Inday TrendingInday Trending
May Kulasisi Ka na Naman?

May Kulasisi Ka na Naman?

Si Mitch ang tipo ng misis na martyr. Kahit nasasaktan na, go lang nang go. Katwiran niya, ganoon naman ang nagmamahal- nagsasakripisyo.

Anim na taon nang nagsasama si Mitch at si Dave, may isang anak silang babae na ang pangalan ay Danica, isang taong gulang pa lamang ito.

Kahit noong wala pa silang anak ni Dave ay lagi na siyang sinasaktan ng lalaki, hindi pisikal ngunit emosyonal. Gaya nalang ng pagpapabaya nito sa kanya dahil may iba na naman iting kinalolokohang babae. Kapag nahuhuli niya ito ay nag eempake siya at nagsasabing lalayas na pero kaunting luha lang naman ni Dave, maniniwala na naman siya. Oo, ganoon niya kamahal ang asawa.

Ang sinasabi nitong hindi na mauulit ay hindi naman natutupad dahil palala pa nga nang palala ang mga kalokohang ginagawa nito. Katulad nalang ngayon, kaunti lang ang natira sa sahod nito. Kesyo ipinangbayad raw sa utang. Kinukutuban si Mitch na nagsisinungaling ang lalaki.

“Ang laki naman yata ng naging utang mo Dave at ito nalang ang naibigay mo para sa’min ng anak mo,” angal niya.

“Ano bang magagawa ko? Magpasalamat ka nalang na may natira pa!” galit nitong wika.

“Wow! Salamat ah, salamat kasi wala na akong maipa-dede sa anak mo. Salamat talaga,” sarkastiko niya sambit.

May dapat pa ba siyang ipagpasalamat sa nangyari? Anong mabibili niya sa limang daang piso? Naiinis na tinitigan niya ang lalaking ngayon ay abala sa pagpindot ng cellphone. May kalokohan na naman itong ginagawa, ayaw man nitong aminin.

Isang araw ay hindi umuwi si Dave sa bahay nila dahil ang katwiran nito’y mago-overnight na lamang sa trabaho, may maagang meeting raw bukas sa kumpanya. Pumayag ang kanyang bibig ngunit iba ang tinatakbo ng kanyang isipan.

Nago-over night ang asawa, pero kapag sumasahod ito ay kaunti na lamang ang natitira sa kanya. Nang matapos ang tawag ay binihisan niya ang kanyang anak na si Danica, hinanda ang mga dapat gamitin nito katulad ng tatlong pirasong damit at gatas. Balak niya itong iwanan muna saglit sa kanyang tiyahin na malapit lang sa bahay nila nakatira. Titingnan niya si Dave kung totoo nga bang nandoon sa opisina.

Ilang oras lang ay nasa mismong tapat na siya ng pinagtatrabahuan ni Dave, tahimik na ang lugar at wala ng katau-tao. Maliban sa gwardiyang nakatayo sa pintuan ng employee entrance. Nilapitan niya ito upang tanungin.

“Guard, pwede bang magtanong?” nakangiti niyang bungad sa gwardiyang abala sa sinusulat.

“Ano po iyon Madam?”

“May dala kasi akong pagkain para sa mister ko. Si Mr. Dave Loyzaga, pwede bang pakitawag sa kanya? Ibibigay ko lang ito,” aniya.

“Naku, mukhang wala na yatang natitirang empleyado sa loob ng building Madam. Kami nalang pong mga gwardiya,” anito.

“Sigurado ka ba?” pakiramdam niya ay bigla siyang nanlamig sa nalaman. Nagsisinungaling sa kanya ang asawa, kung gano’n ay saan ito nagpunta?

“Opo Madam, pero teka para po sure tingnan natin sa employee’s record kung nakapag-out na po ba ang asawa ninyo,” wika ng gwardiya at hinanap ang pangalan ng asawa niya. Maya maya pa ay nagsalita ito. “Opo, nakapag-out na po siya. Mula pa noong 7pm.”

“Ahh, sige guard salamat.” alas syete pa umuwi si Dave, saan ito nagpunta at sino ang kasama nito?

