Inday TrendingInday Trending
Panay Hingi ng Pera ng Misis sa Mister na OFW; Usap-usapan pa, May Kalaguyo raw Ito Habang Siya’y Nagpapakahirap sa Ibang Bansa 

Panay Hingi ng Pera ng Misis sa Mister na OFW; Usap-usapan pa, May Kalaguyo raw Ito Habang Siya’y Nagpapakahirap sa Ibang Bansa 

Tatlong taon nang nagtatrabaho sa bansang Norway ang padre de pamilyang si Joseph. Sa loob ng mahabang panahong iyon, ni minsan ay hindi niya nagawang makauwi sa Pilipinas dahil siya’y nanghihinayang sa perang gagastusin niya pangbayad sa eroplano na aabot ng halos isang daang libong piso.

Kahit kasi sa isang mayamang bansa siya nagtatrabaho, hindi niya magawang makaipon nang malaking halaga ng pera dahilan para siya’y labis na magtipid. Bunsod ito ng halos linggo-linggong pagtawag ng kaniyang asawa para lang paghingi ng pera na talaga nga namang ikinaiinis na niya.

Tila nagiging palaisipan na sa kaniya ang gawaing ito ng kaniyang asawa na para bang dumudumi lang siya ng pera sa ibang bansa. Madalas, ang dinadahilan nito ay ang pangangailangan ng kaniyang mga anak kaya hindi siya makatanggi at wala siyang magawa kung hindi ang magpadala agad ng pera.

May pagkakataon pa nga na kahit na pangangailangan ng mga kapatid ng kaniyang asawa ay kaniya nang tinutugunan lalo na kapag nagmakaawa na ito sa kaniya.

Kaya lang, ang pinagtataka niya, ni isang larawan na hinihingi niya bilang patunay na may napuntahan ang perang pinadala niya ay walang maibigay ang kaniyang asawa. Nagagalit pa ito sa tuwing siya’y nangungulit at sinasabihan siyang walang tiwala.

Sa kagustuhan niyang malaman ang tunay na dahilan ng asawa at kung saan totoong napupunta ang mga pinapadala niyang pera, hindi na niya naiwasang magtanong sa kanilang mga kapitbahay sa pamamagitan ng social media.

“Magandang araw po, Aling Hermosa! May itatanong lang po sana ako, napapansin niyo po ba riyan sa bahay namin ang asawa’t mga anak ko? Kumusta po kaya sila?” tanong niya sa isa sa kanilang mga kapitbahay nang napagdesisyonan niyang tawagan ito sa social media.

“Ay, naku, hijo, ayos naman ang mga anak mo rito. Halos araw-araw silang naglalaro rito sa tapat ng tindahan ko. Iyong asawa mo naman, palaging wala sa bahay! Huwag kang mabibigla, ha? Ang usap-usapan dito sa barangay natin, may kalaguyo na ang asawa mo! Umaalis ‘yon nang maagang-maaga tapos uuwi nang gabi gamit ang isang sasakyan na hindi ko alam kung kanino! Baka nga galing pa ‘yon sa perang pinapadala mo, eh! Kung ako sa’yo, umuwi ka na ng Pilipinas bago pa tuluyang masira ang pamilya niyo!” kwento nito na talagang ikinapanlamig ng kaniyang buong katawan.

Sa tindi ng galit na naramdaman niya nang araw na iyon, agad siyang kumuha ng ticket pauwi ng Pilipinas at nag-empake ng gamit.

“Sinasabi ko na nga ba! Nakakapanghinala na ang palagian niyang paghingi ng pera! Mahuli ko lang talaga sila ng kalaguyo niya, makikipaghiwalay na ako sa kaniya! Kahit ako na lang ang bumuhay sa mga bata, maalis lang siya sa pamilya namin!” galit niyang sabi sa hangin habang hinihintay niyang umalis ang eroplano.

Pagkalipas ng halos isang araw na biyahe, tuluyan na nga siyang nakarating sa Pilipinas. Dali-dali siyang kumuha ng taxi pauwi sa kanilang bahay.

Sakto namang pagdating niya roon, naglalagay ng male-maletang gamit ang kaniyang asawa sa sasakyan na lalong nagpaigting sa galit niya.

“Ano, tuluyan ka nang sasama sa kalaguyo mo? Ang kapal naman ng mukha niyong gamitin ang perang pinaghirapan ko para magpakasaya kayo!” sigaw niya rito habang pinagsisisipa niya ang mga gamit nilang isasakay na sa kotse.

“Ano bang sinasabi mo riyan, Joseph? Talagang umuwi ka pa ng Pilipinas para sigaw-sigawan ako? Naniniwala ka talaga sa mga tsismis sa barangay na ‘to? Halika, sumama sa akin nang malaman mo saan napupunta ang pera mo!” nanginginig na wika ng kaniyang asawa at dahil nga sa kuryosidad niya, siya’y agad na sumama kahit pa busangot na busangot ang mukha nilang dalawa.

Tumigil ang sasakyan sa isang maganda at malaking bahay na may isang restawran sa tapat. Labis siyang napatulala sa ganda nito at siya’y napahanga nang makitang pinipilahan ang restawran dahilan para lahat ng empleyado ay maging abala.

“May gana ka pa talagang kumain kahit ganito na ang sitwasyon natin?” bigla niyang sabi sa asawa.

“Hindi ako kakain, Joseph. Isasampal ko lang sa’yo kung saan napunta ang lahat ng pera mo! Akala mo ba madali lang para sa akin na magsinungaling sa’yo? Ginawa ko lang naman ‘yon para huwag ka nang magtrabaho sa ibang bansa at makapiling ka naming mag-iina!” mangiyakngiyak nitong sigaw.

“Ibig mong sabihin, sa atin ‘yang bahay at restawran na ‘yan?” paninigurado niya habang nanginginig na sa tuwa ang kalamnan niya.

“Oo, Joseph, may resort pa tayo sa likod ng bahay kaharap ang dagat. Ito na ang lahat ng pinaghirapan mo sa ibang bansa. Napalago ko na, hindi mo na kailangang umalis pa,” iyak nito dahilan upang agad niya itong mayakap sa tuwa!

Bago pa sila kumawalang dalawa sa pagkakayakap, nagsitakbuhan pa palapit ang kanilang mga anak na talagang lalo niyang ikinasaya.

Sa ginawa niyang iyon, dalawang aral ang natutuhan niya. Una, huwag agad maniwala sa sinasabi ng iba at pangalawa, magtiwala sa kakayahan ng kaniyang asawa na walang ibang hinangad kung hindi ang magkaroon ng magandang bukas ang kanilang pamilya.

Simula noon, agad na nga niyang tinapos ang kaniyang kontrata sa ibang bansa at piniling magpalago ng negosyo rito sa Pilipinas kasama ang kaniyang buong pamilya.

Hindi man kasing laki ng kinikita niya ang perang nalilikom nila, masaya siyang masilayan kung paano lumaki ang kaniyang mga anak at araw-araw na makita ang kaniyang madiskarte at mapagmahal na asawa.

Advertisement