Dahil Maraming Utang ang Pamilya ay Mas Pinili ng Binatang Ito na Hindi Ipaalam na Naloko Siya at Hindi sa Abroad Nagtatrabaho, Hangang Kelan nga ba Niya Maitatago ang Totoo?
Panganay si Julius sa anim na magkakapatid, sastre ang kaniyang ina at wala namang trabaho ang kaniyang ama kundi mag-alaga ng manok pangsabong. Namulat siyang lubog sila sa utang makapag-aral lang silang magkakapatid, kaya nga pag-aabroad talaga ang naisip ng binata.
“Itay, makakasampa na ako ng barko!” magiliw na wilka ni Julius.
“Mabuting balita iyan, anak! Mababayaran na natin ang mga utang natin. Salamat sa Diyos at nararamdaman ko na ang pag-ahon natin sa hirap,” baling ng kaniyang ama na si Mang Victor.
“Ipapadala ko ho lahat ng kikitain ko para maka-ahon na kagaad tayo at makapagsimula ng negosyo,” nakangiting saad ni Julius.
Umutang sila ng limampung libong piso para sa placement fee ni Julius at kaunting baon nito. Dahil magandang lalaki ay agad siyang nakapasok sa bilang waiter sa isang barko kahit nga high school lang ang tinapos niya at ngayon ay masayang-masaya ang lalaki kahit hindi pa nga nakakapag-umpisa.
Isang linggo bago ang sampa ni Julius ay lumuwas na siya sa Maynila at nanuluyan sa kaniyang kaklase noong high school na si Marvin.
“Nakausap mo na bang maiigi yung recruiter mo, brod?” tanong ni Marvin.
“Oo brod, ayos na lahat. Maghihintay na lang ako ng tawag niya,” sagot naman ni Julius.
Isang araw na lang bago ang alis ng lalaki ngunit wala pa ring tumatawag sa kanya, kaya naisipan niyang siya na ang tumawag ngunit doon na nagsimulang lumakas ang kabog ng puso ni Julius dahil hindi na niya makacontact pa ang taong maghahatid sa kaniya.
Doon niya napagtantong naloko siya ng ilegal na recruiter.
“Brod, pwede bang dito muna ako manuluyan sa inyo?” tanong niya sa kaibigan si Marvin.
“Ayos lang naman brod, pero sigurado ka ba d’yan sa gagawin mo?” tanong ng lalaki.
“Hindi ako pwedeng umuwi sa amin na ganito. Lalo pa ngayon na mas nadagdagan ko ang utang namin, mag-iipon muna ako ng pera bago ako bumalik sa amin,” saad naman ni Julius.
Mabuti na lang at mabait ang kaniyang kaibigan dahil tinulungan si Julius na makahanap ng trabaho at pagkain lang ang sinisingil sa kaniya ng lalaki bilang ambag na rin sa pagtira niya doon.
Dahil high school lang ang tinapos ay hindi makapasok ng malaking trabaho si Julius kaya naman nag doble-doble ito ng pinapasukan. Naroong pinasok niya ang pamimigay ng mga flyers para sa mga naghahanap ng trabaho sa cubao, saglit din siyang nagtrabaho bilang service crew sa mga fast food ngunit kaagad din siyang umalis dahil sa baba ng pasahod.
Pinasok rin ni Julius ang pagwe-waiter sa mga bar at ang pagiging bouncer sa gabi habang janitor naman sa isang ospital na malapit sa kaniyang tinitirahan ang trabaho sa umaga. Halos hindi na natutulog o nagpapahinga ang lalaki mabayaran lang ang kanilang utang.
“Oh anak, buti at napatawag ka! Kamusta ka ba?” saad ni Mang Victor.
“Ayos lang ako itay, kamusta na ho kayo at mga utang natin?” tanong naman ni Julius sa telepono.
“Naku anak, kaunti pa lang ang nababayaran natin. Kaya ‘wag kang maloloko dyan sa trabaho mo ha? Ikaw lang ang inaasahan namin,” pahayag naman ng kaniyang ama.
Pinipigilan ni Julius ang kaniyang mga luha at tinakpan ang bibig upang hindi marinig sa kabilang linya ang kaniyang pag-iyak, “Hayaan niyo ‘tay. Makaka-ahon din tayo sa hirap,” baling ni Julius bago natapos ng kanilang usapan.
Lingid sa kaniyang kaalaman ngunit hindi naman talaga binabayad ng kaniyang ama ang kaniyang mga pinapadala dahil napupunta lang ito sa sugal.
“Pare, iba talaga pag may anak kang nasa abroad ano? Lagi na lang malaki ang mga taya mo!” saad ng isang kumpare ni Mang Victor.
“Hindi naman, swerte lang talaga!” baling naman ng lalaki sabay hiyaw ng manalo ang kaniyang manok.
