Inday TrendingInday Trending
Hinamak-hamak Niya ang Babaeng Nakita Niyang Kasama ng Kaniyang Anak; Nanlambot Siya nang Malaman ang Katotohanan

Hinamak-hamak Niya ang Babaeng Nakita Niyang Kasama ng Kaniyang Anak; Nanlambot Siya nang Malaman ang Katotohanan

Takang-taka si Alma nang dumating ang bente anyos niyang anak na si Noel. Nasa ikalawang taon ito sa kolehiyo.

Dalawang malaking kahon kasi ng kung ano-anong pagkain at kailangan sa bahay ang bitbit nito.

Malaking bagay iyon sa pamilya nila, ngunit hindi maalis sa isip niya ang isang malaking tanong. Saan iyon nakuha ng anak niya?

“Anak, saan galing ‘yan?” hindi makatiis na usisa niya lalo na nang makita na mga mamahaling de lata pa ang nasa loob ng kahon.

Lumikot ang mata nito ngunit maagap na nakasagot.

“‘Nay, sumali kasi ako sa contest. Nanalo ako, at ayan ang premyo…” paliwanag nito.

Lalong lumalim ang gatla sa noo niya.

“Anong contest?” muli ay tanong niya.

“Basketbol po,” muli ay maagap na sagot nito.

Bahagya siyang nawirduhan sa sitwasyon, ngunit hindi na siya nag-usisa pa. Sa halip ay isa-isa niyang inilabas sa kahon ang mga pagkain.

“Mabuti naman, anak, sakto ito. Malaking tulong ito na pantustos sa bahay,” natutuwang komento niya.

Ilang araw ang lumipas nang muli siyang magtaka sa kaniyang anak. Isang araw kasi habang naglalaba siya ay lumapit ito sa kaniya at inabutan siya ng limang libong piso.

Nanlalaki ang matang tinitigan niya ang anak.

“Anak, ano ito? Bakit mo ako binibigyan ng pera? Saan mo nakuha ang pera na ito?” balot ng pagtatakang tanong niya sa anak.

Nagkibit balikat ito.

“‘Nay, premyo namin ‘yan sa basketbol,” sagot nito.

“Ang laki naman magpa-premyo ng paaralan niyo, anak…” wala sa loob ng komento niya.

Hindi niya tuloy maiwasan na maghinala.

“Baka naman may ginagawa kang kalokohan, anak, ha?” maya-maya ay untag niya sa anak.

“‘Nay, ‘wag po kayong mag-alala. Saan ko naman ho kukunin ‘yang ganyan kalaking pera?” natatawang sabi nito, tila hindi man lang sineryoso ang sinabi niya.

Kahit paano ay napanatag siya. Alam niya rin naman na hindi gagawa ng kalokohan ang anak niya.

Subalit nang isang araw nang pumasok siya sa kwarto nito ay aksidente niyang nakita sa ilalim ng kama ang sangkatutak na kahon ng sari-saring mamahaling damit, sapatos, at kung ano-ano pa.

May nakita pa siyang mamahaling relo!

Noon ay sigurado na siya na may ginagawa ngang kalokohan ang anak niya.

Imbes na komprontahin ito ay inilihim niya ang nalalaman. Nais niya na mahuli ito sa akto, para naman hindi na muli ito makapagkaila.

Kinabukasan ay Sabado at walang pasok. Nang magpaalam ang anak niya na aalis ay hindi siya nag-atubili na sundan ito.

Medyo malayo ang ibinyahe nito, ngunit matiyaga siyang sumunod hanggang sa humantong sila sa isang mamahaling restawran.

Naasiwa man na hindi angkop ang suot niyang pambahay ay matapang siyang sumunod sa loob at umupo sa isang parte ng restawran kung saan hindi siya makikita ng anak, ngunit maririnig niya ang usapan ng sino mang kasama nito.

Ganoon na lang ang panghihilakbot niya nang dumating ang hinihintay nito.

Isang maedad na babae na halos kaedaran lang niya!

“Ang tagal mo naman, babe…” narinig niyang reklamo ni Noel.

“Sorry, mabigat ang traffic. Nag-order ka na?” usisa ng babae.

“Oo, babe. Nag-order na ako ng gusto mo…” sagot naman ng kaniyang anak.

Napakuyom ang kamao ni Alma. Galit na galit siya. Hindi siya makapaniwala na nabiktima ng sugar mommy ang anak niya!

Kaya naman nang marinig niyang tumayo ang anak niya upang pumunta sa banyo ay galit na galit na sinugod niya ang babae.

