Habang nagmamaneho ay tinawagan ni Dr. Norberto Soriano, isang dermatologist, ang kaniyang assistant na nasa klinika na niya.
“Oh Andrea, may kliyente na ba tayo?” tanong ng doktor.
“Opo, dok. Dalawa na po. Ang isa po ay magpapakonsulta lamang at ang isa naman po ay magpapa-facial,” sagot nito.
“Ah ganoon ba. Pabor naman. Kuhanan mo ng litrato tapos ipadala mo sa Messenger ko. Dalian mo. Salamat. sige na, bye.”
At ibinaba na ni Dr. Soriano ang linya.
Maya-maya ay muling tumunog ang kaniyang cellphone. Tiningnan niya ang dalawang kliyente na naghihintay sa kaniya.
Isang matandang babae at isang lalaki.
Sa palagay niya hindi naman ito mga mayayaman at may sinasabi sa lipunan kaya ipinasya ni Dr. Soriano na huwag magmadali. Sa katunayan, nagtungo pa siya sa isang milk tea house upang bumili ng kaniyang inumin.
Ganoon ang ugali ng doktor na ito. Kapag alam niyang karaniwang tao o mahirap lamang ang kliyente, hindi niya kaagad ito ineestima. Sinasadya niyang tagalan ang kaniyang mga kilos. O kaya naman, medyo malamig ang kaniyang pakikitungo sa kanila. Sa hitsura pa lang, alam na niya kung mayaman ba, may mataas na pinag-aralan, o hindi basta-basta.
Kapag natunugan niyang may kaya, mayaman, sosyal, o may mataas na naabot na edukasyon ang kliyente, mabilis niya itong inaasikaso. Makikita rin ang kaniyang mga ngiti sa labi at talagang nakikipagkuwentuhan siya.
Alam na alam na ni Andrea ang ganoong mga katangian ng among dermatologist subalit nagsasawalang-kibo na lamang siya. Kailangan niya ng trabaho, at wala siya sa posisyon upang panghimasukan ito.
Makalipas ang 30 minuto ay saka naman dumating si Dr. Soriano. Naroon na rin ang isa niyang empleyado na inaasikaso na ang unang dumating.
Ang pangalawang kliyente na lalaki ay lihim na pinagmamasdan ni Dr. Soriano. Masama ang kutob niya rito. Kanina pa ito tingin nang tingin sa paligid. Sa hitsura nito, mukhang wala itong ibabayad. Marurungis din ang mga paa, na kitang-kita sa marumi-rumi nitong tsinelas.
“Bakit mo naman pinapasok ‘yan dito? Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na ayoko ng dugyot sa klinika ko? Ano bang papagawa niyan?” pabulong na tanong ni Dr. Soriano kay Andrea.
“Siya po yung magpapakonsulta,” tugon ni Olga.
“Sabihin mo may bigla akong kliyente na dapat estimahin. Sabihin mo nagkamali ka sa iskedyul, at may appointment pala ako. Sabihin mo, VIP. Artista. Palayasin mo na ‘yan. Gawan mo nang paraan,” utos ni Dr. Soriano.
Napabuntung-hininga na lamang si Andrea sa inaasal ng kaniyang boss, ngunit wala siyang magagawa kundi sundin ito. Bantulot itong lumapit sa lalaking kliyente at sinabi ang pinapasabi ng amo.
“Grabe naman kayo sa akin, may ibabayad naman ako sa inyo,” sabi ng lalaki. “Kailangan ko lamang ipakonsulta kung bakit nangangati ang mukha ko.”
“Pasensya na po talaga, pero nagmamadali kasi yung VIP na kliyente ni dok, eh artista po iyon. Bumalik na lang daw po kayo sa susunod,” nahihiyang sabi ni Andrea. Siya ang nahihiya sa mga ginagawa ng kaniyang boss dahil siya ang humaharap sa mga tao.
“Sige sa iba na lang ako pupunta. Salamat,” sabi ng lalaking kliyente na halatang dismayado dahil para siyang naghintay sa wala.
“Sa susunod tingnan mo muna ang hitsura bago magpapasok dito ha? Ayaw ko talaga sa lahat yung mga dugyutin. Gusto ko yung mukhang malinis at mabango man lang. Mukhang alam ko na kung bakit siya nangangati, siguro hindi siya regular maligo,” muling paalala ni Dr. Soriano sa assistant habang tumataas-taas ang kilay.
Tumango-tango naman ang assistant sa kaniyang amo.
Maya-maya, may pumasok na isang guwapo, matangkad, at mukhang propesyunal na lalaki. Malayo pa lamang ito ay tinimbrehan na ni Dr. Soriano si Andrea na asikasuhin kaagad ito at estimahin nang maayos. Mga ganitong tipo ang gusto ng doktor sa balat.
“Magpapa-diamond peel,” ngiti ng guwapong lalaki kay Andrea. Kinilig naman si Dr. Soriano.
“Hi sir! Mabuti naman at dito ninyo naisipan sa klinika ko magpunta. Sisiguraduhin ko sa inyo na hinding-hindi kayo magsisisi na dito kayo magpapa-diamond peel!” sabi ni Dr. Soriano.
Nang makaalis na ang isang customer ay biglang may inilabas ang lalaki mula sa kaniyang tagiliran.
“Holdap ito, walang kikilos nang masama. Magsidapa kayong lahat!” at biglang bumalasik ang mukha ng guwapong lalaki na isa palang holdaper.
Ipinalagay nito sa loob ng bitbit na balutan ang kanilang mga pitaka, cellphone, gayundin ang kanilang kinita.
Nanginginig sina Dr. Soriano, Andrea, at iba pang staff. Hindi nila akalaing ang guwapo, malinis tingnan, at mukhang propesyunal manamit ay isa pa lang masamang-loob.
Nang maisakatuparan na ang panghoholdap, lumabas na ang holdaper at nagmamadaling lumapit sa kaniyang motorsiklo.
Ngunit bago pa man mapaandar ang motorsiklo ay lumapit na rito ang mga lalaking tambay at kinuyog ito. Dumating naman ang mga pulis at dinakip ang holdaper.
Ganoon na lamang ang pasasalamat ng tatlo, lalo na si Dr. Soriano, sa taong nagsumbong na may tila hindi magandang nangyayari sa loo ng klinika.
Walang iba kundi ang pangalawang kliyente na dugyutin at pinaalis nila!
“Pabalik ako sa klinika dahil naiwanan ko ang binili kong meryenda sa upuan nang mapansin ko ang mga kakaibang pangyayari sa loob. Sinabihan ko kaagad ang mga kakilala kong tambay sa labas. Tumawag na rin ako ng pulis,” paliwanag ng lalaki sa imbestigasyon.
Labis-labis ang pasasalamat ni Dr. Soriano sa naturang lalaki na nagligtas sa kanila.
Isang aral ang natutuhan niya: huwag manghusga ng kapwa batay sa panlabas na anyo. Huwag ding ibatay ang paggalang o pagbibigay-serbisyo batay sa estado nito.