Tunay na Anak ang Turing ng Binabae sa Kinupkop na Binatilyo, Hindi Niya Inasahan ang Kaya Nitong Isakripisyo para sa Kanya
“Jeric, nasaan ka na ba?” sigaw ni Ding.
“Sandali lang po, nag-igib lang ako ng tubig sa labas!” sagot ng binatilyo.
“Naku, salamat naman, buti at ang nag-igib ka. Wala na naman kasing tubig,” reklamo ng binabae.
“Maligo na po kayo, ako na ang bahala sa paghuhugas ng pinagkainan!”
Ang laki ng pakinabang ni Ding sa ampon niyang si Jeric. Si Ding ay may pusong babae at mag-isa na lang sa buhay. Ang tanging pinagkakakitaan niya ay ang kanyang beauty parlor. Si Jeric naman ay ang binatilyong nakilala niya sa kalye. Nangangalakal lang ito ng basura. Minsan na may armadong lalaki na nagtangkang holdapin siya ay ipinagtanggol siya nito. Natuwa siya sa kabayanihang ginawa ng binatilyo kaya kinupkop na niya ito at itinuring na parang tunay niyang anak. Mula nang nakasama niya si Jeric ay muling nagkakulay ang buhay niya dahil bukod sa mabait ito ay masipag pa kaya mas lalong napalapit ang loob niya rito.
“Ano, Jeric, nakapagdesisyon ka na bang bumalik sa pag-aaral?” seryosong tanong ni Ding.
Napapakamot ng ulo si Jeric sa sinabi niya.
“H-hindi pa po, e! Mas gusto ko na lang po na magtrabaho na lang kaysa sa mag-aral,” anito.
Pinagtaasan nito ng kilay ang binatilyo.
“Makakahanap ka ng mas magandang trabaho kapag may natapos ka. Huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa mga gagastusin mo sa eskwela.”
“Nakakahiya na po kasi sa inyo. Kinupkop niyo na nga ako rito tapos pag-aaralin niyo pa ako.”
Hinaplos ni Ding ang pisngi ni Jeric.
“Ano ka ba? Dapat nga ay ako ang magpasalamat sa iyo dahil kung hindi mo iniligtas noon ang buhay ko ay wala na ako sa Earth ngayon! Huwag kang mahiya, basta sa susunod na pasukan ay mag-e-enroll ka,” aniya.
Sa sobrang tuwa ay niyakap nang mahigpit ng binatilyo ang binabae.
“Salamat po!” wika nito sa mangiyak-ngiyak na tono.
“Huwag ka nga ganyan! Masyado kang ma-drama. Wala tayo sa MMK!” pabiro niyang sabi.
Hindi naman maiiwasan na tumibok ang puso ng isang katulad ni Ding sa lalaki kaya nagkaroon siya ng love life sa katauhan ni Anton. Nakilala niya ito sa gym na pinupuntahan niya kasama ang mga kaibigan. Sa unang kita pa lang niya sa lalaki ay agad na siyang nahumaling rito. Sino ba naman kasing binabae ang hindi magkakagusto kay Anton, bukod sa maganda itong lalaki ay batak na batak pa ang mga muscles sa katawan kaya kahit sino ay luluhuran ang lalaki.
“Babe, baka naman may limang daan ka riyan? May nagustuhan kasi akong sapatos sa mall, e!” ungot ng lalaki.
“Sure, ikaw pa ba? Gusto mo samahan na kita?” ani Ding.
“H-huwag na babe, kaya ko na namang mag-isa. Ayaw kong napapagod ka,” anito sabay masahe sa likod niya.
Isang araw, laking gulat ni Ding nang malamang nawawala ang itinabi niyang pera sa tokador. Agad niyang tinanong si Jeric.
“Jeric, may kinuha ka bang pera sa tokador ko?”
Umiling lang ang binatilyo.
“Wala po. Hindi naman ako pumapasok sa kuwarto niyo.”
“E, sinong kukuha ng pera ko? Tayong dalawa lang naman ang narito.”
Nang may maalala si Jeric.
“Nung nakaraang araw po ay nakita kong pumasok si Anton sa kuwarto niyo. Ang akala ko nga po ay naroon kayo kaya hindi ko siya sinaway,” anito.
“Wala naman siyang nasabing ganoon sa akin. Sige na at tatanungin ko na lang siya,” aniya.
Nang magkita sila ni Anton ay ikinuwento niya rito ang sinabi ng binatilyo.
“Ano? Hindi ako pumapasok sa kuwarto mo, babe. Nung dumalaw ako sa iyo ay nakaupo lang ako sa sofa sa may sala. Kausapin mo iyang ampon mo ha! Hindi ko gusto ang pambibintang niyan sa akin!” inis nitong sabi.