“Brod, sobra na iyang trabaho mo. Kailangan mo naman magpahinga,” wika sa kaniya ni Marvin ng mapansing isang linggo na ang ubo nito at hindi gumagaling.
“Kailangan ko lang makaipon ng 50 libo para maka-uwi na ako, ayokong ipasan pa sa mga magulang ko ang naging panloloko sa akin ng ibang tao,” baling naman ni Julius.
“Pero bibigay na ‘yang katawan mo,” pag-aalala ng kanyang kaibigan.
Halos sa ospital na natutulog si Julius kapag tapos na siyang maglinis at uuwi lamang siya sa bahay nila Marvin upang maligo at magpunta naman sa bar.
“Brod, kahit anong mangyari sa akin ay ‘wag mong tatawagan ang mga magulang ko ha? Malapit na akong makaipon,” baling pang muli ni Julius ngunit hindi niya napansing bumagsak na nga ng tuluyan ang kaniyang katawan. Nawalan ng malay ang lalaki at agad na dinala ni Marvin sa ospital ang kabigan. Dahil kailangan salinan ng dugo ay wala siyang nagawa kundi tawagan ang pamilya ng lalaki.
“Mang Victor, si Marvin ho ito yung kaibigan ni Julius. Nasa ospital kami ngayon dito sa Maynila baka naman ho pwede kayong lumuwas dahil kailangan salinan ng dugo ni Julius,” pahayag ng lalaki.
“Hoy, kung sino ka mang manloloko ka, tigilan mo kami! Hindi mo kami mapeperahan dahil nasa barko ang anak ko,” sagot naman ni Mang Victor.
Hindi napaniwala ni Marvin ang mga magulang ni Julius dahil wala naman itong Facebook upang mapadalhan niya ng litrato kaya bumili na lang sila ng dugo at isinalin sa kaibigan.
“Hindi na kita kukunsintihin pa Julius, kailangan mo nang umuwi. May sakit ka brod, kailangan mong magpahinga. ‘Yong utang mababayaran mo yun pero yung buhay mo wala nang kasunod yan,” wika ni Marvin nung naging maayos ang lagay ng lalaki.
Walang nagawa si Julius kundi ang umuwi at baon lamang ang 20 libong piso. “Anak, Julius ikaw ba yan?” tanong ni Aling Elen at agad na niyakap ang kaniyang anak.
“Anak, anong ginawa mo at bakit nandito ka? Sinasabi ko naman sa’yo na marami pa tayong utang, paano natin babayaran yan?” saad ni Mang Victor pagkakita sa kaniyang anak.
“Tay, halos 60 libong piso rin ho ang napadala ko rito. Hindi pa rin ho ba tayo bayad sa iba? Dapat ang utang na lang ho natin ngayon ay yung kinuha ko para sa pangingibang bansa ko,” sagot naman ni Julius.
“Ano naman ang akala mo sa mga tao dito, anak? Hindi kami marunong kumain at magsaya? Nagpakain ako sa buong barangay natin sa una mong padala para naman malaman nilang lahat na aahon na sa hirap ang pamilyang ito, yung iba naman dito napunta sa bahay. Hinahanapan mo ba ako, Julius?” galit na wika ni Mang Victor.
“Hindi ho itay, pasensya na ho kayo pero nagsinungaling ho ako sa inyo, Hindi ho talaga ako nakasampa sa barko dahil naloko ako ng illegal recruiter. Pero hindi ako umuwi at nagtrabaho ako sa Maynila para may maipadala sa inyo kaya lang nagkasakit ho ako kaya andito ako ulit ngayon. Hayaan niyo itay, tatlong araw lang ako magpapahinga at luluwas din kaagad ako para magtrabaho,” pahayag ni Julius sa ama.
Hindi nagsalita si Mang Victor at tila ba nabuhusan siya ng malamig na tubig sa narinig.
“Anak, kung sinabi mo lang na ganyan ang pinagdaanan mo e ‘di sana hindi ko inaksaya ang pagod mo, ako ang patawarin mo anak. Ako ang padre de pamilya kaya dapat ako ang nagbabanat ng buto, hindi ikaw,” baling ni Mang Victor.
“Sana sinabi mo sa amin na ganun ang nangyari dahil pamilya mo kami at hindi ka namin hahayaan na harapin ang mga utang na iyan mag-isa,” pahayag naman ni Aling Elen.
“Pasensya na ho inay, ayaw ko ho kasi kayong mapahiya at masabing isang hunghang ang panganay niyong anak,” napaluhang saad ni Julius.
Humingi ng tawad si Mang Victor sa kaniyang anak at hindi na ito muling nagsugal pa. Bagkus ay tinulungan niya ang kaniyang misis sa pagtatahi at si Julius naman ay bumalik sa Maynila upang magtrabaho nang mabayaran nila ang kanilang utang, ngunit hindi na katulad ng dati na halos wala na siyang pahinga dahil ngayon ay tinutulungan din siya ng iba niyang mga kapatid.