Ayon sa Horoscope ay Makikita Raw ng Lalaki ang Babaeng Iibigin sa Piling ng Kaniyang Kamag-Anak; ‘Di Niya Inasahan na Magkakatotoo Ito

Mahilig magbasa ng horoscope si Larry. Isang araw, nabasa niya ang kaniyang kapalaran sa diyaryo.

“Sa pananatili mo sa piling ng isa mong kamag-anak ay doon mo makikilala ang babaeng magpapatibok sa iyong puso. Hmmm…magkatotoo naman kaya ito?” sambit niya sa isip.

Maya maya ay napatayo siya sa kinauupuan dahil may ‘di inaasahang bisita ang dumating sa bahay nila.

“A-Aba, Tiyo Manuel! Napadalaw po kayo!” gulat niyang sabi.

“Kumusta, Larry? Ang laki-laki mo na, a!” masayang bungad ng matandang lalaki.

Ang kaniyang tiyuhin na si Manuel ay taga-Davao, nagmamay-ari ito ng pagawaan ng sapatos. Mapera ang tiyuhin niyang ito.

“Anong nakain mo’t naisipan mo kaming dalawin dito, Kuya Manuel?” tanong ng kaniyang ama. Ang Tiyo Manuel niya ay ang nakatatanda nitong kapatid.

“Wala naman. Naisip ko lang na matagal rin tayong hindi nagkikita-kita,” tugon nito.

Advertisement

Binalingan siya ng matanda.

“Ano na nga palang year mo na sa eskwela, Larry?” tanong nito.

“Kaka-gradweyt ko lang po ng hayskul, Tiyo Manuel,” aniya.

“Gusto mo bang sumama sa akin sa Davao? Ako na ang magpapa-aral sa iyo sa kolehiyo,” alok sa kaniya ng matanda.

“Pag-iisipan ko po, tiyo,” sagot niya.

Hindi kasi siya sanay na mawalay sa mga magulang kaya niya nasabi iyon pero napagtanto niya na…

“Malaking kaluwagan din kina tatay at nanay kung tatanggapin ko ang inaalok ni Tiyo Manuel,” sambit niya sa isip.

Kaya nagdesisyon siya na tanggapin ito.

Advertisement

“Tiyo, nakapagpasiya na po ako. Sasama po ako sa inyo pabalik sa Davao,” wika niya.

“Aba, eh, mabuti. Naku, hindi mo pagsisisihan ang pagsama mo sa akin, hijo,” tuwang-tuwang sabi ng tiyuhin niya.

Nang sumunod na araw ay gumayak na sila. Pinayagan din naman siya ng mga magulang niya na sumama sa kaniyang tiyo. Habang nasa biyahe…

“Naihanda mo na bang lahat ang kakailanganin sa pagpapa-enrol mo?” tanong nito.

“Opo, tiyo, handa na lahat,” sagot niya.

“Tiyak na magugustuhan mo roon. Larry. Matutuwa rin ang mga pinsan mo kapag nakita ka.”

Pagdating niya sa Davao ay doon na niya ipinagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo. Kursong Dentistry ang kinuha niya. Pero minsan, hindi maiwasang maisip niya ang mga magulang.

“Nakakalungkot naman kapag ganitong sumasagi sa isip ko sina tatay at nanay. Kumusta na kaya sila sa Maynila? Bihira akong makatawag sa kanila dahil palagi akong abala sa eskwela,” bulong niya sa sarili.

Advertisement

Minsan…

“Larry, hijo, bumili ka nga ng harina sa palengke, may paggagamitan lang ako,” utos ng Tiyo Manuel niya.

“Sige po, tiyo.”

Malapit lang naman ang palengke sa bahay ng tiyuhin niya kaya madali siyang nakarating doon.

“Pabili nga ng harina,” aniya sa tindera.

“Sandali.”

Nang humarap ang babae ay parang tumambol ang dibdib ni Larry.

“Eto, o.”

Advertisement

Hindi siya nakapagsalita sa sobrang ganda ng tindera.

“Hoy! Eto na kako ‘yung binibili mo,” sabi uli ng babae na ‘di napigilang matawa sa hitsura niya na tila natulala na.

Saka lamang siya nahimasmasan nang tapikin na siya ng babae.

“H-Ha? A, o-oo nga pala,” sagot niya na natawa na rin sa sarili.

Pag-uwi sa kanila, ikinuwento niya sa pinsang si Gayle ang tungkol sa babaeng tindera sa palengke. Hindi niya akalaing kaibigan pala ng pinsan niya ang babae.

“Taga-Agusan si Fiona, Larry, pero dito siya nag-aaral sa Davao. Nakatira siya sa kaniyang tiyahin at tumutulong sa pagtitinda kapag walang klase,” anito.

At sa pamamagitan nga ng pinsan niya ay nagkakilala sila ni Fiona hanggang sa…

“Ano ito? Red roses? Nanliligaw ka ba?” tanong ng babae.

Advertisement

“Ano sa palagay mo?” sabi niya.

“Ang bilis mo rin, a! Kundi ka lang pinsan ni Gayle ay hindi kita papayagang ligawan ako.”

Nanlaki ang mga mata ni Larry.

“I-Ibig mong sabihin…”

“Ayaw mo ba?”

“G-gusto, siyempre! Hindi ka magsisisi, Fiona,” wika ni Larry.

Ang totoo, unang kita palang ni Fiona sa kaniya ay tumibok na agad ang puso ng dalaga. Aba, eh ‘love at first sight’ pa pala ang nangyari sa dalawa!

Hindi nagtagal, naging magkasintahan sina Larry at Fiona.

Advertisement

“Uuy! Ang sweet-sweet naman nila!” kantiyaw ni Gayle sa kanila.

“Suwerte mo riyan kay Fiona, hijo. Maganda, matalino at mabait pa. Bagay na bagay talaga kayo,” sabad naman ng Tiyo Manuel niya.

May biglang naalala si Larry kaya hindi niya napigilang mapangiti. Napansin naman iyon ng kaniyang nobya.

“O, bakit ka natatawa, Larry?”

“Wala. Naalala ko lang kasi ‘yung horoscope na binasa ko noon sa diyaryo, ang sabi: Sa pananatili mo sa piling ng isa mong kamag-anak ay doon mo makikilala ang babaeng magpapatibok sa iyong puso,” sagot niya.

Nagulat si Fiona sa sinabi niya.

“Aba, ganyan din ang isinasaad ng aking horoscope noon! A, t-teka, ano ba ang zodiac sign mo?” tanong ng nobya.

At sabay pa nilang sinabing…

Advertisement

“Aquarius ka rin ba?”

Pareho pala ang zodiac sign nilang dalawa. Nang mapagtagni-tagni nila ang mga pangyayari ay nagkatawanan na lamang sila.

“Akalain mo, parehong nagkatotoo ang ating horoscope,” ‘di makapaniwalang sabi ni Fiona.

“Iba talaga kung maglaro ang tadhana, talagang tayo pa ang pinagtagpo,” tugon ni Larry sabay yakap sa kasintahan.

Makalipas ang ilang taon ay sabay na gumradweyt sina Larry at Fiona sa kolehiyo at pareho rin silang nagkaroon agad ng trabaho. ‘Di nagtagal ay nagpasiya na silang magpakasal na ikinatuwa naman ng kani-kanilang pamilya.