Araw-Araw kung Magbaon ng Tuyo ang Bata kaya Tampulan Siya ng Tukso ng mga Kaklase, Isang Matandang Babae ang Babago ng Kanyang Kapalaran
“Tuyo na naman! Wala na po bang ibang ulam, inay?” inis na wika ni Juliet.
Sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos ay palaging tuyo ang ulam nila. Kakarampot lang kasi ang kinikita ng inang si Aling Flor sa paglalabada kaya hindi sila makabili ng mas masarap na ulam.
Mula nang maagang pumanaw ang ama ay mag-isa na siyang binubuhay ng ina. Ang tuyo na inulam nila kinagabihan ay baon pa niya kinabukasan sa eskwela kaya’t yamot na yamot siya tuwing papasok sa klase.
Isang araw, sa pagpasok niya sa silid-aralan ay narinig niya agad ang tawanan ng mga kaklase.
“Dumating na ang batang pinaglihi sa tuyo!” sabi ng isang estudyante.
“Oo nga, e. Mangangamoy tuyo na naman ang buong classroom!” gatol ng isa pa.
Wala siyang mukhang maiharap sa mga kaklase dahil totoo naman ang sinasabi ng mga ito. Kilala na siya roon dahil sa araw-araw niyang pagbabaon ng tuyo.
Kapag sumasapit ang recess ay nilalayuan siya ng mga kaklase. Nababahuan ang mga ito sa kinakain niya kaya minsan ay sa loob na lang ng cubicle ng CR niya kinakain ang baon para walang nakakakita at walang nagrereklamo sa kanya.
“Bakit ba naman kasi palaging tuyo na lang ang baon ko? Baka mamaya ay magkasakit na ako nito sa bato,” inis niyang sabi.
Paglabas niya sa CR ay ‘di sinasadyang nakita siya ng mga kaklase na bitbit niya ang lunch box.
“Eww, si Juliet sa CR kumakain!” malakas na tukso ng isa niyang lalaking kaklase.
Sabay-sabay itong nagtawanan habang patuloy siyang tinutukso.
“Si Juliet mabaho, si Juliet mabaho!” tukso ng mga makukulit niyang kaklase.
Sa matinding hiya ay napaiyak na lang siya at nagtatakbo papasok sa loob ng silid-aralan.
Pag-uwi niya sa bahay ay ikinuwento niya sa ina ang panunuksong ginawa sa kanya ng mga kaklase.
“Inay, sobra na po ang panunuksong ginagawa ng mga kaklase ko! Ayoko na pong pumasok sa eskwela!” iyak niya sa ina.
“Tumahan ka na, anak. Hayaan mo na sila. Huwag mo na lamang silang pansinin. Saka tigil-tigilan mo na ang pagrereklamo mo sa tuyo dahil buti nga at may nakakain pa tayo kahit na paano. ‘Di tulad ng iba na halos walang makain,” sermon ng ina.
Hindi iyon ang inasahan niya na sasabihin ng ina. Akala niya na sasabihin nito ay ibibili siya ng mas masarap na pagkain na maaari niyang baunin sa eskwela ngunit mali pala siya nang iniisip.
Alas singko pa lamang ng umaga ay gising na si Juliet ngunit inaalipin siya ng katamaran dahil nga sa naranasan niyang panunukso nang mga nakaraang araw.
“Juliet, bumangon ka na riyan at may pasok ka pa!” sigaw ng ina.
Pinilit na lang niyang bumangon sa higaan at padabog na pumasok sa banyo para maligo.
Bago umalis ay iniabot niya sa kanya ng ina ang lunch box niya.
“Tuyo na naman! Wala bang bago?” bulong niya sa sarili.
“Hoy, akala mo hindi ko nababasa iyang nasa isip mo? Hayaan mo, kapag malaki-laki ang kinita ko sa paglalabada ay bibili ako mamaya ng barbecue para sa hapunan,” wika ni Aling Flor.
“Pareho rin naman, inay. Tuyo pa rin ang baon ko ngayong umaga!” nakasimangot niyang sabi.
Habang naglakakad ay napansin niya ang isang matandang babae na tila nahihilo sa daan. Agad niya itong nilapitan.
“Okay lang po ba kayo, lola?” nag-aalalang tanong niya sa matanda.
“Hindi pa kasi ako kumakain, kaya nakaramdam ako ng pagkahilo,” anito.
Pinaupo niya ang matanda sa gilid ng kalsada at iniabot rito ang dalang lunch box.
“Kainin niyo na po iyan, lola, para mawala po ang gutom niyo. Pagpasensyahan niyo na po ang ulam ko, tuyo lang po kasi iyan.”
“Naku, salamat hija. Wala namang problema sa baon mo, paborito ko nga itong tuyo e!” wika ng matanda.
Nakita niya itong sarap na sarap sa pagkain ng baon niyang kanin at tuyo. Inialok rin niya rito ang baon niyang tubig. Nang mabusog na ang matanda ay niyaya siya nito na sumama rito.
