Grabe Kung Mang-Alipusta ng Kanilang Kasambahay ang Dalaga; Hindi Niya Inaasahan ang Ganti Nito sa Kaniya

“Sandra!” sigaw ni Kristal sa kanilang katulong. Nagkalat na naman ang mga gamit sa loob ng kwarto ng dalaga.

“A-ano po iyon Ma’am Kristal?” humihingal pang sagot ni Sandra sa amo. Galing pa kasi siya sa kusina at tinutulungan ang nanay niyang magluto ng hapunan.

“Alam mo ba kung nasaan yung imported na bag na bigay sa’kin ni Daddy? Yung beige?” naiirita niyang tanong sa katulong. Kanina niya pa kasi hinahanap yung bag na ‘yun kasi plano niyang gamitin sa lakad niya mamaya.

“Ah ma’am, kasi po…” biting sagot ng katulong sa kanya na mas ikinairita niya pa.

“Ano?!” sigaw pa ulit ni Kristal sa dalaga na ikinagulat nung huli.

“Ipinatapon niyo po kasi nung isang linggo pa po. Nung gabing dumating po kayo ng lasing,” nag-aalinlangan na sagot ng dalaga sa amo.

“Ano?! Tapos itinapon mo naman? Wala ka bang utak? Kahit kailan talaga ang tanga-tanga mo eh ‘no? Palibhasa wala kang pinag-aralan,” galit na asik ni Kristal sa katulong.

Madalas niyang pagsalitaan ng ganoon ang katulong kaya siguro nasanay na rin ito sa ugali niya. Matalas talaga ang dila niya lalo na kapag galit.

Advertisement

“Oh, ano pang tinatayo-tayo mo d’yan? Layas!” pagpapa-alis niya pa sa katulong.

Agad din namang umalis si Sandra at bumalik na lamang sa pagtulong sa kanyang Inay. Mabuti na lamang talaga at nasanay na siya sa masamang ugali ng amo.

“Anak, huwag mo namang pinagsasalitaan ng ganun si Sandra. Hindi ka dapat umaasta ng ganyan sa kanila. Mga tao din ang mga iyan. Paano kung ipinagpalit kayo ng sitwasyon at gawin din iyan sa iyo ni Sandra, ano sa tingin mo ang mararamdaman mo?” paulit-ulit na lamang ang pangangaral sa kanya ng kanyang ina simula noong bata pa siya. Sadyang matigas lang talaga ang ulo ng dalaga.

“Eh kasi naman po nakakainis!” asik niya sa ina. Tiningnan naman siya ng ina sa mata kaya wala na siyang nagawa kundi sumuko rito.

“Fine. I’ll try to be nicer to her,” sagot niya na ikinatuwa naman ng ina.

Lumipas ang mga araw at bagamat tumupad sa sinabi niya sa ina ay may mga pagkakataon pa ring nagsusungit at nagmamaldita ang dalaga sa katulong. Hanggang sa isang araw ay bigla na lamang natumba ang dalaga at nawalan ng malay. Nanlalamig ito at namumutla kaya naman agad nila itong sinugod sa ospital.

“Dok, kumusta po ang anak ko? Bigla na lang po siyang nawalan ng malay. Sobrang lamig po ng balat niya at namumutla din po siya. Ano po bang problema?” sunod-sunod na tanong ng ina ni Kristal sa doctor.

“Tatapatin ko na po kayo Misis, nanganganib po ang buhay ng anak ninyo. May sakit po siya sa dugo at kinakailangan niya ng madaming dugo para makaligtas. Ang problema nga lang po ay napaka-rare ng dugo ng anak ninyo at kasalukuyang wala po kaming stock ng Negative AB,” sagot ng doctor sa kaniya. Nanlumo naman ang ginang sa narinig.

Advertisement

Ito rin ang sakit na kumuha sa ama ng dalaga. Hindi siya makapaniwala na namana din ito ng anak. Napaluha na lamang sa narinig ang ginang.

