Inday TrendingInday Trending
Naglalako ng Isda ang Dalaga Para Makapag-ipon ng Pera Para sa Pag-aaral; Makapagtatapos pa Kaya Siya

Naglalako ng Isda ang Dalaga Para Makapag-ipon ng Pera Para sa Pag-aaral; Makapagtatapos pa Kaya Siya

“Isda kayo d’yan,” lako ni Sonya sa isang timbang bitbit na paninda. “Singkwenta lang isang kilo ng galunggong,” dugtong niya.

Mula noong natapos ang klase ay naglalako na si Sonya ng isda upang may maipambili siya ng pagkain nila at makapagtabi na rin para sa muling pagbubukas ng klase.

“Ang sipag-sipag mo talaga, Sonya,” buong paghangang bati ni Aleng Neri. “Isang kilo nga sa’kin,” dugtong pa nito.

Agad namang tinimbang ni Sonya ang kailangan ni Aleng Neri. “Kailangang magsipag Aleng Neri, para sa magandang kinabukasan,” nakangiting wika ni Sonya.

“Paano iyan, Sonya. Malapit na ang pagbabalik skwela at mukhang mahihirapan ang mga estudyante nito dahil sa new normal na ipapatupad. May pang-online class ka na ba?” Nag-aalalang tanong ni Aleng Vergie.

“Oo nga. Kolehiyo ka pa naman,” sang-ayon ni Aleng Neri.

“Kaya nga po ako nagsisipag maglako para may maipambili akong bagong selpon. Mahirap umasa sa ayuda ng gobyerno. Hindi siguradong makakarating sa’kin ang palibre nilang gadgets.

Siyempre, maraming estudyante sa lungsod kaya mas maiging kumayod at sigurado naman akong kapag may kikitain ay may iipunin,” nakangiting wika ni Sonya sabay abot ng isa’t kalahating kilong isda kay Aleng Vergie.

“Tama ka d’yan.” Sang-ayong ng dalawang ale sabay abot ng bayad sa kaniya.

“Kaya nga bilib na bilib ako sa’yo, Sonya. Sana kagaya mo ang anak kong si Linda,” wika ni Aleng Neri.

Tanging ngiti na lamang ang itinugon ni Sonya sa sinabi ng Aleng Neri at maglalako na sanang muli. Nang biglang may nagsalita.

“Bakit wala kang selpon, hija?” Tanong ng babaeng hindi pamilyar kay Sonya.

“Ah, siya si Jessica, Sonya, pamangkin ni Mang Raul, galing Maynila,” pakilala ni Aleng Vergie.

Kaya pala hindi pamilyar sa kaniya ang babae. Sa kaniyang tantiya ay nasa trenta’y mahigit pa ang edad ng babae at halatang kararating nga lang nito sa lugar nila dahil maputi at makinis ang balat nito.

“May selpon naman po ako ma’am, kaso nahulog po kasi sa kanal noong isang beses na naglalako ako ng aking mga paninda. Hindi ko na nagawang ipaayos. Kaya ang balak ko ay bumili na lang ng panibago. Iyong mas magagamit ko sa aking pag-o-online class,” paliwanag ni Sonya.

“Ahh, gano’n ba?”

“Opo. Wala na bang bibili ng isda riyan?” Ani Sonya.

Nang wala nang customer na lumapit sa kaniya ay nagpatuloy na siyang maglako. Sa isang araw ay kumikita naman siya ng limang daang piso. Ang tatlong daan ay itinatabi niya, ang dalawang daan naman ay pinambibili niya ng pagkain nila.

Araw na naman ng kaniyang paglalako. Lilibutin na naman niya ang buong baryo, upang alukin ang lahat ng bumili ng kaniyang inilalakong isda.

“Sonya!” Tawag ni Mang Raul sa kaniya.

“Bibili po kayo Mang Raul?” Ani Sonya at lumapit sa pwesto ng lalaki.

“Bakit ngayon ka lang nagawi rito? No’ng isang araw pa kitang hinihintay,” anito na labis niyang pinagtakhan.

“P-po? Ahh, wala po kasi akong nakuhang isda dalawang araw na ang nakakalipas, Mang Raul,” paliwanag niya.

“Jessica, narito na si Sonya,” tawag ni Mang Raul sa pamangkin.

Lumabas naman ang babaeng nakangiti at may hawak na maliit na paper bag.

“Hi Sonya, nagkita tayong muli.”

“Hello po,” magalang namang balik ni Sonya.

“Noong isang araw ka pa naming hinihintay na dumaan. Ito oh, regalo ko sa’yo,” abot nito sa paper bag.

Nagtataka man ay tinanggap pa rin ni Sonya ang ibinigay nito. At nang kaniyang buksan ay nakita niyang isa iyong selpon. Selpon na kaniyang matagal nang pinag-iipunang mabili.

“No’ng narinig ko ang usapan ninyo ng dalawang ale ay labis akong humanga sa kasipagan at pagiging positibo mo sa buhay, Sonya. Naaalala ko ang dating ako noong ako’y nag-aaral pa.

Alam kong mas mahirap ang pagdadaanan niyo ngayon lalo na’t may pandemyang kinakaharap ang mundo. Sana’y huwag kang sumuko at magpatuloy sa pag-abot ng pangarap mo.

Iyan lang ang maitutulong ko sapag-abot mo sa pangarap mo, Sonya. Sana sa susunod na’ting pagkikita ay matagumpay ka na,” nakangiting wika ni Jessica.

Mangiyak-iyak na niyakap ni Sonya ang babae. “Maraming salamat po ma’am. Hindi ko inaasahan ito. Hindi mo ako lubos na kilala at hindi tayo magkaano-ano. Pero tinulungan niyo pa rin ako at binigyan ng selpon. Alam ko po na mahal ito.”

“Walang mahal na presyo, Sonya, kung ang taong tutulungan mo ay pursigido’t mabait. Alam kong karapat-dapat kang bigyan niyan. Kaya gawin mo itong daan sa iyong tagumpay,” wika ni Jessica.

“Pangako po ma’am hindi ka magsisisi na binigyan niyo ako nito,” ani Sonya at hindi matapos-tapos ang pasasalamat.

Handa si Sonya na tanggapin ang hamon ni Ma’am Jessica sa kaniya, na magtatapos siya sa pag-aaral at magiging matagumpay siya sa buhay. Nagpapasalamat siya at may mga tao pa ring handang tumulong kahit hindi ka pa lubos na kakilala.

Tatanawin niyang malaking utang na loob sa babae ang ginawa nitong pagbigay sa kaniya ng pag-asang makapagpatuloy sa pag-aaral.

Advertisement