Inday TrendingInday Trending
Hindi Maibigay ng Ama ang Kapritso ng Anak; Nagulat Siya na Pinag-uusapan Na Sila sa Social Media

Hindi Maibigay ng Ama ang Kapritso ng Anak; Nagulat Siya na Pinag-uusapan Na Sila sa Social Media

“Pa, hindi n’yo ko iniintindi eh. Naiintindihan n’yo ba ang sinasabi ko? Palibhasa kasi hindi nakatapos ng kolehiyo eh kaya mahina ang ulo!” banas na sabi ni Alvin sa kaniyang amang si Mang Levi na isang domestic helper sa Dubai.

Magkausap sila sa video call dahil malapit na ang ika-21 kaarawan ni Alvin. Sa halip na party o handaan, nais ni Alvin na malaking halaga ng pera na lamang ang ipadala sa kaniya ng ama. Sapat na halaga upang mapainom niya ang mga barkada at ‘walwalan’ sa isang pribadong resort sa Zambales.

“Anak naman, saan ko naman kukunin ang hinihiling mo na 30,000 piso? Alam mo namang marami pa akong binabayarang pagkakautang. Hanggang ngayon binabayaran ko pa yung inutang ko para mabilhan ka ng mamahaling gagget at laptop. Isa pa, nagbabayad pa ako sa utang ko sa mga kaibigan ko na ginamit ko sa pagpoproseso ng mga papeles para makapagtrabaho ako rito sa Dubai,” mangiyak-ngiyak na paliwanag ni Mang Levi.

Sumimangot si Alvin.

“Ang sabihin ninyo, napakaramot ninyo! Bakit naman may mga kakilala akong OFW eh nakakapagpagawa na ng sariling bahay rito sa atin? Kayo lang yung OFW na kilala ko na parang mas mahirap pa sa ipis eh! Nagtatrabaho ba talaga kayo diyan o baka naman naghahanap lang kayo ng ibang babae diyan? Kaya siguro kating-kati kayong iwanan kami rito simula nang mawala ang Nanay, dahil gusto ninyong humanap ng ibang babaeng kakamot diyan sa kati ninyo!” diretsahan at matalas ang pananalitang sumbat ni Alvin sa kaniyang kaawa-awang ama.

Kahit na lalaki ay nakaramdaman ng pangingilid ng luha sa mga mata si Mang Levi. Kaya niyang tiisin ang hirap na dinaranas sa ibang bansa para sa kaniyang pamilya, subalit hindi niya kayang marinig mula mismo sa anak na niyuyurakan nito ang kaniyang pagkatao. Mukhang kailangan na niyang umuwi ng Pilipinas upang masuweto ang anak. Mukhang kailangan nito ng gabay.

“Huwag mo naman akong pagsalitaan nang ganyan, anak. Galangin mo naman ako bilang tatay mo. Oh kung hanggang ngayon, galit ka pa rin sa akin dahil sa ginawa kong pag-iwan sa inyo, igalang mo na lang ako bilang tao! Huwag mo naman akong pagsalitaan nang ganyan, anak…” gumagaralgal ang tinig na sabi ni Mang Levi sa panganay na anak.

“Ang drama mo! Eh kung ibinibigay mo na lang kaagad sa akin ang hiling ko, hindi mo na kailangan pang magsalita nang ganya, parang hindi kayo lalaki eh! Ganyan ka naman dati pa eh. Ikaw ang nagpapaawa. Eh ‘di ba, sabi mo, kaya ka mangingibang-bansa para sa amin? Para maibigay ang mga gusto namin nina Peter at Meryl? Oh bakit hindi mo maibigay ngayon ang gusto ko? Kung ganyan lang din naman, umuwi ka na rito!” pagpapatuloy pa ni Alvin.

Tila sasabog ang dibdib ng ama sa sama ng loob at sa masasakit na salitang binibitiwan ng kaniyang panganay na anak. Maya-maya, bigla na nitong pinutol ang linya.

Napabuntung-hininga na lamang si Mang Levi. Tinawag na siya ng amo niya.

Kinabukasan, bago matulog si Mang Levi ay nagbukas siya ng social media niya upang kausaping muli si Alvin.

Subalit nagulat siya sa kaniyang nakita. Nabasa niya ang social media post ni Alvin na sinusumbatan at pinapahiya siya sa publiko. Wala raw siyang kuwentang tatay.

Marami na itong shares at maraming masasakit na salita ang nasa comment section, hindi para sa kaniya, kundi laban sa anak. Marami rin ang nagpapadala ng mensahe para sa kaniya.

Maya-maya, tumawag ang kaniyang kapatid na si Norma na siyang pinagbilinan niyang magbantay at mag-alaga sa kaniyang mga anak.

“Hay naku Levi, pasaway ang anak mong si Alvin! Trending siya ngayon at tinutuligsa ng mga basher dahil sa ginawa niyang pamamahiya sa iyo. Akala niya, sa kaniya mapupunta ang simpatya ng mga tao. Kahit mga kapitbahay natin nagagalit sa kaniya at halos ipako siya sa krus. Ayaw niyang lumabas ng bahay at nasa loob lamang ng kuwarto niya,” pagbabalita ni Norma.

“Sabihin mo sa kaniya, burahin na niya ang post niya. Susubukin kong humingi ng bakasyon sa amo ko. Uuwi ako riyan sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.”

Katakot-takot na pakiusap ang ginawa ni Mang Levi para mapagbigyan lamang siyang makauwi sa Pilipinas. Pinayagan naman siya nito.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang ginoo. Kailangan niyang ayusin ang nangyayari sa kaniyang pamilya.

Pag-uwi sa Pilipinas, agad na yumakap sa kaniya si Alvin.

“Papa, patawarin po ninyo ako… napagtanto ko na ngayon ang pagkakamali ko, hindi na po mauulit,” umiiyak na paghingi ng tawad ni Alvin sa kaniyang ama.

Gumanti naman ng yakap si Mang Levi sa kaniyang anak.

“Mahal na mahal kita, anak. Gagawin ko ang lahat upang maibigay ko ang mga pangangailangan ninyo. Pero may hanggahan din naman ang lahat.”

Binura ni Alvin ang pinutakting social media post niya; sa halip, gumawa siya ng panibago na humihingi naman ng dispensa sa lahat ng mga nasaling at nasaktan sa ginawa niya.

Nag-post din si Mang Levi sa kaniyang social media at nakiusap sa publiko na huwag na sanang pukulin ng masasakit na salita ang anak, at nagkaayos na rin sila.

Huli na ang lahat. Nasira na ang pangalan ni Alvin, hindi ng kaniyang ama. Subalit hindi pa huli upang makabawi. Alam niyang makakalimot din ang mga tao sa isyung ito.

Simula noon ay naging kontento na si Alvin sa mga ibinibigay sa kanila ni Mang Levi. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na mas magiging mabuti pa siyang anak sa kaniya. Hindi rin maganda na lahat na lamang ng bagay ay ipino-post sa social media, lalo na ang mga usaping pampamilya, na dapat ay sila-sila lamang ang nagreresolba.

Advertisement