Inday TrendingInday Trending
Parang Awa Mo Na, Akitin mo ang Nobyo Ko

Parang Awa Mo Na, Akitin mo ang Nobyo Ko

Limang taon nang magkasintahan itong si Vanessa at Byron. Sa limang taong ito, araw-araw ay mas lumalalim pa ang pagtingin ng binata sa nobya. Ngunit kabaliktaran naman ang nararamdaman ng dalaga. Nitong mga nakakaraang araw ay nararamdaman niyang unti-unti nang naglalaho ang dating matamis niyang pagtingin sa binata.

Isang gabi, mainit ang ulo ni Vanessa dahil napagalitan na naman sya ng boss niya sa pinapasukang trabaho. Hindi kasi nito natapos ang mga papeles na pinapa-asikaso sa kanya kaya nakatanggap na naman siya ng bulyaw nito. Nang sunduin siya ng nobyo sa labas ng opisina, agad niyang naibuhos ang init ng ulo sa kawawang binata.

“Kumusta, babe? Ang ganda mo pa rin kahit buong araw kang pagod sa opisina,” bati ni Byron sa kanya sabay kuha ng bag ng dalaga.

“Kumusta? Tang*na, napagalitan na naman ako! E kung mayaman ka lang kasi e ‘di sana’y hindi ko na kailangan magtrabaho! Bwisit!” nakabusangot na sagot nito sabay para ng taxi.

Napatahimik na lang ang binata dahil sanay na siya sa ganoong pag-uugali ni Vanessa. Ngunit nagbago ang timpla ng eksena nang biglang magsalitang muli ang dalaga.

“Ayoko na. Maghiwalay na tayo,” matigas nitong sabi habang nasa loob ng taxi.

“Ha? Bakit? Hindi naman pwedeng bigla-bigla kang magsasabi ng ganyan,” malumanay na sabi ni Byron habang pilit na hinahawakan ang kamay ng dalaga.

“Anong hindi pwede?! Diyos ko naman, Byron! Kita mo, ilang taon na tayo pero wala ka pa ring maipagmamalaki sa akin? Isinusubsob mo ‘yang sarili mo sa pagtatrabaho sa walang kwentang kompanya na ‘yan, e mas malaki pa ang sinasahod ko sa’yo! Paano mo ako bubuhayin niyan?!” bulyaw ni Vanessa na hindi man lang nahiya sa kuyang taxi driver na nakikinig sa usapan nila.

“Ginagawan ko naman ng paraan para makapag-ipon e. Saka alam mong plano kong mangibang bansa ‘di ba? Please, babe, bigyan mo pa ako ng pagkakataon. Maipagmamalaki mo rin ako,” pagsusumamo ni Byron.

“Bobo! Bwiset ka talaga. O heto, pambayad ng taxi! Manong, bababa na ako! Hayan ang pambayad at baka walang pambayad ‘yang lalaki na ‘yan!” sigaw ni Vanessa sabay baba ng taxi.

Agad naman siyang hinabol ng nobyo at muling nagmakaawa. Sa totoo lang, nakuha si Vanessa sa pagiging napakalambing, matapat, at mapagmahal na nobyo nitong si Byron. Kahit salat sa pera, madalas itong bumawi sa pag-aalaga niya sa babae. Araw-araw pa nga itong hinahatid sundo sa opisina sa loob ng limang taon nilang pagsasama. Gayunpaman, para kay Vanessa, mas praktikal na humanap na siya ng lalaking magbibigay sa kanya ng maginhawang buhay.

Natapos ang gabing iyon at nakumbinsi ni Byron si Vanessa na huwag makipaghiwalay sa kanya. Laking ginhawa ng lalaki nang pumayag ang dalagang bigyan muli siya ng pagkakataon. Ngunit ang hindi niya alam ay may plano na pala ito para sa kanya.

Kinabukasan, nakipagkita si Vanessa sa matalik na kaibigang si Jennifer. Mestisa, mahinhin, mabait at maalalahanin. Ilan lamang iyan sa mga katangian ng dalaga. Kaya laking gulat niya nang siya ang lapitan ni Vanessa upang mahingan ng kakaibang tulong.

“Please, Jennifer! Maganda ka, sexy, mabait! Mabilis lang ‘to sayo! Parang awa mo na, akitin mo ang nobyo ko!” pagmamakaawa ni Vanessa rito.

Ipinaliwanag niyang kahit anong gawin niyang pagtataboy sa binata ay hindi siya nito mahiwalayan. Kaya’t ang tanging naisip niyang paraan ay gawing kakuntsaba ang kaibigan upang palabasin na nanloloko ang kanyang tapat na kasintahan.

“Grabe ka! Ang bait bait ni Byron sa’yo! E halos ialay na nun ang buong pagkatao niya para lang maalagaan ka e. Tapos gaganyanin mo,” sagot ni Jennifer sa kaibigan.