Isang mag-asawang sampal ang pinadapo niya sa pisngi ng babae.

“Ang kapal ng mukha mong makipag-relasyon sa anak ko! Bente anyos lang ang anak ko, samantalang halos kaedad lang kita! Hindi ka ba nahihiya?” talak niya sa babae.

Mulagat lang ito, tila hindi pa lubos na nauunawaan ang nangyayari. Hawak lang nito ang namumulang pisngi.

“Ako ang ina ng lalaking kinakalantari mo! Halos anak mo na siya! Hiwalayan mo ang anak ko!” gigil na saad niya.

“Pero ayaw–”

“Wala nang pero pero! Gawin mo ang utos ko kung ayaw mo na ikalat ko ang baho mo,” pananakot niya sa babae.

Agad siyang bumalik sa kinauupuan niya nang makita na papabalik na ang anak niya mula sa banyo.

Nang makabalik ang anak niya ay narinig niya na nagsalita ang babae.

“May sasabihin ako sa’yo, Noel,” panimula nito.

Napakunot-noo siya sa naging sagot ng kaniyang anak.

“Tungkol ba ‘yan sa hinihingi kong bagong cellphone? Mabibili mo na ba?” anito.

Nakita ni Alma na umiling ang babae.

“H-hindi ko na mabibili ang mga pinapabili mo. Makikipaghiwalay na ako s-sa’yo,” direktang sabi ng babae.

Maging siya ay nagulat nang ibagsak ni Noel ang kamao nito sa mesa. Inilapit nito ang mukha sa babae bago bumulong.

Bulong man iyon ay malinaw niyang narinig ang sinabi ng anak.

“Ilang beses ko na ba sinabi na hindi tayo maghihiwalay? Sino na lang magibibigay sa akin ng pera kung iiwan mo ako? Gusto mo bang makita ng mga kakilala mo ‘yung mga malal@swa mong video?” anang anak niya bago ngumisi.

Kitang-kita niya kung paano binalot ng takot ang mukha ng babae. Tila humihingi ng saklolo na tumingin ito sa kaniya.

Muling nagsiklab ang galit sa dibdib niya. Sa pagkakataong iyon, ang galit ay para sa kaniyang anak. Hindi niya pala talaga kilala ang kaniyang anak.

Pasugod siyang lumapit sa dalawa bago niya hinigit si Noel. Halos kaladkarin niya ang anak palabas ng restawran.Nang makalabas sila ay isang malakas na sampal ang iginawad niya sa gulat na gulat na anak.

“‘Nay!” gulat na bulalas nito habang sapo ang nasaktang pisngi.

Sa sobrang galit, hiya, at pagkadismaya ay hindi niya maiwasang mapaiyak.

“Sinubukan ko namang ibigay ang lahat, anak… Paano ka nagkaganito? Paano mo nagagawang manloko at manakot para lang sa mga materyal na bagay?” lumuluhang sigaw niya sa anak.

“‘Nay…” maamong tawag nito.

“Anak, halos kaedad ko na ang babaeng iyon, ni hindi mo magawang irespeto! Anong klase kang tao?”

Sa pagkakataong iyon ay tuluyan na siyang napahagulhol.

Inakusahan at ipinahiya niya pa ang babae, gayong ang anak niya pala ang may atraso rito. Noon niya napagtanto na hindi niya pala lubusang kilala ang kaniyang anak.

Nang makabawi siya mula sa pagkabigla dahil sa natuklasan ay agad niyang hinarap ang babae. Kasama ang anak ay taos puso siyang humingi ng tawad sa lahat ng nagawa ng kaniyang anak.

“Minahal ko ang anak niyo nang sobra… Kaya nagtiis ako. Pero may hangganan ang lahat ng pagtitiis. Sana ay magbago na si Noel at mahanap niya rin ang tunay na magmamahal sa kaniya…” anang babae, na nakilala niya na si Mona.

Nang makaalis ang dalaga ay muling naluha si Alma. Nanlulumo siya sa sinapit ng babae, at nanlulumo siya para sa anak.

Sa labis na hirap nila ay natuto ito na manlamang ng iba.

Napagtanto niya rin kasi ang kakulangan niya bilang isang ina. Sumobra ang tiwala niya sa anak na hindi niya namalayan na nananakit na pala ito ng iba.

Ipinangako niya sa sarili na magiging mas mabuti siyang ina, at mas mabuting kapwa sa iba.

Advertisement