Palaging Nakukunan ang Babae, Isang Tao Lang Pala ang Nasa Likod ng Pagkawala ng Kanyang mga Ipinagbuntis
“Boris, ang anak natin!” hiyaw ni Marga habang puno ng dugo ang kamay. Nalaglag na naman ang bata sa kanyang sinapupunan.
Dalawang beses nang nakukunan ang babae sa di malamang dahilan.
“Ano bang sumpa mayroon ako, Boris at bakit palaging nawawala ang sanggol na aking dinadala? Masama ba akong tao?” umiiyak na sabi ni Marga sa asawa.
“Pshhh… wala kang kasalanan, mahal! Sadyang mailap lang talaga sa atin ang pagkakaroon ng anak. Huwag mong sisihin ang sarili mo. Hindi ka masamang tao,” anito.
“Lahat naman ng pag-iingat ay ginawa ko na, pero bakit…” hindi na naituloy ng babae ang sasabihin at mas lalong humagulgol.
Patuloy namang pinapakalma ng lalaki ang kanyang misis.
“’Di bale, susubukan ulit natin. Sisiguraduhin kong makakabuo ulit tayo at mailuluwal mo na ang magiging anak natin.”
Makalipas ang isang linggo ay malungkot pa rin si Marga sa pagkawala ng kanyang anak. Hindi siya lumalabas ng bahay o nakikipag-usap. Tahimik lang siya na nakatulala sa apat na sulok ng kanilang kuwarto. Hindi naman maiwasan na pagtsismisan siya ng mga kasambahay.
“Kawawa naman si Ma’am ‘no? Nakunan na naman sa ikalawang pagkakataon,” sabi ni Luz.
“Mahina raw yata ang kapit ng sanggol kaya ganoon ang nangyari,“ wika naman ni Mabel.
“Alam niyo, may nakapagsabi sa akin na karma daw ang pagkawala ng anak ni Ma’am Marga,” kuwento ni Oida.
“Karma?” sabay na bigkas nina Luz at Mabel.
“Oo. Inagaw lang daw kasi ni Ma’am Marga si Sir Boris sa ibang babae. Nagpabuntis daw ito kaya siya ang pinakasalan ni sir,” anito.
“Ay ganoon ba? Kawawa naman iyong babaeng iniwan,” sabi pa ni Luz.
Nang biglang sawayin sila ni Amparo, ang ina ni Boris.
“Hoy, wala kayong ginawa kundi magtsismisan! Tapos na ba ang mga trabaho niyo at panay ang ang tsismisan niyong tatlo?” bulyaw ng babae.
Natameme ang tatlong kasambahay at bumalik na sa kanyan-kanyang ginagawa.
Maya-maya ay pinuntahan nito ang kuwarto ng anak at ni Marga. Naabutan niyang nakahiga lang ang babae sa kama. Tahimik at hindi pa rin kumikibo.
“Marga, hija. Hanggang kailan mo ikukulong ang sarili mo rito? Huwag kang mawalan ng pag-asa, maaari pa naman kayong magkaanak ni Boris,” anito sa sinserong boses.
Nang biglang nagsalita ang babae.
“Okay lang ako, ma. Lalabas na lang ako mamaya,” mahina nitong sabi.
Hindi na pinilit ni Amparo ang manugang at lumabas na sa kuwarto.
Naisip ni Marga na kung habangbuhay siyang magmumukmok sa pagkawala ng kanyang sanggol ay baka mas lalo siyang hindi magkaroon ng anak kaya bumangon na siya sa kama at inayos ang sarili. Pagkatapos magbihis ay lumabas ito sa kuwarto at naupo sa veranda. Laking gulat ni Amparo nang makita ang presensya ni Marga.
“Mabuti naman at lumabas ka na sa kuwarto niyong mag-asawa. Aba’y may plano ka bang buruhin ang sarili mo?” tanong ng babae.
“Pipilitin kong maging maayos, ma. Gusto kong subukan ulit na magkaanak. Ang sabi ni Boris ay magtiwala lang daw ako sa Panginoon at tiyak na ibibigay rin ang aming hiling,” wika ng babae.