“Huwag ka nang magalit, hayaan mo at pagsasabihan ko na lang,” aniya sa nobyo.
Nang sumunod na araw ay dumalaw ulit si Anton sa bahay ni Ding. Kung dati ay sandali lamang ito at umaalis rin agad, ngayon ay mas mahabang oras na ang itinatagal nito sa bahay ng binabae.
Maya-maya ay nagpaalam si Ding na bibili lang ng makakain nila. Nang umalis ito ay muling pinasok ng lalaki ang kuwarto nito. Hinalungkat nito ang mga gamit ni Ding hanggang sa may makita itong maliit na kahon. Nang buksan iyon ay bumungad ang mahigit sampung libong pisong halaga ng pera.
Ang hindi alam ng lalaki ay pumasok na sa bahay si Jeric galing sa parlor. Ang binatilyo kasi ang pinagkatiwalaan ni Ding na magbantay doon kasama ang iba pang beautician. Umuwi lang ito para magpalit sana ng damit. Laking gulat ni Jeric nang makita si Anton na lumabas sa kuwarto ni Ding at may isinusuksok na pera sa bulsa.
“Hoy, anong kinuha mo sa kuwarto ni Mamang Ding?” tanong ng binatilyo.
Kasabay noon ay ang pagbalik rin ni Ding galing sa tindahan.
“A-anong nangyayari dito?”
“Siya po kasi, may kinuhang pera sa kuwarto niyo!” anito at itinuro ang lalaki.
“Totoo ba iyon, Anton?” seryoso niyang sabi.
Nagngalit ang bagang ni Anton at biglang nagwala.
“Oo! May kinuha akong pera. Masaya na kayo? Kulang pa nga itong nakuha ko para sa serbisyong ginawa ko sa iyo b*kla ka!” anito.
Ikinagulat ni Ding ang naging reaksyon ng lalaki.
“S-saan mo kinuha ang pera?” tanong niya rito.
“Akala ko nga wala na akong mahuhuthot sa iyo, e! Buti na lang at nakita ko iyong maliit na kahon na nakalagay sa aparador.”
Nagpanting ang tainga ni Ding nang marinig ang sinabi ng lalaki.
“Ibalik mo ang pera ko! Para iyan sa pag-aaral ni Jeric!” sigaw niya.
Napalingon sa kanya ang binatilyo. Napagtanto nito na pinag-iipunan talaga ni Ding ang pagpasok niya sa eskwela.
Nang ayaw ibalik ni Anton ang kinuhang pera ay sinugod ito ni Ding. Pinaghahampas at pinagsasampal nito ang kalaguyo ngunit mas nanaig ang lalaki at sinuntok siya nang ubod lakas sa tiyan na agad niyang ikinabuwal. Hindi pa ito nakuntento at binunot pa ang dalang balisong at akmang sasaksakin ang binabae ay biglang iniharang ni Jeric ang sariling katawan at ang binatilyo ang nakatanggap ng saksak galing kay Anton.
Agad na bumulagta si Jeric na naghahabol ng hininga.
“Jeric! Anong ginawa mo sa kanya? Hayop ka, Anton!” malakas na sigaw ni Ding.
Sa sobrang takot ay mabilis na tumakas ang lalaki at iniwan ang dalawa.
Nilapitan ni Ding ang naghihingalong binatilyo.
“Jeric, Jeric, huwag kang mag-alala hihingi ako ng tulong. Dadalhin kita sa ospital!”
Hinaplos ng duguan nitong kamay ang pisngi ni Ding.
“Salamat po sa lahat, Mamang. Mahal na mahal po kita,” mahina nitong sabi hanggang sa unti-unti na itong binawian ng buhay.
Humagulgol ng ubod lakas si Ding habang yakap-yakap ang wala ng buhay na katawan ni Jeric. Hindi niya inakala na sa isang iglap ay mawawala ang kanyang anak-anakan. Sa ikalawang pagkakataon ay iniligtas na namam nito ang kanyang buhay. Nagsisisi siya ng minsang pinagbintangan niya ito at hindi pinakinggan ang mga sinabi nito tungkol sa pang-uumit ni Anton.
Labis ang pasasalamat niya rito dahil sa maikling panahon na nakasama niya si Jeric ay naramdaman niya na may lalaking tunay na nagmahal sa kanya. Nagkaroon rin siya ng pagkakataon na maging magulang sa binatilyo.
‘Di nagtagal ay nahuli rin ng mga pulis si Anton at pinagbayaran nito sa kulungan ang ginawang pagpaslang kay Jeric. Sa nangyaring iyon ay kuntento na si Ding dahil nabigyan na rin ng katarungan ang pagkawala ng kanyang anak-anakan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!