Nag-ampon ang Mag-asawa Upang Mabuo ang Pamilyang Inaasam-asam Nila, Isang Misteryo Pala ang Makukuha ng Dalawa
“Sigurado ka ba sa desisyon nating ito, Cedric? Kaya na ba talaga natin maging magulang?” tanong ni Joy sa kaniyang asawa.
“Hindi ko alam pero ‘di ba ito ang gusto mo? Pwede naman tayong umatras ngayon,” sagot ng lalaki.
“Hindi, sige, tara na, kuhanin natin ang bata,” naluluhang sagot ng babae saka sila sabay na bumaba sa kotse upang pumasok sa bahay ampunan. Pinili nilang ampunin ang batang sanggol pa lamang upang mapalaki nila ito ng parang kanila talaga.
Hanggang sa lumipas ang ilang taon ay naging mabuting magulang ang dalawa sa anak nilang si Nicole na ngayon ay limang taong gulang na.
“Cedric sa tingin mo, kailan natin sasabihin ang totoo kay Nicole? Maiintindihan na kaya ng bata kapag sinabi natin sa kaniyang ampon siya?” tanong ni Joy sa asawa niya.
“Sa tingin ko naman ay maiintindihan na ni Nicole iyon. Gawin na lang natin sa birthday niya para pag nabigyan natin siya ng regalo ay saka natin sabihin. Matalinong bata si Nicole at napalaki natin siya nang maayos,” sagot naman ng lalaki sa kaniya.
Ilang linggo pa ang lumipas ay sumapit na ang ika-anim na taong gulang ni Nicole. Nagdaos sila ng isang simple salo-salo para sa ilang bisita at nang makaalis na ang lahat ay saka sila nakahanap ng tyempong kausapin ito.
“Nicole, anak, may sasabihin si mama at papa sa’yo,” malambing na wika ni Joy sa bata at pinaupo ito sa hita niya.
“Anak, hindi ko alam kung paano ko ito ipapaliwanag sa’yo pero sana maintindihan mo,” dagdag pa nito.
“Ma, alam ko na,” nakangiting sagot ni Nicole sa kanilang dalawa.
“Alam mo na ang sasabihin namin?” tanong ni Cedric dito.
“Opo, alam ko na sasabihin niyong hindi niyo ako tunay na anak at ampon lang po ako,” magiliw na sagot ni Nicole sa kanila. Saglit na nagkatinginan ang mag-asawa at hindi nakapagsalita sa gulat na narinig nila iyon sa bata.
“Pwede ko bang malaman, anak, paano mo nalaman?” tanong ni Joy rito.
“Sabi ni kuya,” sagot ni Nicole sa kanila.
“Kuya, sinong kuya?” mabilis na singit ni Cedric sa bata.
“Si Kuya Rico, ‘yung totoong baby niyo,” magiliw pa ring sumagot si Nicole sa kanila.
Parang nanigas si Joy sa kaniyang narinig.
“Anak, kanino mo nalaman ‘yan? Sino nagsabi sa’yo?” iyak na tanong ni Joy sa bata.
“Ma, ‘wag ka na umiyak. Si kuya mismo ang nagsabi sa akin na hindi niyo ako tunay na baby. Napaliwanag na niya sa akin na kaya raw siya nawala ay dahil sa aksidente kaya hindi ko na siya nakakasama,” paliwanag pang muli ni Nicole sa kanilang dalawa.
“Matagal ko na siyang nakikita na nakabuntot sa inyo mama, papa, hanggang sa nagpakilala siya sa akin at pinaliwanag niya ang lahat. Gusto niya rin po palang sabihin sa’yo, mama, na hindi mo kasalanan na nawala siya. Masaya na raw siya sa langit at masaya siya na dumating ako sa buhay niyo dahil nakita niya raw po kayong ngumiti ulit,” dagdag pa ni Nicole sa kanila.
Hindi na nakasagot pa si Joy at Cedric sa gulat na narinig nila sa bata at niyakap na lamang si Nicole saka sila umiyak muling mag-asawa.
Halos anim na taon na rin ang nakakalipas simula nang mawala ang tunay nilang anak na si Rico nang dahil sa aksidente. Parehas silang nakaligtas ngunit binawian ng buhay ang bata. Simula noon ay binaon na nila sa limot ang alaalang iyon at inilihim na lamang ang mga pagluluksa para sa yumaong anak.
Sinubukan nilang mag anak muli ngunit dahil sa komplikasyon ng aksidente ay hindi na maaring mabuntis pa si Joy kaya nila napagpasyahang mag-ampon. Hindi na rin nila binanggit pa ito kay Nicole dahil bata naman daw ito at saka na lamang nila ipapaliwanag kapag dumating na ang tamang panahon.
Kaya naman simula nung araw na iyon ay mas naging bukas ang mag-asawa sa buhay nila kasama ang anak nilang si Nicole.
Ngayon ay wala nang bahid ng paghihinagpis ang puso ng mag-asawa sa pagkawala ng kanilang anak lalo na ngayong alam na nilang nasa langit ito. Laking pasasalamat din nila kay Nicole dahil naintindihan kaagad ng bata ang tanging dahilan nila kung bakit hindi nila nasabi ang totoo.
“I love you, mama. I love you, papa. Mahal na mahal namin kayo ni Kuya Rico, habang buhay,” wika ni Nicole at niyakap silang mag-asawa.