Tinulungan ng Dalagang Ito ang Isang Matandang Babae na Hanapin ang Kapares ng Hikaw Nito; Iba Pala ang Mahahanap Niya
“Hoy Rita! Mamaya ka na magbasa-basa diya. Mamalengke ka muna! Saka bumili ka ng pagkain ng baboy, bilisan mo,” utos ng amo ni Rita na si Aling Bebeng.
Agad na tiniklop ni Rita ang kaniyang mga aklat na binabasa para sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Kailangan niyang sundin si Aling Bebeng dahil kailangan niya ng pera upang matustusan ang kaniyang mga pangangailangan.
Kung tutuusin ay kaanak naman niya si Aling Bebeng subalit hindi siya nito itinuturing na kadugo. Kailangan daw niyang pagtrabahuhan ang pagtira niya sa bahay nito. Hindi naman siya pinagbabawalang kumain, gumamit ng mga kasangkapan, o maging ng kuryente, subalit grabe kung makautos ang mga ito, kasama na ang mga pinsan niya.
Minsan nga, hindi pa man siya nakakahigop ng kaniyang kape, o nakakakain ng pandesal, ay marami na kaagad utos sa kaniya. Minsan tuloy ay nahuhuli siya sa pagpasok sa paaralan dahil sa tambak na kaniyang ginagawa.
Ayaw naman niyang hindi sumunod sa mga pinag-uutos sa kaniya kahit na nakikita naman nilang abala siya sa kaniyang ginagawa para sa paaralan. Tinitiis na lamang niya para sa kaniyang kinabukasan dahil alam niyang makaaahon lamang siya sa kaniyang kalagayan kung magsusumikap siyang makatapos ng pag-aaral, at pagkatapos ay makahanap ng magandang trabaho, kumita nang malaki.
Matapos makapag-ayos nang bahagya ay lumarga na nga si Rita. Dala-dala niya ang bayong na kadalasan niyang gamit kapag namamalengke siya. Agad na siyang naglakad patungo sa palengke.
Nakapamili na siya ng mga kakailanganin sa kanilang kusina at nakabili na rin siya ng pagkaing-baboy. Pagkatapos ay naglakad na siya pauwi.
Walang ano-ano, isang matandang babae ang namataan niya na tila balisa mula sa kaniyang kinatatayuan. Tila may hinahanap ito sa lapag. Nakikita niyang tila pinagpapawisan na ito nang malapot, subalit wala namang mangahas na pumansin. Abala rin naman ang lahat sa kani-kanilang mga ginagawa at pupuntahan at walang nag-atubiling maglaan ng oras sa matandang tila may hinahanap.
Lakas-loob na tinanong ni Rita ang matandang babae kung ano ang hinahanap nito at baka-sakaling matulungan siya.
“Naku Ineng, maraming salamat… hinahanap ko kasi ang kapares ng hikaw ko. Napansin ko na lamang na isa na lamang ang hikaw ko sa aking tenga. Mahalaga sa akin iyon. Regalo pa kasi sa akin iyon ng aking nasirang esposo,” sabi ng matandang babae.
“Ganoon po ba? Naku, sige po, hanapin po natin…”
Matiyagang hinanap ng dalawa ang nawawalang hikaw ng matandang babae, hanggang sa maya-maya ay may naispatang isang perlas si Rita. Agad niya itong pinulot at ipinakita sa matandang babae.
“Ito po ba iyon?” sabay pakita sa hikaw.
Nanlaki ang mga mata ng matandang ginang.
“Oo iha, iyan nga! Naku maraming salamat sa tulong mo! Hindi ko alam ang gagawin ko kung hindi ka dumating. Malamang ay mahihirapan akong galugarin ang lugar na ito at hindi ko na makikita ‘yan. Maraming-maraming salamat talaga!” naluluhang pasasalamat ng matandang babae kay Rita.
“Wala pong anoman iyon. Masaya na po ako na makatulong ako sa inyo,” wika naman ni Rita.
“Ah ineng, ano nga pala ang pinagkakaabalahan mo sa buhay?” tanong ng matanda.
Naikuwento ni Rita ang kaniyang pangangamuhan habang nag-aaral sa kolehiyo.
“Nakakaantig naman ang iyong kuwento, iha. Isa kang tunay na inspirasyon. Bukod sa mabait ka at may mabuting kalooban, isa ka ring masipag na tao. Dahil diyan, nais ko sanang ako na ang sumagot ng iyong pag-aaral. Tutal, wala rin naman akong pinagkakagastusan sa pensyong natatanggap ko buwan-buwan dahil maganda naman ang takbo ng negosyong naiwan sa akin ng nasira kong asawa, nais ko sanang isponsoran ang pag-aaral mo hanggang sa makatapos ka ng pag-aaral,” paliwanag ng matandang babae.
Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ni Rita nang marinig ang mga sinabi ng matanda.
Makalipas ang ilang taon ay nakatapos na rin ng pag-aaral si Rita at ipinasya na niyang umalis sa poder ng kaniyang kamag-anak na hindi naman siya itinuring na kadugo.
Lumipat na siya sa bahay ni Lola Renata, ang matandang babaeng tumulong sa kaniya, na siyang naging nanay-nanayan na niya kahit hindi naman niya kadugo.
Ipinangako niya na aalagaan niya ito hanggang sa huling hininga nito, bilang pagtanaw ng utang na loob sa lahat ng mga naitulong nito sa kaniya.
Nang sumakabilang-buhay ito, palibhasa ay walang kaanak, siya ang ginawa nitong tagapagmana sa mga ari-ariang naiwan nito.
Tunay nga na ang kabutihang nagawa mo sa kapwa mo, ay doble, triple, o higit pa ang balik sa iyo!