Kinagabihan ay nagulat si Boris nang madatnan niya si Marga na tumutulong sa paghahain sa mesa. Hindi nito napigilan ang sarili na yakapin ang asawa.
“Mahal, you’re back!” anito sabay halik sa labi ng kanyang misis.
“Boris, gusto kong subukan natin ulit. Gusto ko ulit mabuntis. Sa pagkakataong ito hindi ko na hahayaang mawala ang anak natin, hinding-hindi na,” sabi niya sa lalaki.
“Kung iyan ang gusto mo, e ‘di mamaya gumawa na tayo ng baby agad-agad!” pabiro nitong sabi.
Muling sinubukan ng mag-asawa ang bumuo ng bata hanggang sa lumipas ang ilang buwan at nabuntis ulit si Marga.
“Boris, buntis ulit ako! Magkakaanak na ulit tayo!” masayang sabi ng babae.
“Really? Magiging daddy na talaga ako?”
Nang malaman na muli siyang nagdadalantao ay naging maingat si Marga sa kanyang mga ginagawa at kinakain. Hindi rin siya nag-iisip ng anumang negatibo para hindi siya ma-stress. Desidido talaga siya na iluwal ang ikatlong sanggol na dinadala niya.
Isang gabi, papunta sana siya sa kusina nang makita ang kanyang biyenan na may ipinapatak na kung anong likido sa tinitimpla nitong gatas. Sa una ay hindi niya iyon pinansin ngunit bago siya matulog…
“O, hija inumin mo nuna itong gatas at baka lumamig pa,” alok ng babae.
Nang biglang maalala ni Marga ang baso na may lamang gatas na pinatakan nito ng likido.
“A, e ano po iyong ipinatak niyo sa gatas kanina?” taka niyang tanong.
Nang biglang nag-iba ang timpla ng mukha ng kanyang biyenan.
“Ay, ano kuwan… lumamig na pala itong gatas na tinimpla ko sa iyo. Hintayin mo ako at papalitan ko,” anito.
Nawirduhan ang babae sa inasta ng biyenan kaya nang pumunta ulit ito sa kusina ay palihim niya itong sinundan. Nakita niyang itinapon nito ang tinimplang gatas at pinalitan ng bago. Mayroon din itong inilagay na kung ano sa loob ng cabinet.
Nang matapos ang biyenan sa ginagawa at bumalik sa kanyang kuwarto ay agad niyang tiningnan kung ano ang itinago nito sa cabinet. Laking gulat niya nang makita na isa iyong maliit na bote na may lamang likido. Hindi niya mawari kung ano iyon kaya inamoy niya ang laman ng bote. Nang malanghap iyon ay napapikit siya sa sobrang baho ng amoy.
“Dyusko, ano ba ito at nakakasulasok ang amoy?” masuka-suka niyang sabi.
Maya-maya ay dumating si Boris galing sa trabaho. Agad niyang sinabi sa asawa ang natuklasan. Sabay nilang hinarap ang biyenan para kausapin. Pagbukas nila ng pinto ng kuwarto nilang mag-asawa ay naroon si Amparo at naghihintay. Hawak nito ang baso na may lamang gatas. Kinompronta ni Boris ang ina.
“Ma, anong ibig sabihin nito? Pinagtatangkaan mo ba ng buhay ng aking mag-ina?” galit na tono ng lalaki.
“A-anong sinasabi mo, anak?”
“Ano ito, ma? Nakita ka ng asawa ko na pinatakan mo nito ang tinimpla mong gatas na para sa kanya!” anito at ipinakita sa ina ang maliit na bote.
“Bakit, anong kasalanan ko sa inyo para pagtangkaan ang buhay ko at ng aking anak?” tanong ni Marga sa biyenan.
Hindi na mapagkakaila pa ng babae ang ginawa kaya wala na itong nagawa kundi ibunyag ang matindi nitong lihim.
“Oo. Nilagyan ko ng tubig na may orasyon ang tinimpla kong gatas kanina para muling mawala ang bata sa sinapupunan ng iyong asawa. Inakala ko na iiwan mo na ang babaeng iyan kapag nawala ang sanggol na ipinagbubuntis niya ngunit hindi pa rin kayo sumuko at gumawa pa kayo ng isa pa!” wika nito.
Hindi makapaniwala ang mag-asawa sa sinabi ng babae.
“Ikaw ang dahilan kung bakit dalawang beses na akong nawawalan ng anak?” tanong ni Marga.
“Sino pa ba?! Ako ang gumawa ng epektibong pampalaglag para mawala ang bunga ng walang kuwenta niyong pagmamahalan. Napakalaki mong t*nga na hindi mo man lang nahalata? Ikaw naman kasi, kain ka nang kain ng mga inaalok kong pagkain sa iyo kaya ayun ang napala mo!” bunyag pa nito.
Nang biglang naalala ni Marga na sa tuwing nagbubuntis siya ay kung ano-anong pagkain ang ipinapakain ng biyenan sa kanya. Wala siyang kaalam-alam na inorasyunan na ito ng babae gamit ang mahikang itim. Isa palang mangkukulam si Amparo na ginamit ang kanyang naiibang kakakyahan para tuluyang mawala ang mga sanggol na ipinagbuntis ng manugang.
“Bakit, ma? Bakit gusto mong mawala ang dinadala ng asawa ko? Sabihin mo!” galit na tanong ni Boris sa ina.
“Dahil hindi ka nababagay sa babaeng iyan! Ako, ako ang nababagay sa iyo, Boris!”
Mas ikinagulat ng mag-asawa ang sinabing iyon ni Amparo lalong-lalo na ng anak niyang si Boris.
“Ma, nasisiraan ka na ba ng bait? Nanay kita at anak mo ako!”
Tumawa ng malakas ang babae. “Hindi kita anak! Anak ka ng ama mo sa una niyang asawa. Mula nang nakita kitang magbinata hanggang maging ganap na lalaki ay pinagnasaan na kita. Pero nang pakasalan mo ang malanding babaeng iyan ay nawalan ako ng pag-asa sa iyo kaya naisip ko na kailangang mawala ang bunga ng pagmamahalan kuno ninyo para iwanan mo na siya ng tuluyan!”
Napapailing na lang si Boris sa mga ipinagtapat ng ina kaya naisip niya na nasisiraan na ito ng bait. Maya-maya ay may mga dumating na pulis at inaresto si Amparo.
“A-anong ibig sabihin nito?” taka nitong tanong.
“Inaaresto ka namin sa tangkang paglason kay Mrs. Marga Reymundo,” wika ng pulis.
Agad na pinosasan ang mga kamay ni Amparo. “Bitiwan niyo ako! Hoy hindi pa ako tapos sa inyong dalawa!” pagwawala ng babae habang sapilitan itong inilabas sa kanilang bahay.
“Teka, paanong…” ipinagtaka ni Boris kung paano nalaman ng mga pulis ang nangyayari nang biglang…
“Sir, ayos lang po ba kayo ni Ma’am Marga?” tanong ng kasambahay nilang si Luz.
“Narinig po namin ang lahat kaya naisipan po naming ipagbigay-alam ito sa mga pulis,” ani Mabel.
“Naku, mabuti naman po at hindi niya kayo sinaktan! Patawarin niyo po kami kung pinag-isipan namin kayo ng masama, Ma’am Marga,” paumanhin naman ni Oida.
“Kalimutan na natin iyon,” sabi ng among babae.
Laking pasasalamat ng dalawa sa tatlong kasambahay, kundi dahil sa mga ito ay hindi mawawakasan ang kasamaan ni Amparo. Matatahimik na ang pagsasama nina Marga at Boris. Wala na ring balakid sa pagkakaroon nila ng anak.
Mabilis na lumipas ang siyam na buwan at isinilang na ni Marga ang isang malusong na sanggol na babae. Sa wakas ay natupad na ang pangarap ng mag-asawa na maging ganap na mga magulang.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!