“Negative AB din po ba ang blood type niyo Misis? Dahil kung ganun ay para masimulan na natin agad ang pagsasalin ng dugo,” dugtong pa ng doctor. Umiling naman ang ginang.

“Hindi po doc. Type O po ako. Ang asawa ko po ang kapareho ng dugo ng aking anak kaso matagal na niya na po kaming iniwan,” parang wala ng lakas na sagot ng ina sa doctor.

“Ganun ba? Mukhang mahihirapan tayo,” sagot ng doctor.

Hindi makapaniwala ang ina ni Kristal sa nangyayari sa kanila. Mawawala din sa kanya ang anak gaya ng pagkawala sa kanya ng kanyang asawa? Parang hindi niya yata kakayanin iyon. Ang anak na lamang ang kanyang nagsisilbing lakas upang bumangon at harapin ang buhay. Kung mawawala ito, paano na lamang siya mabubuhay pa?

Alam niya kung gaano kahirap maghanap ng blood donor ng Negative AB. Pinagdaanan niya na ito sa kanyang asawa dati. Nawawalan na ng pag-asa ang ina ni Kristal ng may nagsalita.

“Uhm… excuse me po. Ma’am pasensiya na pero sa tingin ko po ay makatutulong po ako,” hindi napansin ng ginang na nasa likuran niya na pala si Sandra. Bigla namang nabuhayan ng loo bang ginang sa narinig sa dalaga.

“Talaga Sandra? Paano?” agad niyang tanong sa dalaga.

Advertisement

“Negative AB din po ako. Pati din po ang nanay ko,” sagot naman ng dalaga. Nakahinga naman ng maluwag ang ginang sa narinig at nagpasalamat sa Diyos na nakilala at pinatuloy nila sa kanila ang mag-ina.

“Naku, hulog kayo ng langit ng nanay niyo. Maraming salamat Sandra,” umiiyak na pasasalamat ng ginang sa dalaga.

“Walang anuman po. Salamat din po sa lahat-lahat ma’am. Kung hindi niyo po kami kinupkop ng aking ina ay hindi din po namin alam kung nasaan na kami ngayon. Utang po namin ang buhay namin sa inyo,” nakangiting sagot ng dalaga sa kanya.

Gaya ng sinabi ni Sandra ay pareho silang naging blood donor ng kanyang ina kay Kristal. Hindi naging madali ang pagpapagamot ng dalaga pero dahil na rin sa tulong ng mag-ina ay naligtas naman ang buhay nito.

Tumagal ng ilang buwan ang pagpapagamot ni Kristal pero ligtas naman ang buhay niya kaya wala ng masyadong dapat ipag-alala.

“Patawarin mo sana ako sa mga nagawa ko sayo Sandra,” hinging paumanhin ni Kristal kay Sandra.

“Napakasama ko sayo pero niligtas mo pa rin ang buhay ko. Napakabuti mong tao,” hindi na napigilan pa ni Kristal ang kanyang mga luha sa pag-agos dahil bukal sa kanyang puso ang paghingi ng kapatawaran kay Sandra at ang pagpapasalamat rito.

“Huwag mo nang isipin iyon. Ang mahalaga ay ligtas ka na. Pwede naman tayong magsimula muli eh,” nakangiting sagot ni Sandra sa dalaga. Niyakap niya ito.

Advertisement

Nagpapasalamat din siya sa Diyos na niligtas Nito si Kristal sa kapahamakan at siya ang ginamit na instrumento Nito. Kahit papaano ay nakatulong din siya sa mga taong tumulong sa kanila ng nanay niya.

Pagkalipas pa ng ilang buwan ay tuluyan nang gumaling si Kristal. Tuluyan na rin itong nagbago. Labis ang kanyang pasasalamat sa mag-ina sa pagliligtas nito sa buhay niya. Sa ngayon ay hindi na kasambahay o ibang tao ang turing niya sa dalawa kundi pamilya na rin.