Dahil sa nangyari kaya isang gabi ay minanmanan niya si Dave kung saan ito nagpupunta lalo na kapag sinasabi nitong mag-oover night. Alas sais palang ay inaabangan na niya ang paglabas ng asawa. Tama nga ang kanyang hinala na may kinalolokohan na naman itong babae. Magkahawak kamay pa ang mga ito habang naglalakad at sweet na sweet ang asawa niya sa babaeng akala nito’y isang prinsesa.

“Mga taksil!” bulong niya sa sarili.

Hanggang sa marating niya kung saan na talaga umuuwian ang kanyang asawa kapag wala ito sa bahay nila. Huminga muna siya ng malalim at hinanda ang sarili sa gagawing eskandalo. Minsan man ay hindi niya nagawang mang-eskandalo kahit na harap-harapan na rin siyang niloloko noon ni Dave, pero punong-puno na kasi siya. Nang handa na ay nagsimula siyang maglakad at kumatok sa gate na pinasukan ng asawa at babae nito.

“Sino sila?” tanong ng kasambahay.

“Asawa po ako ni Dave, nakita ko kasi ang asawa ko na pumasok rito.”

Pumasok ito sa loob at maya maya ay nagsilabasan ang lahat ng tao sa loob ng bahay na sa tantiya niya ay pamilya ng babae kasama na roon si Dave at ang babaeng kasama nito kanina.

“Ah, dito ka pala nago-over night Dave, dapat sinabi mo naman para aware naman ako sa kagaguhang ginagawa mo.” kausap niya rito na naririnig ng lahat dahil sinasadya niyang lakasan ang boses.

“Manahimik kana Mitch!” pigil nito ang galit dahil sa ginawa niya. Ngali-ngali nitong binuksan ang gate at akmang hihilain siya palayo.

“Bakit? Saan tayo pupunta?”

“Uuwi na!”

“Ayoko!” hinila niya pabalik ang kamay at saka hinarap ang pamilya ng babae. “Hello po, ako nga po pala si Mitch, ang asawa ni Dave. Sa katunayan, hindi ko pa pala siya asawa dahil live-in partner ko lang naman siya, pero may isang anak po kami.” mahinahon niyang pakilala sa sarili. Hinihila siya ni Dave ngunit buong lakas niya iyong hinihila pabalik.

“Tama na iyan Mitch, nanggugulo ka lang rito e.”

“Hindi, hindi ako manggugulo Dave. Pinapakilala ko lang sa kanila ang sarili ko, panggugulo na ba iyon? At saka, mas maiging dito tayo mag-usap. Iyong nakikita nila at nakikita ng babaeng ipinagpalit mo na naman sa’kin,” nagsisimula nang umagos ang kanyang luha. “Ilang beses kitang pinapatawad Dave, at handa akong gawin iyon ng paulit-ulit dahil ayaw kong magkaroon ng wasak na pamilya ang anak natin. Pero sagad na sagad na ako, sagad na ako sa paulit-ulit mong panloloko. Napagisip-isip ko, aanhin ko ang isang buong pamilya kung lagi lang naman akong sinasaktan ng asawa ko?”

“Umuwi na tayo Mitch, sa bahay na tayo mag-usap.”

“Hindi! Wala kanang uuwiang bahay, dahil simula ngayon ay ibibigay na kita sa babae mo,” nilingon niya ang babaeng ngayon ay nakatingin lamang sa kanila. “Dito kana, di ba dito ka naman masaya? Ayoko ng tanggapin ang taong manloloko, dahil paulit-ulit mo nalang akong niloloko at sagad na sagad na ako sa mga ginagawa mo. Simula ngayon kalimutan mo na kami dahil ayaw na kitang makita!” saka naman niya nilingon ang pamilya ng babaeng nakiki-usyoso parin sa kanila hanggang ngayon.

“Sana ay huwag niyang gawin sa anak ninyo ang ginagawa niya sa’kin. Simula ngayon ay ibinibigay ko na sa inyo ang lalaking ito.” iyon lang at walang lingon-likod siyang umalis sa bahay na iyon.

Huwag aabusuhin ang mga taong mapagmahal at mabait. Dahil maniwala ka, mas nakakatakot sila pag napuno at nagalit.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement