
Pinuna ng Dalawang Babae ang Babaeng Guwardiya na Nagpapad*de ng Sanggol; Hindi Pala Nito Anak ang Bitbit na Bata
“Madel, pag-isipan mo munang mabuti ang gagawin mo at baka mamaya ay pagsisihan mo ‘yan!” wika ni Beth sa kaibigan.
“Buo na ang desisyon ko, mare. Hindi na maaaring magtagal sa sinapupunan ko ang sanggol na ito,” sagot ng babae.
Nabuntis nang maaga si Madel ngunit iniwan siya ng ama ng dinadala niya nang malamang nagdadalantao siya. Marami pa siyang pangarap sa buhay na gustong tuparin kaya gusto niyang mawala na ang batang dinadala niya. Balak niyang magpunta sa ibang bansa para magtrabaho at wala siyang oras para mag-alaga ng anak. Kung hindi paninindigan ng lalaki ang anak nila ay wala rin siyang pakialam dito, kaya napagpasyahan niyang ipalaglag na lamang ang sanggol.
“Hindi ka ba natatakot sa binabalak mo, Madel? Walang kalaban-laban ang sanggol na gusto mong pasl*ngin!”
“Ilang linggo na lang at aalis na ako papuntang abroad. Hindi ako maaaring hindi matuloy. Ako lang ang inaasahan ng pamilya ko sa probinsya kaya kailangan nang mawala ang sanggol na ito sa lalong madaling panahon.”
Ilang minuto lang ay narating na ng magkaibigan ang isang sanglaan. Isasangla ni Madel ang singsing na ibinigay noon ng nobyo. Dahil iniwan na siya nito ay wala nang dahilan para pa manatili ang bagay na iyon sa kaniya. Imbes na maalala pa niya ang walang kwentang ama ng anak niya ay isasangla na lang niya ang singsing nito para magkapera pa siya.
Napansin ni Beth ang babaeng guwardiya na nagbabantay sa loob ng sanglaan.
“Mare, tingnan mo ‘yung guwardiya, nagpapad*de ng sanggol!” sabi ng kaibigan.
“Anak ba ng guwardiyang ‘yan ang sanggol na pinapad*de niya?!” gulat na tanong ni Madel.
“Kung hindi niya anak ‘yan, eh, bakit niya pinapad*de? Dinadala pa niya sa trabaho ang anak niya, nakakahiya tuloy sa ibang kustomer.”
Muli nilang hinagod ng tingin ang babaeng guwardiya. Kitang-kita nila na sarap na sarap sa pagsupsop ng gatas ang sanggol sa boteng hawak ng guwardiya. Hinahayaan naman ng mga staff ng sanglaan ang ginagawa nito kaya kinausap nila ang isa sa mga babaeng staff.
“Miss, miss, bakit niyo kinukunsinti ‘yang guwardiya niyo na nagpapad*de ng sanggol habang naka-duty?” usisa ni Beth.
“Wala naman pong problema sa amin, ma’am. Nagpaalam naman po siya sa mismong may-ari nitong sanglaan na dalhin niya sa trabaho ang sanggol,” sagot ng staff.
“Aba, eh, napakabait naman ng amo niyo. Sana lahat ng amo ay pinapayagang dalhin ng ina ang kaniyang anak sa trabaho,” sabad naman ni Madel.
“Hindi niya po anak ang sanggol!” bunyag ng staff.
“A-ano? Hindi niya anak?!” sabay pang nagulat ang magkaibigan.
Nilapitan nila ang babaeng guwardiya at tinanong ito.
“Ateng guwardiya, anak mo ba ang sanggol na ‘yan?” tanong ni Beth.
“Kanina pa kasi namin napapansin na pinapad*de mo ang iyong anak habang naka-duty ka rito,” saad pa ni Madel.
“Naku, hindi po! Ang sanggol na ito ay anak ng aking namayapang pinsan. Binawian siya ng buhay sa panganganak kaya ako na ang nag-aalaga at tumayong ina sa sanggol na ito. Dinadala ko siya rito sa trabaho dahil walang ibang magbabantay at mag-aalaga sa kaniya sa bahay. Nagtatrabaho sa Dubai ang aking mister at noong isang taon naman ay pumanaw rin ang nag-iisa naming anak dahil sa pneumonia. Mula nang mawalan ako ng sariling anak ay itinuring ko na ring parang tunay na anak itong si baby Ella,” sagot ng guwardiya.
May kung anong kumurot sa puso ng dalawang magkaibigan nang marinig ang totoong kwento sa likod ng babaeng guwardiya at ng sanggol sa sanglaan. Biglang nakunsensiya si Madel at dahan-dahang hinimas ang kaniyang tiyan.
“B-Beth, mare?”
“Ano ‘yon, Madel?”
“A-ayoko nang ituloy…”
“Ano’ng ayaw mo nang ituloy, ang alin?”
“Hindi ko na ipapalaglag ang baby ko. Bubuhayin ko siya, aalagaan at mamahalin. Hindi ko pala kayang mawala siya sa akin,” maluha-luhang sabi ni Madel.
“Teka, ano’t nagbago ang isip mo?”
“Pinahanga ako ng babaeng guwardiya, Beth. Kahit mahirap ay kinaya niyang alagaan ang sanggol kahit na hindi niya ito tunay na anak, samantalang ako ay pinagtaangkaan ko pa ang buhay nitong dinadala ko sa aking sinapupunan. Ayokong maging masamang tao, maging masamang ina, gusto kong maging katulad niya na handang gawin ang lahat para mabuhay ang sanggol. Kaya anak, patawarin mo si mama, ha? Hindi ko sinasadyang pagtangkaan ang iyong buhay, patawad na, baby ko!” sambit niya sabay haplos sa tiyan niya.
“Iyan ang pinakamagandang desisyong ginawa mo, mare!” sagot naman ni Beth.
Pagkalipas ng ilang buwan ay ipinanganak na ni Madel ang kaniyang anak na pinangalanan niyang baby Angel. Masayang-masaya naman ang mga magulang niya dahil nagkaroon na ng apo ang mga ito.