Hindi Pinagbigyan ng Lalaki ang Kanyang Kaibigan sa Hiling Nito, Hagulgol Siya nang Malamang Huli na ang Lahat
Para kay Ben ay napaka-importanteng kaibigan ni Loki. Magkaklase sila mula kinder hanggang high school. Hindi na niya mabilang ang masasaya nilang pinagdaanang magkaibigan. Kahit pa naghiwalay na sila ng landas dahil magkaiba na sila nang pinasukang kolehiyo ay hindi pa rin sila nakakalimot sa isa’t isa.
“Kumusta, p’re? Anong kurso ang kinuha mo?” tanong ni Loki.
“Engineering ang kinuha ko, p’re. Ikaw ba?”
“Fine Arts! Alam mo naman na iyon ang hilig ko ‘di ba?” anito.
“Ayos iyan, tama lang na iyan ang napili mo dahil matagal mo ng pangarap na maging tanyag na pintor,” sabi ni Ben sa kaibigan.
“Salamat, p’re! Ikaw lang talaga ang nakakaintindi sa akin.”
Kahit magkalayo ang dalawa ay puno pa rin sila ng damayan, tawanan, awayan, kasayahan at kalungkutan at maging sa usaping pag-ibig. Naglalabas rin sila ng mga saloobin tungkol sa naging experience nila sa babae.
“Akala ko kasi mahal din niya ako, e. Iyon pala ay ginawa lang pala niya akong panakip-butas,” pagtatapat ni Loki kay Ben ng tungkol sa babaeng nanloko sa kanya.
“Sinabi ko na sa iyo pero hindi ka naniwala. ‘Di bale, marami pa namang babae diyan, p’re. Darating din ang nakalaan para sa iyo,” payo ng lalaki sa kaibigan.
“Dapat pala ay nakinig ako sa iyo. Mula ngayon ay ikaw na ang gagawin kong love advisor para hindi na ako muling masaktan,” anito. Nagagawa pa ng lalaking magbiro kahit heartbroken na ito.
Kahit pinag-uusapan nila ang tungkol sa love life ay pagsisikap pa rin na makapagtapos sa pag-aaral ang una sa listahan nilang magkaibigan para maabot ang kanilang mga pangarap. Hanggang sa nakapagtapos sila sa kolehiyo at nagkaroon na ng kanya-kanyang trabaho. Dahil sa sobrang abala nila sa kanilang trabaho ay halos tatlong taon silang walang komunikasyon ni Loki.
Isang araw, biglang tumawag si Loki sa kaibigang si Ben. Nag-iimbita ito na magkita sila.
“Uy, p’re kumusta ka na? Tagal nating hindi nakapag-usap at nagkita ah! Pabalik na ako galing Kuwait kaya magkakaroon na ulit tayo ng bonding. Kita naman tayo! Kailan at saan tayo maaaring magkita?” tanong ng kaibigan.
“Hey, tagal mong hindi nagparamdam ha? Sige game ako diyan, kaso medyo busy ang schedule ko ngayong linggo, e. Puwede bang i-reschedule natin?” sabi ni Ben.
Sa una ay napaka-excited ni Ben na makita at makakuwentuhan ang kaibigan, kaya lang sa sobrang busy ng skedyul niya dahil sa meeting niya sa isang kumpanya sa susunod na linggo ay hindi niya napagbigyan ang kaibigan.
Nang sumunod na linggo ay muling tumawag si Loki kay Ben. Nagpupumilit ulit itong magkita sila pero ang sabi ng lalaki ay may aasikasuhin siyang importante.
“Hello, p’re baka naman puwede ka na ngayong Sabado? May bagong bukas na bar sa Pasig, Puntahan natin!” yaya ng kaibigan.
“Sa Sabado? Naku may aasikasuhin akong kliyente sa araw na iyon kaya hindi ako puwede. Bawi na lang ako p’re sa susunod.”
Sinabi na lang ni Ben na sa susunod na buwan na lang sila magkita. Siguradong hindi na siya abala sa mga ginagawa niya. Naintindihan naman siya ng kaibigan at pumayag sa gusto niya.
Pero sumapit ang ipinangakong araw at busy pa rin si Ben sa trabaho. Imbes na tumawag ay nag-text na lang sa kanya si Loki.
“P’re, siguro naman available ka na ngayon linggo. Gustung-gusto na kitang makita, miss na miss ko na ang bonding natin at inuman,” wika ng lalaki sa text.
“Pasensya na pero marami kaming trabaho ngayon, e. May tinatapos kaming mahalagang proyekto kaya wala akong panahon na maglibang,” sagot niya rito.
Tinanggihan na naman ni Ben ang hiling ng kaibigan.
Nang sumunod na linggo ay may nag-text na naman sa kanya, pero hindi si Loki kundi ang isa nilang malapit na kaibigan na si Jomari.
Laking gulat niya nang basahin niya ang mensahe sa text.
Ben, wag ka mabibigla, wala na si Loki. Inatake siya sa puso habang umiinom na magisa sa bar nung nakaraang gabi. Malala na pala ang sakit niya sa puso pero hindi niya sinabi sa atin. Sana makapunta ka sa burol niya sa bahay nila sa Cainta.
Jomari
Halos manikip ang kanyang dibdib at hindi rin niya napigilan na maiyak. Hindi siya makapaniwala sa kinahantungan ng kaibigan.
“Patawarin mo ako, p’re. Hindi man lang kita pinagbigyan,” wika ng lalaki habang patuloy na dumadaloy sa pisngi ang masaganang luhang nagmumula sa mga mata.
Nagkita din sila sa wakas ni Loki ngunit sa isa ng burol. Nagkita silang magkaibigan pero nasa loob na ito ng kabaong. Sobrang sakit ang naramdaman ni Ben sa mga sandaling iyon, lalo na habang ginugunita niya ang mga panahon na magkasama sila: tawanan, kuwentuhan ng mga kung anu-anong bagay.
Labis ang pagsisisi niya na hindi niya napagbigyan ang simpleng hiling ng kanyang kaibigan. Hindi rin niya ito nadamayan nang malamang malala na pala ang sakit nito sa puso. Todo ang hagulgol niya sa harap ng kabaong ng kaibigan at kung pinagbigyan lang sana niya ito ay di sana ay nagkita sila at nagkausap. Nabigyan pa sana siya ng pagkakataong makasama ito kahit sa huling sandali ng buhay nito.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!
.