Buong Akala ng mga Magulang ng Dalaga na Natutuwa Siya Tuwing Nireregaluhan ng mga Mamahaling Bagay, nang Bigla Siyang Maglayas ay Naiyak ang Mga Magulang Sa Nalamang Dahilan
“Good morning, yaya. Nasaan po sina mama?” tanong ni Stef habang pababa pa lang siya ng hagdan at papunta sa kusina para kumain.
“Naku, hija, maagang umalis ang mama at papa mo ngayon kasi may meeting raw sila eh,” sagot naman ng kanyang yaya.
“Pero halika na rito at kumain ka na, para naman hindi ka ma-late sa school mo,” nakangiting dagdag na sabi ng kanyang yaya.
“Halika ya, sabayan mo na ako. Nakakalungkot pag laging mag-isa kumain eh,” nakasimangot na sagot ng dalaga.
At tumabi naman sa kanya ang kanyang yaya. Naaawa na rin sa kanya ito ngunit talaga laging nasa trabaho ang kanyang mga magulang.
Simula nang magkaroon ng isip si Stef, naaalala niya na palaging halos wala ang kanyang mga magulang. Mas marami pa ang oras nila sa trabaho kaysa sa oras ng paglagi sa kanilang bahay. Tuwing tatanungin niya naman ang kanyang mga magulang kung maaari ba silang makasama, ay laging natatanggihan ang dalaga. Dahilan nila’y talagang marami lang silang inaasikaso sa trabaho.
Ang mga magulang ni Stef ay may-ari ng ilan sa mga pinakamayamang kumpanya sa Pilipinas. Kahit marami silang tauhan ay minamabuti nilang palagi silang nakabantay sa bawat galaw na nangyayari sa kanilang negosyo.
Alam nilang marami na silang pagkukulang sa kanilang anak, kaya naman bilang kapalit ng pagkawala ng kanilang oras sa kanya ay halos araw-araw siyang binibilhan ng regalo. Minsan sapatos, minsan relo at alahas, kung minsan ay mga damit o di kaya naman ay mga mamahalin na bag. Pero walang mintis ang pag-uwi nila ng ‘pasalubong’ sa kanilang anak.
Nakakalungkot lang dahil para kay Stef ay ang ultimo pasalubong ng kanyang mga magulang ay hindi pa sila ang pumili. Mayroon lamang silang inuutusan para gawin ang pagbili para sa kanila.
Naalala ni Stef noon na tuwing Recognition Day sa kanilang paaralan ay pumupunta ang mga magulang ng kanyang mga kaklase para sabitan sila ng medalya. Naisip niya tuloy na kung magiging parte siya ng mga estudyanteng nasa honor at may medalya ay baka puntahan siya ng magulang niya sa kanyang paaralan.
Mula noong siya’y nasa elementarya pa lang hanggang sa siya’y nasa ikalawang taon ng high school ay lagi siyang nagiging parte ng listahan ng may honor. Ngunit palaging yaya niya lamang ang nakakapunta at nagsasabit ng kanyang medalya. At gaya ng laging ginagawa ng mga magulang niya, regalo ang binibigay sa kanya, kapalit ng hindi nila pagdating sa mahalagang araw ni Stef.
Ngayon na nasa ikatlong taon na ng high school ang dalaga, nalaman niya ulit na parte siya ng listahan ng may honor. At sa labis na kasiyahan ay nagpunta siya mismo sa opisina ng kanyang mga magulang para ibalita ito.
“Ma! Pa! Top 1 po ulit ako ngayong third year ko!” nakangiting sabi ni Stef pagbukas pa lang ng pinto ng opisina ng kanyang mga magulang.
“Congrats, anak!” sagot ng kanyang tatay na nakatitig sa kompyuter.
“Anak, usap tayo mamaya ha, may kausap lang ako sa telepono,” sambit ng kanyang nanay at lumayo muna ng saglit para bumalik sa kausap.
Labis na nasaktan ang dalaga at inaasahan niya nang talagang hindi na naman pupunta ang kanyang mga magulang.
Sa araw ng kanilang recognition, si Stef lang ang hindi nakangiti. Sa katotohanan, mula nang paggising niya ng araw na iyon ay kunot na agad ang noo niya.
At gaya ng dati, yaya na naman niya ang nagsabit sa kanya ng kanyang medalya. Kahit nasa entablado at nasa harap ng maraming tao, hindi na napigilan ni Stef ang pag-iyak dahil sa sobrang sakit ng nararamdaman.
Kaya naman imbis na umuwi deretso sa kanila ay pinili niyang maglayas.
“Pwede ba akong makituloy muna dito sa inyo, Rose?” tanong niya sa kanyang kaibigan.
“Oo naman Stef, halika, dun tayo sa kwarto ko,” pag-aya ng kaibigan.
“Pero baka hanapin ka ng mga magulang mo. Tawagan mo kaya muna sila?” dagdag ng kanyang kaibigan.
“Imposible. Hindi nila ako hahanapin. Lagi nga silang wala eh. Panigurado, hindi pa nila alam na lumayas ako,” umiiyak na sabi ni Stef.
Ilang oras siyang nasa bahay ng kaibigan bago tuluyang napansin ng kanyang mga yaya na hindi siya umuwi ng kanilang bahay. Agad nilang tinawagan ang mga magulang ni Stef para ipaalam ang paglalayas ng kanilang anak.
Parang nabuhusan ng malamig na tubig ang mag-asawa nang marinig na “nawawala” ang kanilang anak. Nang muli silang magkita-kita, iyak ng iyak ang kanyang nanay.
“Anak! Bakit ka naman naglayas? May problema ka ba? Sabihin mo sa amin ng papa mo.. Nandito lang kami,” aniya.
“Talaga ba ma? Nandyan lang kayo ni papa? Bakit parang hindi naman totoo? Nasaan kayo kapag kailangan ko talaga kayo? Mas madalas ko pa ngang kasama si yaya ‘di ba kaysa sa inyo? Yun ang problema ko ma – lagi kayong wala!” umiiyak na sagot ng dalaga.
“Pero anak, lagi kaming nasa trabaho ng mama mo, at para sa iyo din yun, para maibigay namin ang lahat ng kailangan at gusto mo,” sagot ng kanyang tatay.
“Hindi ko kailangan ng mga materyal na bagay, pa. Ang kailangan ko, yung nakakasama ko ang mga magulang ko,” humahagulgol na sabi ni Stef.
Natahimik ang kanyang mga magulang at labis silang nasaktan sa katotohanang sinabi ng anak. Humingi ng kapatawaran ang mag-asawa at nangakong magbabago.
Makalipas ang isang taon, dumating na ang araw ng graduation ni Stef sa ika-apat na taon sa high school. Labis ang kanyang kasiyahan ng makita ang parehas niyang magulang na manonood sa kanya habang siya’y magsasalita sa harap ng ibang mga kaklase, guro at ibang mga magulang – siya ang Valedictorian ng klase niya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!