
Buong Akala Niya’y Basta’t Makapagbigay Siya ng Pera sa Asawa ay Ayos na; Kalinga pala Niya ang Kailangan ng Kaniyang Mag-ina
Matapos ang halos dalawang taong pagkakadestino sa dulong bahagi ng bansa, makakauwi na sa wakas sa kaniyang pamilya ang pulis na si Diosdado. Kahit isang linggo lang ang binigay na bakasyon sa kaniya bago siya muling idestino sa iba namang probinsya ay ayos na sa kaniya, ang mahalaga ay makakapiling na niyang muli ang kaniyang mag-ina.
“Sigurado ka bang ayaw mo munang sumama sa aming mag-inom, sir? Minsan lang tayo magkaroon ng ganitong bakasyon! Magkasiyahan muna tayo bago ka umuwi sa inyo!” yaya sa kaniya ng isa sa kaniyang mga katrabaho, isang araw habang naghahanda na siya sa kaniyang pag-uwi.
“Naku, hindi na, kayo na lang! Hindi na ako makapaghintay na makita ang mag-ina ko. Ayokong may masayang kahit na ilang minuto sa bakasyon kong ito!” masayang sagot na ikinangiti naman nito.
“Ibang klase talaga ang pagmamahal mo sa kanila, sir! Sige po, mag-iingat po kayo!” tugon nito kaya agad na siyang umalis sa tinitirhan nilang bahay doon.
Habang nasa biyahe, hindi niya maiwasang mapangiti habang iniisip kung anong magiging reaksyon ng kaniyang mag-ina kapag siya’y nakita. Sigurado siyang miss na miss na siya ng mga ito, lalo na ang anak niyang daddy’s girl.
Kaya lang, pagdating na pagdating niya sa kanilang bahay, agad na bungad ng kaniyang asawa, “O, bakit hindi ka man lang nagsabing uuwi ka? Wala akong mapaglalagyan ng mga gamit mo!”
“Mahal naman, hindi ka man lang ba matutuwa na umuwi na ako?” tugon niya saka niya agad na nilagay sa isang sulok ang kaniyang mga gamit.
“Bakit naman kami matutuwa kung ilang araw lang, aalis ka na ulit at maghihintay ulit kami ng ilang taon bago ka umuwi?” sabat ng anak niyang kakalabas lamang ng banyo saka siya nito agad na inirapan at nagkulong sa sariling kwarto.
“Bakit ganoon na ang anak natin sa akin? Hindi ba’t dati, kahit dumudumi ako, gusto niya akong makasama?” tanong niya sa kaniyang asawa.
“Magising ka na nga sa kahibangan mo, Diosdado! Dalaga na ang anak mo! Hindi na siya bata! Sa kakatutok mo sa trabaho mo, hindi mo na nagawang makita ang paglaki ng anak mo!” sigaw nito sa kaniya.
“Alam mo naman ang dahilan, ‘di ba? Kailangan kong kumita ng pera para mabuhay ko kayo. Hindi naman ako umaalis dahil gusto ko lang, eh! Nagpapakahirap ako roon at nagtitiis na malayo sa inyo para matugunan ko ang mga pangangailangan niyo!” galit niyang tugon dito.
“Hindi sapat ‘yon, Diosdado! Hindi namin kailangan ng maraming pera para mabuhay! Sa katunayan nga, makakain lang tayo ng tatlong beses sa isang araw, ayos na sa amin! Ang kailangan namin, ikaw! Dahil awang-awa na ako sa sitwasyon naming mag-ina sa barangay na ito! Akala ng mga kapitbahay natin, hiwalay na tayo dahil hindi ka na nila nakikita rito. Palagi nilang kinakaawaan ‘yang anak natin dahil wala na raw ama. May nagpupunta pa ritong mga ginang para abutan ako ng tulong pinansyal dahil daw isa akong single mother,” iyak nito na nagpatulala na lamang sa kaniya.
Nakita niya pang narinig ng kanilang anak ang kanilang usapan na ikinaiyak din nito. Sabi pa nito, “Miss na miss na kita pero mas nangingibabaw na ngayon ang galit ko sa’yo,” na labis na nagpadurog ng puso niya.
Dahil sa pangyayaring iyon, matinding pangongonsenya ang kaniyang naramdaman. Ni hindi niya magawang mayakap o kahit matingnan man lang ang kaniyang mag-ina na parehas umiiyak.
Habang pinapakinggan niya ang hikbi ng mga ito, patuloy siyang nagkakaroon ng dahilan para magretiro na sa trabaho. Sabi niya sa sarili, “Kalahati ng buhay ko ay naibigay ko na sa bayan, dapat na sigurong ang mag-ina ko naman ang alagaan ko,” saka siya agad na tumawag sa kanilang pinuno upang sabihin ang kaniyang pagreretiro.
Mabigat man para sa kaniya ang desisyong iyon dahil mahal niya ang kaniyang trabaho, kaniya na itong pinakawalan alang-alang sa mas importanteng parte ng kaniyang buhay, ang kaniyang mag-ina.
Upang patuloy niyang matugunan ang pangangailangan ng dalawa, ginamit niya ang kaniyang mga naipong pera upang makapagpatayo ng isang car wash station na may kapehan sa gilid.
Sa ganitong paraan, nakita ng kaniyang mag-ina ang dedikasyon niyang bumawi at ang tunay niyang pagmamahal sa mga ito na nagbunga ng muling pagsaya ng kanilang pamilya hindi kalaunan.
Wala mang kasiguraduhan kung hanggang kailan matutugunan ng kanilang negosyo ang kanilang mga pangangailangan, sigurado naman siyang ngayon, tunay na saya ang kaniyang nararamdaman sa piling ng kaniyang mag-ina.