Inday TrendingInday Trending
Pangako, Babalik Ako

Pangako, Babalik Ako

Isang araw makalipas ang graduation nina Joyce at Vince sa highschool ay malungkot na hinatid ng dalaga ang kanyang nobyo sa airport dahil sa biglaang desisyon ng mga magulang nito na pag-aralin si Vince sa ibang bansa.

“Mag-iingat ka doon ha? Palagi kang tatawag. Palagi kang magsesend ng picture mo sa akin ha,” naiiyak na bilin ni Joyce habang yakap-yakap ang binata.

“Oo naman. Siyempre lagi kitang babalitaan. Mag-iingat ka rin ha? Mamimiss kita. Pangako, sa pagbabalik ko, sisiguraduhin kong mabibigyan na kita ng magandang kinabukasan,” pamamaalam ni Vince habang dahan-dahang bumibitaw sa mga yakap ni Joyce.

“Babalikan mo ako ha,” mahinang sabi ni Joyce. Pagkatapos ng kanilang munting pag-uusap ay tuluyan ng umalis si Vince papuntang ibang bansa.

Pagkarating na pagkarating ng binata sa Canada ay sinalubong siya ng kanyang mga magulang.

“Ma! Pa!” masayang sigaw nito na halos ikawala ng kanyang kalungkutan dahil sa pagkaka-walay sa kanyang nobya.

“Vince! Kamusta ang b’yahe mo? Miss na miss ka namin ng daddy mo,” sagot ng ina nito habang nakayakap sa anak.

“Oo nga. Ang laki mo na, Vince. Apat na taon ka namin na hindi nakita dahil abala kami sa trabaho para makapag-aral ka,” sabi ng ama nito.

“Kaya nga po e. Muntik ko na kayong makalimutan,” natatawang sabi ni Vince sa mga magulang. Natawa naman bigla ang pamilya. Matapos ay nagkayayaan silang kumain sa labas upang mag-selebra sa muli nilang pagsasama-sama.

“Ma, sobrang ganda naman dito. Pwede po bang habang nag-aaral ako ay nagtatrabaho na rin? Para kahit papaano’y may sarili akong pera at hindi na hihingin ang lahat sa inyo,” nakangiting tanong ni Vince. Nagulat naman ang mga magulang nito dahil desidido talaga ang binata na magtrabaho. Agad nilang tinanong ang manager ng kainan at masayang ibinalita sa kanila na tumatanggap pa sila ng isang waiter. Natuwa naman ang binata sa balitang kanyang natanggap.

Ilang linggo ang lumipas at inasikasong maigi ng binata ang mga papeles na kailangan sa pagtatrabaho niya. Naging mabilis ang proseso dahil agad naman siyang nagustuhan ng may-ari ng kainan.

“Ma, tanggap na ako bilang waiter dun sa kinainan natin noong nakaraan,” masayang balita nito.

“Talaga ba? Oh galingan mo ha? Para taasan kaagad nila ang sahod mo. Tsaka ang alam ko, pag talagang mahusay ka, nagbibigay sila ng tip,” sagot naman ng ina. Dumeretso ang binata sa kanyang kwarto para kausapin ang kanyang nobya.

“Hi, love. Kumusta ka na? Ok ka lang diyan? Alam mo ba, natanggap ako sa trabaho kanina. Kaya habang nag-aaral ako, kumikita ako ng pera. Tapos uuwi ako dyan para sa’yo,” agad nitong binanggit pagkasagot agad ni Joyce ng kanyang tawag.

“Talaga? Buti may nahanap kang work d’yan. Dito wala akong trabaho kaya tumutulong-tulong lang muna ako sa bahay,” sagot naman ng dalaga. Habang nag-uusap ang dalawa’y unti-unting naluha si Joyce dahil sa pangungulila sa nobyo.

