyo. Sisirain mo lamang ang sarili mo,” saad pa ang binata.
Natauhan naman si Lyka at napaiyak sa muntik na niyang magawa.
“Tama ka. Hindi ko dapat ito gawin sa sarili ko. Hindi ko dapat nilalagay ang sarili ko sa alanganin. Pasensya ka na, kuya. Kahihiyan ‘tong ginawa ko,” nakayukong sambit ng dalaga.
“Huwag ka ng malungkot diyan. Basta huwag mo nang uulitin ‘to, ha. Baka mamaya ay tuluyan ka nang mapahamak. At saka kung hindi talaga siya makapaghintay sa’yo ibig sabihin noon ay hindi ka niya mahal at karanasan lang ang habol niya sa’yo. Hindi mo siya kawalan. Marami pa diyan na magmamahal sa’yo ng totoo. Ang dapat mo munang unahin sa ngayon ay ‘yang pag-aaral mo,” patuloy na wika ni Noah.
Tuluyan nang lumabas ng motel ang dalawa.
Hindi natapos doon ang pagkakaibigan nila Noah at Lyka. Kahit na nakabalik na ng Maynila ang dalaga ay patuloy pa rin ang kanilang tawagan. Minsan ay dinadalaw siya ng binata at ganoon din naman siya. Hindi naglaon ay nahulog ang loob nila sa isa’t isa at nauwi ito sa pagmamahalan.
Hinintay ni Noah na makatapos muna ng pag-aaral at matupad muna ni Lyka ang kaniyang mga pangarap bago niya ito pinakasalan.
Hindi akalain ni Lyka na ang sakit na nararamdaman pala niya noon mula sa pangangaliwa ng dating kasintahan ang magdadala sa kaniya patungo sa taong tunay na magmamahal sa kaniya.