“Please lang! As in sobrang laki ng utang na loob ko sa’yo kapag ginawa mo ito. Isang beses lang! Pag nakuhanan kayo ng litrato, iyon ang gagamitin ko laban sa kanya para hindi na niya ako kulitin pa. Pwede ko pa siyang sampahan ng kaso kapag nangulit siya,” ani Vanessa.

Wala nang nagawa si Jennifer kundi sumunod sa mga kagustuhan ng kanyang kaibigan.

Kinabukasan, laking pagtataka ni Byron nang magtext sa kanya si Jennifer upang yayain siyang kumain sa labas. Gayunpaman, sumama siya rito dahil ayon sa babae ay may mahalaga siyang sasabihin tungkol kay Vanessa.

Nang makarating sa restawran, nakamatiyag sa labas nito si Vanessa dala ang kanyang camera. Halos magtatalon ito sa tuwa nang makitang ilang minuto pa lamang ng pag-uusap ay bigla nang naghalikan ang dalawa.

“OMG! Ang galing ni Jennifer ha?! Hindi ko akalaing magiging ganito ito kabilis,” natatawa pang sabi ni Vanessa sa sarili habang walang humpay ang pagkuha ng litrato.

Kinagabihan, nagulat si Vanessa sa natanggap na text mula sa nobyo niya.

“Vanessa? Sorry, pero sige, pumapayag na akong maghiwalay tayo. Sana ay maging masaya ka na,” ani Byron.

Sa mga unang araw ay masayang-masaya ang dalaga dahil sa wakas ay malaya na siya mula sa dukhang jowa niya. Ngunit, nang lumipas ang ilang linggo ay tila napalitan ito ng matinding lungkot, selos, at panghihinayang. Isang araw kasi ay nakita niyang magkasama sa isang mall si Byron at ang kaibigan niyang si Jennifer.

“Aba, umepekto nga ang ginawa ko? Bakit ang bilis? Saka bakit parang nagkakamabutihan nga sila?” isip-isip ni Vanessa habang naglalakad pauwi. Hindi na niya napigilan pa at tinawag niya si Byron upang agad na makipagkita.

“Hoy, lalaki! Bakit ang bilis mong makalimot sa akin? Hindi mo siguro ako minahal talaga ano? At ikaw, Jennifer! Bakit parang sineryoso mo na ata ang plano nating panloloko rito kay Byron?!” nanggigigil na sabi ni Vanessa sa dalawa.

“Tumigil ka nga, Vanessa. Napakalakas ng boses mo. Nakakahiya,” ani Jennifer.

“Wow! Ako pa ang nakakahiya?!” sigaw ni Vanessa sabay umakmang sasabunutan si Jennifer. Ngunit natigilan siya nang biglang sumigaw si Byron.

“Ano? Masakit ba? Ikaw ang tinalbugan ng masama mong plano ‘no? Noong nakita mo kaming naghahalikan ni Jennifer, lahat ng iyon ay pag-arte lamang!” paliwanag ni Byron kay Vanessa.

“Hindi ko kasi masikmura ang gagawin mong pananakit sa taong nagmamahal sa’yo ng lubos. Kaya ikinuwento ko ang lahat sa kanya. Vanessa, walang namamagitan sa amin. Magkaibigan lang kami at dinadamayan ko lang siya sa sakit na dinulot mo sa kanya,” sabad ni Jennifer.

Kaya pala magkasama si Jennifer at Byron noong araw na iyon ay nais sanang ipaabot ni Byron ang mga natitirang gamit ni Vanessa sa kanyang bahay.

“G- ganoon ba? So- sorry, Byron. Mahal na mahal kita. Ngayon ko lang napagtanto. Mahal na mahal kita. Sorry na!” umiiyak na sabi ni Vanessa nang mapagtanto ang lahat ng panghihinayang niya.

“Sorry, Vanessa. Pero hindi ko na kaya. Ibinigay ko ang buo kong pagkatao sa iyo. Pero wala akong ibang natanggap kundi pangmamaliit at pangbabastos mo sa akin. Pasensiya ka na, pero natutunan ko nang mahalin at pahalagahan ang sarili ko,” sambit ni Byron sabay labas ng restawran.

Naiwan doon si Vanessa at Jennifer. Labis ang awang naramdaman ni Jennifer sa kaibigan kaya naman agad niya itong niyakap ng mahigpit.

“Patawarin mo ako Jennifer kung sinubukan pa kitang gamitin sa masamang plano ko. Naging masama akong nobya kay Byron. Nararapat lang sa akin ito,” umiiyak na sambit ni Vanessa.

Agad namang pinatawad ni Jennifer ang kanyang kaibigan. Tinulungan niya na lamang ito na makabangon, at higit sa lahat ay magbago upang hindi na maulit pa ang ganoong karanasan niya sa pag-ibig.

Advertisement