Inday TrendingInday Trending
Nagulat ang Lahat Nang Makitang Naka-Damit Pambabae ang Lalaki; Pinagbigyan Pala Nito ang Hiling ng Anak

Nagulat ang Lahat Nang Makitang Naka-Damit Pambabae ang Lalaki; Pinagbigyan Pala Nito ang Hiling ng Anak

“Daddy, malapit na po ang party para sa mga dakilang ilaw ng tahanan na gaganapin sa school. Kailangan daw pong pumunta ang mga mommy ng mga estudyante,” sabi ni Fritzie sa amang si Cedrick.

“Kailan ba ‘yan, anak?” tanong ng lalaki sa bata.

“Sa Biyernes na po, daddy. Mga mommy lang po ang puwedeng pumunta.”

“Sige, anak. Bibilhan kita ng bagong damit para may maisuot ka sa party niyo sa school.”

“Talaga po, daddy? Ibibili niyo po ako ng dress? Gusto ko po ‘yung kulay pink!”

“Yun lang pala, eh. Bibilhan ka niyan ni daddy at ibibili ko rin ng damit si mommy para pagpunta niya sa school niyo ay may bago rin siyang damit. Ano sa tingin mo, anak?” tanong ni Cedrick sabay kindat.

“Okay po ‘yan, daddy! ‘Yung maganda rin para pareho kaming maganda ni mommy,” sagot ng bata.

Inihanda na ni Cedrick ang baunan ni Fritzie at sabay na rin silang lumabas sa bahay para ihatid ang anak sa eskwelahan.

Tuwang-tuwa ang bata dahil excited na ito sa magaganap na party kung saan mga nanay lang ng mga estudyante ang maaaring pumunta.

Dahil sa gabi pa naman ang trabaho ni Cedrick bilang online tutor ay nagmamadali itong nagbihis at nagpunta sa department store. Bibili na siya ng mga damit na gagamitin ng anak at ng mommy nito sa party.

Eksaktong alas onse nang umaga nang marating niya ang department store. Dumiretso siya sa bilihan ng mga damit na pambabae at pambata. Agad naman siyang nakakita ng mga damit na nababagay sa anak na si Fritzie at sa mommy nito.

“Magaganda ang mga disenyo at kulay ng mga nabili kong damit. Siguradong magugustuhan ito ni Fritzie,” bulong niya sa sarili.

Ipinabalot niya ang mga iyon sa saleslady at binayaran na sa counter. Nang tingnan niya ang oras ay napapalatak siya dahil oras na pala para magluto siya ng pananghalian nilang mag-ama, pero imbes na magluto pa sa bahay ay bumili na lamang siya ng pagkain sa fast food na pagsasaluhan nila ng anak pagkagaling nito sa eskwelahan. Hindi na ito nagpasundo sa kaniya at sinabing maglalakad na lang pauwi. Ilang kanto lang naman kasi ang layo ng eskwelahan nito sa kanilang bahay.

Nang dumating si Fritzie ay agad itong nagmano at humalik sa pisngi ng ama.

“Narito na po ako, daddy!”

“O, anak, mabuti at dumating ka na. Nakahanda na ang tanghalian natin at nakabili na rin ako ng mga damit para sa party niyo sa school!”

“Wow, talaga po, daddy?! Gusto ko pong makita ‘yung damit na isusuot ko at ‘yung damit na isusuot ni mommy,” masayang sabi ng bata.

Ipinakita ni Cedrick kay Fritzie ang binili nitong mga damit sa department store. Nagustuhan naman iyon ng kaniyang anak.

“Ang ganda, daddy! Siguradong magandang-maganda kami ni mommy sa buong school kapag sinuot namin ang mga ito,” sambit pa ng bata.

Sumapit ang araw ng party at gaya ng inasahan ay pumunta ang mga nanay ng mga estudyanteng nag-aaral sa eskwelahang iyon. Mga nanay lang ang maaaring pumasok dahil espesyal na araw iyon para sa mga ilaw ng tahanan. Nang dumating si Fritzie ay nagulat ang mga guro, mga nanay at mga estudyante hindi lang dahil sa suot niyang napakagandang damit na parang isang prinsesa, ikinagulat din ng lahat ang kasama ng bata. Kasama ni Fritzie ang daddy niyang si Cedrick na nakasuot ng pambabaeng damit. Suot-suot nito ang damit na binili sa department store. Naka-make up pa at nakasuot ng wig ang lalaki kaya usap-usapan siya sa buong eskwelahan. Maya-maya ay tinanong siya ng isa sa mga guro ng kaniyang anak.

“Sandali lang po, sir, mga nanay lang po ang puwedeng pumunta sa party. Bakit ganyan ang suot niyo?” nagtataka nitong tanong.

“Matagal na po kasing yumao ang misis ko na mommy nitong si Fritzie kaya pinagbigyan ko ang hiling niya na ako ang maging mommy niya sa araw na ito para hindi siya mainggit sa mga kaklase niya na may mga kasamang nanay. Nagsuot ako ng pambabae para magmukha akong mommy ng anak ko. Pakiusap, ma’am, pagbigyan niyo po kami,” sagot niya sa guro.

Naintindihan naman ng guro ang sitwasyon at humanga ito sa ginawa ni Cedrick na pagsasakripisyo para sa anak.

“O, ayan, pumayag na ang teacher mo, anak, kaya ako na uli ang mommy mo!”

“Thank you, daddy at pinagbigyan mo ang wish ko na magkaroon ng mommy sa party. Para sa akin ay ikaw, daddy, ang pinakamagandang mommy na nandito ngayon. I love you!” sambit ng bata sabay yakap nang mahigpit at humalik sa pisngi ng ama.

Sobrang hinangaan ng marami ang ginawa ni Cedrick bilang isang biyudo at single father ay pinagdaanan niya ang hirap at mga pagsubok ngunit kahit kailan ay hindi niya nakalimutan ang kapakanan ng kaniyang anak. Hindi lahat ng ama na katulad niya ay kayang magsakripisyo para sa anak.

Naging maayos at masaya ang party sa eskwelahan ng mga enjoy na enjoy na mga estudyante. Nagawa pang magpa-piktyur kay Cedrick ang mga nanay ng mga kaklase ni Fritzie habang ito’y nakabihis na pambabae. Proud na proud naman ang bata sa kaniyang daddy sa ginawa nitong pagpapanggap bilang mommy niya.

Advertisement