“Halika, hija. Sumama ka sa bahay ko. Mabayaran ko man lang ang pagpapakain mo sa akin,” anito.
“Pero may pasok pa po ako sa eskwela e.”
“Huwag kang mag-alala at ako ang bahala sa iyo. Sandali lang naman tayo. Malapit lang ang bahay ko rito. Wala ka ring dapat alalahanin dahil hindi naman ako masamang tao,” paliwanag nito.
Dahil may tiwala naman siya sa matanda ay napilitan siyang sumama sa bahay nito. Pagdating nila roon ay laking gulat niya nang makita ang mala-mansyong bahay ng matandang babae.
Pinaupo siya nito sa malambot na sofa at hinainan ng pagkain. Nanlaki ang mga mata ni Juliet nang makita sa kanyang harapan ang malaking slice ng strawberry cake, fried chicken, pasta at orange juice.
“Dahil pinakain mo ako kanina ay ikaw naman ang papakainin ko,” anito.
“Ang sasarap naman po nito!” mangha niyang sabi.
Matapos siyang pakainin ng matanda ay nagyaya ito na pumunta sa bahay nila para makilala ang kanyang ina.
Labis na ang pagtataka ni Juliet sa ginagawa nito. Pinakain na nga siya nito ay gusto pa nitong pumunta sa kanila. Wala na siyang nagawa nang yayain siya nitong sumakay sa maganda nitong kotse. Naisip niya na may kotse pala ang matanda pero bakit pa mas pinili nitong maglakad kanina sa init ng araw? Humanga rin siya rito dahil kahit na may edad na ay nagawa pa rin nitong makapagmaneho.
Nang makarating sa kanilang bahay ay agad niyang ipinakilala sa ina ang nakilalang matanda.
“Inay, may kasama po ako. Gusto raw po kayong makita!”
Napakunot ang noo ni Aling Flor nang makitang umuwi sa bahay ang anak.
“Aba, bakit ang aga mong umuwing bata ka, tapos na ba ang klase mo?” wika ng ina.
Tumigil lang ito sa pagsasalita nng makita ang kasama ng kanyang anak.
“A-ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?” tanong ni Aling Flor.
“Ikinagagalak kitang makilala, misis! Ako si Ms. Claudia De Guzman, ang may-ari ng eskwelahang pinapasukan ng iyong anak,” bunyag ng matanda.
Nagulat si Juliet sa ibinunyag nito. Hindi niya inakala na ang tinulungan at pinakain niya kanina ay ang may-ari ng kanilang eskwelahan.
“Matagal ko nang sinusubaybayan ang iyong anak. Napapansin ko na palagi siyang tinutukso ng mga kaklase niya dahil sa palaging tuyo ang baon niya. Kaya gusto ko siyang bigyan ng regalo ngunit para mangyari iyon ay kailangan kong magpanggap na nahihilo at nagugutom para matiyak ko na karapat-dapat nga siya sa regalong iyon. At ipinagmamalaki ko na nakapasa siya sa aking pagsubok dahil sa ginawa niyang pagtulong sa akin kanina,” lahad ng matanda.
“I-ibig niyo pong sabihin, nagpapanggap lang po kayo kanina?” gulat na wika ni Juliet.
“Oo, hija, at dahil naipasa mo ang pagsubok ay matatanggap mo ang aking regalo para sa iyo, para sa inyong mag-ina.”
“Ano pong ibig niyong sabihin?”
“Bibigyan kita misis ng puhunan para makapagtayo ka ng negosyo at magkaroon ka ng regular na kita. Para makabili kayo ng mas masarap na pagkain at hindi puro tuyo ang kinakain niyo at binabaon ng iyong anak sa eskwelahan. Ikaw naman hija ay bibigyan ko ng scholarship na magagamit mo hanggang sa kolehiyo.”
Halos maiyak ang mag-ina sa biyayang hatid ng matandang babae.
“Hindi ko po alam ang sasabihin ko, Ma’am. Nakakahiya po sa inyo!” sabi ni Aling Flor.
“Oo nga po Ma’am. Sobra-sobra po ang ibinibigay niyong regalo,” ani Juliet.
“Huwag niyong isipin na regalo lang ang ibinibigay ko, ito ay tulong ko sa inyong mag-ina dahil gaya niyo ay napagdaanan ko rin ang iba’t ibag hirap ng buhay. Araw-araw ay tuyo rin ang baon ko noon sa eskwela kaya nagsikap ako at nagpursige kaya heto ako ngayon, nakakain ko na ang mga pagkaing gusto kong kainin,” anito.
“Maraming salamat po, Ma’am. Palalaguin ko ang perang ibibigay niyo para po sa aming mag-ina,” wika ni Aling Flor.
Kay bilis ng suwerteng dumating sa mag-inang Flor at Juliet sa pagdating ng mapagkawanggawang si Ms. De Guzman. Laking pasasalamat din nila sa TUYO dahil ito ang naging daan upang magbago ang kanilang buhay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!