“Oh bakit ka umiiyak?” nag-aalalang tanong ni Vince subalit binabaan siya ni Joyce ng tawag. Pagkalipas ng tatlong taon ay patuloy na pinagsasabay ni Vince ang pag-aaral at pagtatrabaho. Si Joyce naman, habang nag-aaral ay nakahanap ng oportunidad na makapagtrabaho sa isang call center kaya naman nawalan na ito ng oras na madalas makipag-usap sa kanyang nobyo.

“Good morning,” bati ni Vince sa kanyang nobyo gamit ang social media subalit hindi siya nakatanggap ng reply mula sa dalaga. Kahit ganoon ay patuloy pa rin ang pagasa ng binata na mayroon pa rin siyang babalikan sa Pilipinas kaya ibinaling niya ang kanyang atensyon sa pag-aaral at pagtatrabaho para mapabilis ang oras bago niya makita si Joyce.

Natapos ang limang taon na pag-aaral ni Vince kaya napagdesisyunan na nitong umuwi sa Pilipinas para balikan ang kanyang nobya.

“Mama, papa, next week na po ang flight ko pauwing Pilipinas. Nakapagresign na rin po ako sa trabaho ko at naintindihan naman po nila ang rason ko,” sabi ni Vince sa kanyang mga magulang.

“Ayos lang anak. Naiintindihan ka namin. Masaya kami dahil marunong ka nang magdesisyon para sa iyong sarili,” nakangiting sagot naman ng ina.

“Basta kung may kailangan ka o may problema, lagi kaming makikinig sa iyo,” singit ng ama nito.

Isang linggo ang makalipas nang ihatid si Vince ng kanyang mga magulang sa airport. Nang makarating ito sa Pilipinas ay palihim nitong pinuntahan ang bahay ni Joyce.

“Tao po?” mahinang sabi ng binata habang kinakatok ang pintuan ng bahay ni Joyce. Sakto naman na ang ina nito ang sumagot kaya hinatak niya ito bigla.

“V-vince? Kailan ka pa nakauwi?” gulat na tanong ng ina ni Joyce.

“Kanina lang po, kailangan ko po ng tulong niyo tungkol sa anak niyo,” nakangiting sagot ng binata. Makalipas ang ilang minuto ay pumasok na ang ina ni Joyce habang nagaantay naman sa labas si Vince.

“SUNOG SUNOG!” sigaw ng ina kaya nagmadaling lumabas ng bahay ang kanyang anak. Nagulat nalang ito ng makita ang binata na nakaluhod sa kanyang harapan at nakangiti sa kanya.

“Hi Joyce. Will you marry me?” abot langit na sabi ng binata. Naiyak naman ang dalaga at agad na niyakap ang nobyo.

“Anak, may tanong sa’yo si Vince. Hindi mo ba sasagutin?” natatawang tanong ng mga magulang ni Joyce.

“Mama naman e. Vince, yes. Payag ako na pakasalan ka,” masayang sagot ng dalaga rito. Agad na tumayo ang binata at niyakap ang kanyang nobyo. Natuwa rin ang mga magulang ni Joyce dahil botong-boto sila sa relasyon ng dalawa.

Dahil sa magandang tinapos ni Vince sa ibang bansa ay nakahanap kaagad siya ng magandang trabaho sa Pilipinas. Ginamit din niya ang lahat ng perang naipon sa pagtatrabaho bilang waiter upang makapag-downpayment sa isang magarang bahay na titirhan nilang bagong mag-asawa.

Buong akala ng lahat ay hindi uubra ang LDR o long distance relationship sa magkasintahang ito. Bukod sa madalang na pag-uusap ay siyempre’y walang lambingan kapag magkalayo ang dalawang tao. Pero sila ang nagpatunay na maaari itong umubra kung pareho kayong magtitiwala sa isa’t isa.

Natutunan ng dalawa na ang tunay na pagmamahal ay marunong maghintay sa tamang panahon.

Advertisement