Tinupad Daw ng Binatang Ito ang Lahat ng Kahilingan ng Kaniyang Ina, Nakakaiyak Pala ang Misyon ng Lalaki
Buong buhay ni Rene ay pagtratrabaho na yata ang tumatak sa kaniya. Paano’y siya na ang tumayong tatay sa kanila simula nang mangibang-bahay ang ama ng lalaki.
“Anak, uuwi na ako sa ‘Pinas, matanda na rin ako at gusto ko naman kayong makasama. Napagtapos naman na natin si bunso kaya pwede na tayong magpahinga,” wika ni Aling Cherry, nanay ng binata.
“Matagal ko naman nang sinabi sa inyo na umuwi na kayo rito sa atin. Malaki naman na ang naipon ko sa babuyan at bigasang naipatayo natin kaya hindi niyo na kailangan pang magtrabaho riyan,” sagot ng binata.
“Maraming salamat, anak, dahil tinulungan mo ako sa pagpapaaral kay Rhea. Kung hindi dahil sa’yo ay hindi ko naman magagawa ang lahat ng ito. Naperwisyo ko na ang buhay mo at hindi ka na nagkanobya man lang,” naiiyak na saad ngayon ng ale sa telepono.
“Sus si mama! ‘Yang mga babae nasa tabi-tabi lang ‘yan!” birong sagot naman ni Rene at saka natawa na lang din ang nanay nito.
Halos 35 anyos na ang binata ngayon, bata naman daw para sa pag-aasawa ngunit para kay Aling Cheery ay huli na ang panganay niya para sa pagbuo ng pamilya. Kaya naman nang makauwi ito sa bansa ay wala nang ginawa ang ale kung ‘di humanap ng makaka-date ng kaniyang anak.
“Ma, may gusto pa ba kayong bilhin sa bahay?” tanong ni Rene sa ale habang kumakain sila sa labas.
“Anak, lahat na yata ng gusto ko ay nabili mo na. Pati TV natin sa bahay ay bago na ulit at napakalaki pa! Lahat din pala ng binabanggit ko sa’yo na gusto ko ay binili mo, grabe ka, Rene!” naluluhang sagot ng ale sa kaniya.
“Kasi ganun ko po kayo kamahal,” malambing na saad ni Rene sa kaniya.
“Pero, anak, mag-asawa ka na. Para naman magkaroon ka na ng sarili mong pamilya, please?” pakiusap muli ng kaniyang ina.
Hindi naman sumagot pa si Rene at nginitian lamang ang kaniyang nanay.
Habang si Aling Cherry naman ay nag-uumApaw ang kasiyahan dahil sa naging napakaresponsableng anak ni Rene. Paano’y pagkauwi nito sa ‘Pinas ay nabili na pala nito lahat ng gusto niyang gamit sa bahay. Nariyang bago ang kanilang mesa, refrigerator, oven, water dispenser, kama, TV, aircon at kung ano-ano pa, may bonus pa nga raw na napakalaking sofa. Akala ng ale ay walang napuntahan ang mga pinaghirapan niya sa pag-aabroad ngunit binago lahat iyon ng kaniyang anak.
“Rene, gising ka ba? Tara samahan mo ako kina Mareng Edith at may birthday-an doon. Baka makakilala ka ng mga babaeng taga-Maynila at mapusuan mo,” saad ng Ale ng kumatok ito sa pintuan ng kwarto ng lalaki.
Naabutan niyang natutulog ito kaya naman hindi na niya inistorbo, saglit siyang pumasok para titigan ang anak.
Lalabas na sana si Aling Cherry nang matigilan siya sa nakitang mga gamot sa tukador ng anak. Saglit niyang binasa ang mga ito ngunit hindi niya maintindihan.
“Rene, gumising ka,” utos nito sa kaniya saka tinapik ang lalaki.
“Ma, bakit niyo hawak ‘yan!” bulalas ni Rene nang mapansing hawak ng ale ang mga gamot niya.
“May sakit ka? Bakit hindi mo sinasabi sa akin? Ano itong mga ‘to?!” baling ni Aling Cherry rito.
“Magsalita ka!” at mas lalo pang tumaas ang boses ng ale.
“Ma, kumalma ka, hayaan mong ipaliwanag ko sa’yo,” ngiting sabi ni Rene rito at pinaupo ang nanay niya.
“Sabi ng doctor, traydor daw talaga ang sakit na ito. Akala namin nung una gumaling na ako pero bumalik ulit. Ma, may can*er ako,” ngiting paliwanag ng lalaki.
“T*ng ina mong bata ka! Anong can*er pinagsasabi mo!? Bakit hindi ko ‘to alam, Rene!” mabilis na naiyak si Aling Cherry.
“Ma, huwag ka na umiyak! Tanggap ko na, isa pa tapos na rin naman ang misyon ko sa mundong ito. Napagtapos na natin si Rhea at nakabalik na kayo rito sa ‘Pinas kaya tanggap ko na. Huwag na kayong makipagtalo pa, may natitira pa naman akong ilang buwan, ‘ma,” at doon na bumagsak ang luha ng lalaki saka niya niyakap ang kaniyang nanay na buong higpit. Hindi nakapagsalita si Aling Cherry at humagulgol lamang ito sa pag-iyak habang yakap ang anak.
Matagal na palang may sakit ang binata at ngayon ay bumalik muli ito kaya lamang ay mas malala at may taning na rin ang buhay ng lalaki. Pinilit ni Aling Cherry na magpagamot muli si Rene ngunit hindi na pumayag pa ang binata. Mabilis lang lumipas ang mga araw at parang kidlat na binawian ng buhay ang anak niya matapos malaman ng lahat ang tungkol sa sakit ng lalaki.
Naiwan si Aling Cherry at ang bunso nitong anak na si Rhea kasama ng mga naipundar ng binata at ipon nitong pera.
“Nay, bakit ako nauna sa anak ko?! Kasalanan ko ang lahat ng ‘to dahil pinagtrabaho ko siya nang pinagtrabaho! Wala akong kwentang nanay! Dapat ako ang mauna sa mga anak ko! Dapat ako ang ililibing nila , hindi ‘yung ako ang maglilibing ng anak!” hinagpis ni Aling Cherry sa nanay niya na dumalaw sa kanila.
“Anak, masayang nawala sa mundo ang apo kong si Rene, nakita naman natin iyon. Nawala siyang hindi nakikipagtalo sa sakit at mapayapang nagpaalam sa inyo. May mga tao talaga na ibinigay ng Diyos na maiksi lang ang misyon sa mundo. Isa na roon si Rene at wala kang kasalanan doon,” paliwanag ni Lolo Carmen.
Hindi na nagsalita pa ang ale at umiyak na lamang ito nang umiyak para sa kaniyang anak. Napatigil na lamang siya nang makita ang imahe ni Rene na nakaputing kumakaway sa kaniya at nakangiti ito.
Simula noon ay pinalaya na niya sa puso ang hinagpis para sa anak. Laking pasasalamat niya sa Panginoon na pinahiram sa kaniya si Rene ng Diyos dahil ito na yata ang naging pinakamabait na anak sa buong mundo.