Nagmalaki Siya sa Dating Kaklaseng Nangmamaliit sa Kaniya Noon; Karma rin Pala ang Naghihintay sa Kaniya

Nagmalaki Siya sa Dating Kaklaseng Nangmamaliit sa Kaniya Noon; Karma rin Pala ang Naghihintay sa Kaniya

InspiringKarmaStories

Nakaranas ng matinding pangmamaliit at pang-aalila mula sa kaniyang mga kaklase noon ang dalagang si Bella. Walang araw na hindi siya umiiyak sa kanilang paaralan dahil sa mga kaklase niyang ito na walang habas siyang pinapahiya at pinagtatawanan kahit sa harap ng kanilang klase at guro.

May pagkakataon pa ngang habang siya’y tahimik na kumakain ng tanghalian sa kantin ng kanilang paaralan, binuhusan siya ng malamig na tubig sa ulo ng lider ng mga kaklase niyang nangpapahiya sa kaniya na si Glenis. 

Tandang-tanda niya pa noon kung paano ito humagikgik kasama ang ilan pa nilang kaklase na kinukuhanan pa ng bidyo ang reaksyon niya. Gustuhin man niyang magsumbong sa mga kinauukulan noon sa kanilang paaralan, hindi niya magawa dahil mayayaman ang magulang ng mga kaklase niyang ito at sila ang nagbibigay ng malaking donasyon doon.

Tiniis niya ang lahat ng pangmamaliit na ito para lang siya’y makapagtapos at maiahon sa hirap ang sarili. Hindi man madaling maging mayaman kaagad lalo na sa isang katulad niyang mas mahirap pa sa daga noon, ginawa niya ang lahat para umangat sa buhay.

Kaya naman ngayong isang ganap na siyang abogado at mayaman na, hindi na niya hinahayaang mayroong umapi sa kaniya. Pilit niya ring hinanap si Glenis–ang utak ng pamamahiya sa kaniya noon, para kaniyang maisampal dito ang tagumpay at magandang buhay na mayroon siya ngayon.

Gusto niya ring takutin ito sa kung anong kaya na niyang gawin ngayon dahil sa propesyon niya. “Isang maling aksyon niya lang sa harap ko, ipapakulong ko na siya agad kahit gaano man siya kayaman,” sabi niya pa sa sarili habang hinahanap ang dalaga sa social media.

Ngunit tila nalaglag ang panga niya nang makita niyang halos lahat ng larawan ng dalagang si Glenis ay kuha sa isang grocery store sa kanilang lalawigan.

“Sa kaniya ba ang grocery store na iyon? O empleyado lang siya roon?” tanong niya sa sarili at upang maliwanagan, agad siyang nagtungo roon. 

Pagdating niya roon, una niyang nakita ang dalagang hinahanap niya. Abala ito sa pagkakahera sa naturang grocery store dahilan para siya’y magkunwaring hindi ito nakilala at bumili ng sandamakmak na grocery items kahit hindi niya naman kailangan. 

Pinilit niya rin na rito magbayad para siya’y makapagyabang dito. 

“O, ikaw pala ‘yan, Glenis! Dito ka pala nagtatrabaho?” bati niya rito nang binibilang na nito ang halaga ng kaniyang mga pinamili. 

“Ah, eh, oo,” tipid nitong sagot. 

“Kawawa naman pala ang lider ng mga bu*lly ko noon. Isa na lang kahera ngayon. Magkano ang sinasahod mo rito?” pang-iinsulto niya rito. 

“Mababa lang, hindi pa sapat para mapakain ang mga anak ko,” tapat nitong sabi habang hindi makatingin sa kaniya. 

“Naku, totoo nga talagang hindi natutulog ang karma, ano? Mabuti pa ako, kinakawawa man noon, matagumpay at mayaman na ngayon,” nakangisi niyang sabi na hindi nito pinansin. 

“Limang libong at limang daang piso lahat ng napamili mo,” paniningil nito. 

“Ito, o, pitong libong piso, sa’yo na ang sukli. Pandagdag sa pambili mo ng pagkain,” sambit niya saka sinabog ang pera sa kahang nasa tapat nito saka niya ito kinindatan.

Kakaibang kasiyahan ang naramdaman niya matapos niyang gawin iyon sa dating kaklase. Pakiramdam niya, pinagbabayaran na nito ang lahat ng masasamang ginawa nito sa kaniya noon.

Kaya naman, kahit hindi niya kailangan ang sandamakmak na grocery items araw-araw dahil mag-isa lang naman siya sa kaniyang malaking bahay, panay pa rin ang pagbili niya sa grocery store na iyon para maipamukha rito kung anong tagumpay ang mayroon na siya ngayon.

Halos mapuno na nga niya ng mga grocery items ang isang malaking silid sa kaniyang bahay dahil sa araw-araw niyang pamimili roon. Sa katunayan, pupwede na siyang makapagpatayo ng isang malaking sari-sari store sa dami ng mga produktong kaniyang nabili.

“Kahit mapuno pa ang buong bahay ko, maipakita ko lang sa kaniya kung sino na ang dating dalagang minamaliit niya noon!” sambit niya sa sarili matapos muling mamili roon ngunit sa sobrang pagod niya, siya’y nakatulog na sa sala at hindi niya nagawang maikandado ang kaniyang buong bahay.

Paggising niya, gulo-gulo na ang kaniyang buong bahay dahilan para agad niyang mapagtantong nalooban siya ng mga magnanakaw. Dali-dali siyang nagtungo sa kaniyang silid at katulad ng kinatatakot niya, nalimas nga ng mga ito ang kaniyang mga alahas, gadgets, mamahaling mga bag at sapatos at pati na ang kaha de yero na pinakatatago niya na may lamang limpak-limpak na pera na labis niyang ikinapanghina.

Dahil nga ayaw niyang umingay ang tila karmang naranasan niya dahil sa masyadong pagyayabang sa dating kaklase, ni hindi siya nagsumbong sa mga awtoridad.

Hindi man niya alam kung saan magsisimula upang muling mabili ang mga nawalang gamit sa kaniya, labis niyang piniga ang utak para makaisip nang paraan. Doon na sumagi sa isip niya ang sandamakmak na grocery items na mayroon siya dahilan para siya’y magtayo ng isang malaking sari-sari store sa tapat ng bahay niya.

Kahihiyan man para sa kaniya ang paghihirap na dinaranas ngayon, buong puso niyang nilunok ang dignidad niya para muling umarangkada sa buhay kasabay ng pagtanggap niya ng sanadamakmak na kaso upang kumita muli nang malaki.

Simula noon, hindi na siya muling nagyabang sa dating kaklaseng iyon. Sa hirap na napagdadaanan niya ngayon, napagtanto niyang hindi niya kailangang gayahin ang mga bu*lly na noo’y nagpahirap sa kaniya dahil katulad ng mga ito, karma rin ang aabutin niya. Mas mabuting kalimutan na lamang niya ang nakaraan at magpokus na lamang ngayon sa kaniyang hinaharap at kinabukasan.

More Stories