Hindi Siya Kumikilos Kapag Walang Dagdag Sahod; Nainggit Siya sa Natanggap ng Katrabahong Masipag

Hindi Siya Kumikilos Kapag Walang Dagdag Sahod; Nainggit Siya sa Natanggap ng Katrabahong Masipag

InspiringKarmaStories

Hindi gumagalaw sa restawrang pinagtatrababuhan nang walang bayad ang binatang si Norlan. Hindi siya pumapayag na walang dagdag sahod ang karagdagang oras na ginugugol niya sa trabaho lalo kung siya’y mapapagod. 

Madalas pa nga, kapag wala sa restawran ang may-ari, hindi talaga siya kumikilos. Wala siyang ibang ginagawa kung hindi ang magselpon sa banyo ng establishimento o kaya’y magpuslit ng pagkain at alak na nilalantakan niya sa rooftop. Gagalaw lang siya kapag dumami na ang mga kustomer na kakain o kaya kapag biglang dumating ang kanilang boss. Doon lang siya magpapakitang gilas at magpapanggap na masipag. 

Siya man ay kainisan ng kapwa niya mga empleyado dahil sa katamaran niya, nagagalit pa siya sa tuwing pinagsasabihan siya ng mga ito lalo na ng katrabaho niyang si Sonny na ubod ng sipag sa trabaho.

“Edi ikaw na lang ang kumilos sa buong restawrang ito!” sigaw niya pa rito tuwing siya’y pinagsasabihan sa harap ng kanilang mga katrabaho.

Isang araw, habang siya’y abala sa paninigarilyo sa rooftop ng kanilang restawran, natanaw niya ang sasakyan ng kanilang boss dahilan para siya’y agad na bumaba sa kanilang kusina at doon kunwaring nagsisipag. 

“Boss! Magandang umaga po! Bakit ang aga niyo pong napadaan ngayon?” pang-uusisa niya rito habang naggagayat ng sibuyas na kanina’y hindi niya pinapansin. 

“Kailangan ko kasi ng isang empleyado na maaari kong paglinisin sa isa pang restawran na itatayo ko sa kabilang lalawigan kaso wala akong budget para madagdagan ang sahod niya. Pupwede ka ba?” sambit nito sa kaniya. 

“Naku, boss, hindi ako pwede, eh. May sakit ang nanay ko ngayon, kailangan kong umuwi nang maaga para maalagaan siya,” pagsisinungaling niya para lang makatanggi sa alok nitong walang bayad, “Bakit hindi niyo kuhanin si Sonny? Kahit ano’ng ipagawa niyo roon, hindi tatanggi ‘yon! Gagawin lahat no’n para makasipsip sa inyo!” payo niya pa rito habang tatawa-tawa.

“Loko ka talaga! O, sige, kakausapin ko si Sonny pagdating niya. Sana pumayag siya! Kapag hindi siya pumayag, ikaw na lang ang ipapadala ko roon, ha? Maiwan muna kita riyan. Siguraduhin mong pino ang pagkakagayat mo ng sibuyas, ha? Para lasang-lasa sa pagkaing iluluto ni chef!” bilin nito na kunwari’y kaniyang susundin.

Nang makumbinsi nga ng kanilang boss ang katrabaho niyang si Sonny na sumama sa pag-aayos ng itatayong panibagong restawran, walang mapagsidlan ang kasiyahan niya.

“Sabi na nga ba’t papayag ka kahit walang bayad! Ganoon ka kadesperadong mapansin ni boss, eh, ‘no?” pang-iinsulto niya pa rito. 

“Hindi naman sa ganoon. Sadyang gusto ko lang gawin ang responsibilidad ko bilang empleyado. Hindi katulad mo, magaling lang kapag may dagdag sahod,” nakangising sabi nito sa kaniya na labis niyang ikinainis. 

Masaya niyang ginugol ang mga araw na wala sa restawran ang tagasaway na empleyadong si Sonny. Wala siyang ginawa kung hindi ang pumapak ng pagkain, manigarilyo, at makipagkwentuhan sa mga kapwa empleyado. 

Ngunit, paglipas ng halos isang linggo, nagulat siya nang magtungo sa kanilang restawran si Sonny na lulan nang magara at bagong sasakyan. 

“Sino na namang sinipsip mo para magkaroon ka niyan?” patawa-tawa niyang sabi na may halong inggit. 

“Wala naman. Kusa lang itong binigay sa akin ng kasosyo ni boss sa panibagong restawrang itatayo sa kabilang bayan. Humanga kasi siya sa dedikasyon ko sa trabaho na kahit walang dagdag bayad, tinanggap ko ang trabaho,” nangiti nitong sabi na lalo niyang ikinainggit.

“Ang hangin mo naman! May sasakyan ka nga, rito ka pa rin naman magtatrabaho!” sigaw niya rito.

“Sino’ng nagsabi sa’yong dito pa ako magtatrabaho? Kinuha na ako bilang personal na sekretarya noong kasosyo ni boss. Nandito ako ngayon para kumain,” balita nito na ikinagulat niya, imbis na magsalita pa, siya’y dali-daling nagtungo sa banyo at doon niya pinagsisigawan ang sarili dala ng labis na pagsisisi.

“Kung tinanggap mo ang alok ni boss, malamang ikaw ang suswertehin! Kahit kailan, tat*nga-t*nga ka, Norlan! Wala kang diskarte, puro ka katamaran!” pagsisisi niya habang pinipigilan ang luha bunsod ng paghihinayang.

Sa sobrang inggit at panghihinayang na nararamdaman niya, simula noon, pinangako niya sa sariling siya’y magsisipag na at gagawin ang lahat ng responsibilidad niya bilang isang empleyado. Ginugol na niya ang oras sa pagtatrabaho. Naglinis na siya ng restawran, naggayat ng mga gulay, at marami pang ibang gawain.

Hindi niya nga pinagsisihan ang pasyang ito dahil nang mapansin ng kaniyang boss ang totoong kasipagang mayroon siya, siya’y binigyan nito ng mas mataas na posisyon.

“Huwag ka nang magpapanggap na masipag, ha, nakikita ko naman lahat ng ginagawa mo rito gamit ang CCTV na nakatago. Sana huwag ka nang mangupit ng pagkain at alak dito para hindi ko na kaltasan ang sahod mo,” tawang-tawa na pagtatapat nito na labis niyang ikinagulat at ikinahiya.

“Ah, eh, opo, makakaasa na po kayo sa akin ngayon, boss! Salamat po sa pasensiya at sa pangalawang pagkakataon,” kamot-ulo niyang sabi saka nito inilagay sa dibdib niya ang kaniyang name plate na nagsasabing siya na ang bagong manager ng restawran.

Doon na niya sinimulang patunayan ang totoo niyang kakayahan. Pagod man siya araw-araw, ngayo’y nararamdaman niya na ang tunay na buhay ng isang empleyadong may mabuting hangarin at malasakit sa kumpanyang pinaglilingkuran.

More Stories