Inday TrendingInday Trending
Tanggap Naman Raw Siya ng Kaniyang Magulang Kahit nga Iba ang Kaniyang Kasarian, Ngunit Bakit Lumuluha ang Kaniyang Ina?

Tanggap Naman Raw Siya ng Kaniyang Magulang Kahit nga Iba ang Kaniyang Kasarian, Ngunit Bakit Lumuluha ang Kaniyang Ina?

“Ma, baka gabihin ako ng uwi ha. Makikipag-inuman lang ako sa mga barkada ko, sakto naman kasing wala akong pasok kaya magha-happy happy muna ako,” wika ni Regine, nag-iisang lesb*yanang anak ni Aling Dhelia.

“Anak, sunod-sunod na yata ang pag-inom mo, baka naman masobrahan ka na,” pigil naman ng ale.

“Hayaan mo na ako, ‘ma, iniwan na kasi ako ulit ni Tonya, naghanap ng lalaki! Tangin*ng pag-ibig talaga ‘to, nakakabaliw!” giit muli ni Regine sa kaniyang nanay saka ito lumabas sa kanilang pintuan na walang paalam.

Hindi naman na sumagot pa ang ale at tinitigan na lamang niya ang litrato ng kaniyang asawa na pumanaw na.

Hindi kailanman naging problema kina Aling Dhelia at sa yumao nitong asawa ang piniling kasarian ng kanilang anak. Nariyang sinuportahan nila ito sa lahat ng hilig at pangarap nito sa buhay. Para sa kanila ay anak pa rin naman daw nila si Regine kahit nga kapwa babae ang gusto nito.

“Alam mo, Regine, swerte ka kasi sa magulang mo kaya siguro malas ka sa pag-ibig!” wika ni Paola, kaibigan ng babae.

“Ewan ko ba, mayaman naman kami, may pera at hindi naman masama ang itsura ko pero bakit iniiwan pa rin ako ng mga babae. Mukhang tatanda na lang siguro akong magbibilang ng pera,” pabirong sagot ni Regine sa kaibigan niya. Hanggang sa inabot na sila ng umaga sa kakainom at doon na rin siya nakatulog. Halos ganito lamang ang buhay ni Regine, papasok siya sa restawran nila kung kailan lamang niya gusto at dahil malakas ang kanilang negosyo ay kaliwa’t kanan ang kaniyang paggastos.

Kinaumagahan nang makauwi siya sa kanila bahay, kaagad niyang hinanap ang kaniyang nanay.

“Ma, nandito na ako. May ulam na ba tayo? Gusto mong magluto ako?” wika kaagad nito ngunit wala siyang sagot na natanggap. Kaya nabahala si Regine at kaagad na sinilip ang kaniyang nanay na naabutan sa kwarto nitong umiiyak habang hawak ang litrato niya noong siya’y bata pa.

“Ma, bakit ka umiiyak? Anong problema?” usisa kaagad ng babae at saka lumapit sa kaniyang nanay.

“Nandiyan ka na pala, ‘nak, hindi ko na namalayan pa kasi hindi ka na naman umuwi kagabi,” sagot sa kaniya ng ale.

“Ano ngang problema bakit niyo po iniiyakan ‘yang picture ko?” iritableng tanong muli nito sa ale.

“Wala, ‘nak,” maikling sagot nito.

“Ano nga?! ‘Wag niyong sabihin sa’kin na ngayon niyo pa ako hindi tanggap kaya naman iniiyak niyo ‘yang litrato kong naka-gown,” baling muli ni Regine at sa pagkakataong ito ay binubulyawan na niya ang kaniyang nanay.

“Anak, hindi mo ako kailangan sigawan. Nanay mo pa rin ako, baka nakakalimutan mo,” biglang tapang ng boses ni Aling Delia sa kaniyang anak.

Saglit na nanahimik ang dalawa at naupo na lamang ito sa kama hanggang sa unang nagsalita si Aling Delia sa kaniyang anak.

“Noong nasa sinapupunan pa lang kita, hindi ko naman idinasal na maging ganyan ka dahil aaminin ko na babae at lalaki lang ang alam kong kasarian noon para sa anak ko. Pero hindi ko ipinagkait sa’yo ang mundo na pinili mo. Tinanggap kita, tinanggap ka namin ng tatay mo at alam mo ‘yan. Pero gusto ko rin sanang malaman mo na nag-aalala ako para sa’yo,” saad nito sa kaniyang anak.

“Nag-aalala na ano?” iritable pa rin ang boses ni Regine nang sumagot ito sa ale.

“Na baka walang mag-alaga sa’yo pag dumating ka na sa ganitong edad. Na baka walang magmahal sa’yo, wala kang makasama at baka dumating ang araw na maisip mo bakit hindi ka namin pinilit na magbago, na baka may pamilya ka na rin sana ngayon,” iyak ni Aling Delia sa kaniya.

Hindi malaman ni Regine ang isasagot sa kaniyang nanay dahil ngayon lamang niya ito narinig na nagsalita patungkol sa kaniya.

“Patawarin mo ako, ‘nak, kung nasabi ko ito. Nalulungkot lang talaga ako sa nangyayari sa’yo ngayon. Wala kang matinong relasyon at puro ka barkada’t alak. Hindi ko nagugustuhan ang ikot ng buhay mo. Ang pera kinikita at nauubos pero ang oras hindi na maibabalik pa. Sana, anak, nakikita mo ang punto sa mga sinasabi ko. Tanggap kita ay kung ano ka pero sana magkaroon ka ng magandang buhay at huwag mong sayangin ang oras na mayroon ka sa mundong ito,” dagdag pa ng kaniyang nanay.

Hindi na sumagot pa si Regine at niyakap na lamang niya ang kaniyang ina at maging siya ay naluha na rin. Ngayon niya lang din napansin na matanda na pala talaga ito dahil sa puti na ang lahat ng buhok ng ale at kulubot na kulubot na rin ang balat. Ngayon din siya nagising sa katotohan na magkwa-kwarenta anyos na siya ngunit wala pa rin magandang nangyayari sa kaniyang buhay.

Kaya naman kinaumagahan ay inayos niya kagaad ang sarili. Bumalik siya sa pag-aayos ng kanilang restaurant at mas nagsumikap pa lalo sa buhay. Hindi man siya nagbago ng kasarian ay nagbago naman siya ng disposisyon sa buhay. Napagdesisyunan rin niyang mag ampon ng bata at itinuring itong sarili niyang anak.

Advertisement