Kahit Babaero ang Asawa’y Hindi Niya Kayang Makipaghiwalay Rito; Magising pa kaya Siya sa Katotohanang Hindi na Ito Magbabago?
Pagkauwi ni Molly sa kanilang bahay ay dere-deretso siyang naglakad patungo sa kanilang silid at agad na pumasok sa banyo. Kagagaling lamang niya sa parmasya upang bumili ng pregnancy test, para matahimik na ang gumugulo sa kaniyang isipan kung buntis na naman ba siya o hindi.
Kung tutuusin ay wala naman siya talagang dapat ipag-alala. May asawa siya at sampung taon na silang kasal ng asawa niyang si Greg. Apat ang kanilang anak, dalawang babae at dalawang lalaki, kaya naman kung tutuusin ay wala siyang dapat na ipag-alala.
Ngunit sa kabila niyon ay labis pa rin siya nag-aalala para sa kaniyang mga anak dahil sa sitwasyon nila ng kaniyang asawa. Kung sa pagsuporta sa mga pangangailangan niya’y walang problema, hindi nagkulang sa ganoong bagay ang kaniyang asawa, pero sa usaping puso at isip ay pagod na siyang unawain ang ginagawa nito sa kaniya.
Ilang beses na niyang pinagbigyan si Greg, ilang beses niyang na rin itong pinatawad, ngunit hindi pa rin ito nagbabago at patuloy pa rin itong nambababae. Lahat ng babae ni Greg ay ibinabahay nito at kapag nagsawa ay iiwanan. Siya lang yata ang hindi nito magawa-gawang iwanan dahil sa kasal silang dalawa. Ngunit kahit na! Sawa na siyang unawain at intindihin ang ugali ng asawa.
Sa isang taon ay swerte na niya kung uuwi ito ng isa o dalawa na tatagal lamang ng dalawang buwan. Pagod na siyang mahalin ito.
“Positive,” mahina niyang usal matapos makita ang dalawang guhit sa pregnancy test.
Gusto niyang humagulhol ng iyak imbes na magsaya sa biyayang muling ipinagkaloob sa kaniya. Paano siya magsasaya kung gusto na niyang makipagkalas sa asawa? Gusyo na niyang makalaya sa pananakit nito, pagod na siya.
“Kapag nakipaghiwalay ako sa kaniya, paano ko bubuhayin ang mga anak ko?” humahagulhol niyang tanong sa sarili.
Hinayaan na lamang niya ang sariling umiyak. Naiinis siya sa kaniyang pagiging mahina. Kaya hindi siya makawala sa asawa at hinahayaan itong g@guhin at saktan siya dahil alam nitong hindi niya kaya kapag wala ang suporta nito. Wala siyang trabaho at umaasa lamang sa perang binibigay nito para sa kanila.
Habang umiiyak ay isang desisyon ang naisip niyang gawin. Tinawagan niya si Greg at nakiusap na umuwi ito para makapag-usap sila nang masinsinan.
“Ano?! Nakikipaghiwalay ka sa’kin, Molly?” nabibigla ngunit natatawang wika ni Greg matapos sabihin ni Molly ang kaniyang naging pasya. “Sigurado ka ba d’yan sa desisyon mong iyan? Ang tanong ay kaya mo bang buhayin ang mga anak natin kapag wala ako?” mataas nitong wika.
Taas noong hinarap ni Molly ang asawa. “Hindi ako sigurado sa bagay na iyan, Greg. Ngunit bilang ama ng mga anak ko’y may obligasyon ka rin sa kanila. Kahit hiwalay na tayo’y obligasyon mo pa rin ang suportahan sila dahil una sa lahat ikaw ang kanilang ama, at hindi ka naman tambay sa kanto, upang hindi mag-abot ng suporta sa lima mong anak hindi ba?” matapang niyang wika.
“Kaya mo kahit wala ako?” nanunudyong sambit ni Greg.
“Kailan ka ba nandito, Greg? Hindi ba’t palagi ka namang wala? Uuwi ka lang kung kailan mo gusto, uuwi ka lang saglit at muli ay maiiwan na naman akong mag-isang nagpapalaki sa mga anak natin, kaya oo ang sagot ko. Kaya ko kahit wala ka na, Greg,” matapang niyang sambit.
Tuwid na tumayo si Greg at saglit na nakipagsukatan sa kaniya ng tingin at maya maya lang ay ibinaling sa ibang dereksyon ang tingin saka nagsalita.
“Pirmahan mo na lang ang annulment papers na ibibigay sa’yo ng abogado ko, Molly,” matigas nitong wika. “Sana hindi mo pagsisihan ang desisyong ito.”
“Matagal na akong nagsisi, Greg, mula pa noong pinakasalan kita’y nagsisisi na ako kung bakit hinayaan ko ang sarili kong mahalin ang katulad mong hindi marunong makuntento sa asawa. Kung may pagsisisihan man ako ngayon, iyon ay kung bakit pinaabot ko pa ng lima ang anak natin bago ako tuluyang magising sa katotohanang wala ka nang pag-asang magbago,” aniya.
Matalim ang tinging pinukol ni Greg kay Molly, bago ito lumabas ng bahay. Kinakapa ni Molly ang sariling damdamin kung nasasaktan ba siya sa paghihiwalay nila ni Greg o may panghihinayang man lang ba siyang nararamdaman, ngunit kahit kaunti ay wala na talaga.
Pakiramdam niya’y nabunutan siya ng tinik na matagal nang nakatanim sa kaniyang puso. Ngayong natanggal na iyon ay maayos na siyang nakakahinga.
Kinabukasan ay dumating nga ang sinabi ni Greg na annulment papers. Nakasulat doon na sa oras na maghiwalay na sila ng asawa ay magbibigay na lamang ito buwan-buwan ng limang libong piso bilang suporta para sa kanilang limang mga anak. Para kay Molly ay sapat na ang perang iyon upang mabuhay niya ang kaniyang limang anak, pipilitin niyang pagkasyahin. Kapag naisilang na niya ang batang nasa kaniyang sinapupunan ngayon ay maghahanap siya ng trabaho upang hindi na umasa sa limang libong suporta ni Greg.
Tatayo siya sa sarili niyang mga paa, iyon ang ipinangako niya sa sarili. Makakatayo siya kahit wala na ang babaerong mister sa buhay niya.