
Inubos Niya ang Pera Para sa Pagpapatayo ng Pangarap Niyang Bahay; Sa Huli’y Problema Pa ang Hatid Nito sa Kaniya
Isang araw lang matapos ang kanilang kasal, agad nang nagplano ang mag-asawang Romel at Kiya kung paano nila itatayo ang pangarap nilang bahay.
“May sapat na pera naman tayo, mahal, hindi ba? Idagdag pa natin ang halos tatlong daang libong pisong bigay ng mga ninong at ninang natin sa kasal, tiyak, makakabili na tayo ng lupa!” wika niya sa asawa habang nakahiga’t nagpapahinga sila sa kanilang kama.
“Kaya lang, paano natin ‘yon matatayuan ng bahay, mahal? Sigurado akong malaki-laking pera ang kailangan natin para roon!” sagot nito.
“Aba syempre, susubok tayo ng maraming paraan! Pupwede tayong magnegosyo habang parehas tayong nagtatrabaho para doble ang pasok ng pera sa atin! Magtatayo na lang tayo ng bahay, dapat ‘yong pinakabongga na! May apat na kwarto para sa atin at sa tatlo nating magiging anak, isang malaking sala na may malaking telebisyon at malambot na sofa, magandang kusina na punumpuno ng mga pagkain at isang malaking garahe na may tatlong sasakyan!” sabi niya habang binubuo niya sa kaniyang isipan ang ganda ng kanilang magiging bahay.
“Naku, kailangan nga nating magsumikap nang sobra para matupad ang lahat ng iyan!” patawang-tawang sabi ng kaniyang asawa.
Dahil sa usapan nilang iyon, wala na ngang sinayang na panahon si Romel. Agad niyang pinangpuhunan sa isang laundry shop at water station ang perang inipon niya bukod pa ang perang naipon nilang mag-asawa na agad nilang binili ng lupa.
Sa labis na kasipagang pinakita nilang mag-asawa, unti-unti ngang nabuo ang pangarap niyang bahay kasabay nang paglago ng kanilang negosyo. Sa laki ng pinapatayo nilang bahay, inabot ito ng halos tatlong taon bago ito tuluyang mabuo na talagang ikinabahala na ng kani-kanilang mga magulang.
“Anak, sigurado ka bang ganito kalaking bahay ang gusto niyang ipatayo ni Kiya?” tanong ng kaniyang ina matapos nitong makita ang blueprint ng kanilang bahay.
“Opo, mama, bakit po? May problema po ba roon?” tanong niya rin dito.
“Wala naman, anak, ang akin lang, hindi dapat ganito kalaki ang bahay niyo dahil tiyak, malaki ang gastusin niyo rito. Negosyo ang dapat pinapalaki, anak, hindi ang bahay,” pangaral nito.
“Ah, kaya pala kahit sandamakmak na ang negosyo niyo ni papa noon, sa iisang kwarto niyo kami pinagsisiksikan ng mga kapatid ko. Ayaw ko iyong maranasan ng mga magiging anak ko, mama, kaya huwag niyo nang pakialamanan ang plano naming mag-asawa,” sabi niya sa kaniyang ina kaya napatahimik na lamang ito.
Nang tuluyan na ngang matayo ang kanilang bahay at makaipon na muli sila ng kaniyang asawa ng pera, agad na siyang bumili ng mga gamit para rito. Malaking ref, tatlong malaking aircon, dalawang telebisyon, isang malabot na sofa, apat na kama, at kung ano pang gamit sa bahay na talagang naging rason para maubos ang kanilang pera.
Sa kagustuhan niyang makumpleto kaagad ang mga gamit sa kanilang bahay, kahit ang mga benta sa kanilang negosyo ay kaniya nang ginagasta nang hindi alam ng kaniyang asawa. Patuloy niya itong ginawa hanggang sa makumpleto niya ang lahat ng gamit na gusto niyang makita sa pangarap niyang bahay.
Labis na saya ang kaniyang naramdaman nang makita niyang natupad na niya ang pangarap niyang bahay. Kaya lang, ilang buwan ang kaniyang binilang, unti-unti namang nalugi ang kanilang mga negosyo dahil sa kakulangan sa pondo na talagang ikinabahala ng kaniyang asawa.
“Huwag ka nang mag-isip nang kung anu-ano riyan, mahal! May bahay na tayo, o! Ito lang naman ang rason kaya tayo nagnegosyo, hindi ba?” sabi niya pa rito habang namomoblema na ito sa kanilang mga bayarin.
“Hindi mo naiintindihan, Romel, eh! Sa laki ng bahay natin, malaki rin ang babarayan nating tubig at kuryente! Bukod pa ang bayad natin sa mga kasambahay natin! Saan ka kukuha ng pera pambayad, ha?” tanong nito sa kaniya.
“Sa trabaho natin,” kumpiyansado niyang sagot.
“Nahihibang ka na, Romel! Hindi ‘yon sasapat!” sabi nito na hindi niya pa rin inintindi.
Sa kabila ng problema nilang iyon, ni katiting na pag-aalinlangan ay wala siyang naramdaman hanggang sa magbuntis na ang kaniyang asawa at sila’y biyayaan ng kambal.
At dahil nga siya na lamang ang tanging nagtatrabaho, roon niya lang naramdaman ang bigat ng responsibilidad. Sa laki ng gastusin nila sa bahay, pangangailangan ng kaniyang kambal, at kung ano pang gastusin ay hindi na sumapat ang kinikita niyang pera dahilan para siya’y mapilitang mangutang at magbenta ng ilan nilang mga gamit. Patuloy pang nalugi ang kanilang mga negosyo na mas nagbigay bigat sa kaniya.
Doon niya lang napagtantong tama nga ang kaniyang ina. Hindi niya kailangang palakihin at ubusin ang kaniyang pera para lamang sa bahay. Bagkus kailangan niya itong palakihin sa pamamagitan ng negosyo.
Dahil sa kagipitang nararanasan, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang ibenta ang ilan nilang mga gamit at kapiraso ng kanilang lupa habang pinaupahan niya ang kalahati ng kanilang bahay na may dalawang kwarto.
Sa ganoong paraan, muli siyang nakaipon ng pera na agad niyang ginamit upang muling maitayo ang kanilang negosyo na siyang nagbigay ng pagkakakitaan sa kanilang mag-asawa.
Doon nila matagumpay na nabalanse ang kanilang pera na talagang ikinasaya ng kani-kanilang mga magulang.