Inday TrendingInday Trending
Nawalang Parang Bula ang Seaman na Labis na Ikinalungkot ng Kanyang Misis, May Matinding Balita Pala Ito sa Kanyang Pagbabalik

Nawalang Parang Bula ang Seaman na Labis na Ikinalungkot ng Kanyang Misis, May Matinding Balita Pala Ito sa Kanyang Pagbabalik

Bago umalis si George para bumalik sa pagtatrabaho bilang isang seaman ay kinausap niya na muna ang nobyang si Ana upang mamaalam.

“Baby, alam mo na ha? Pag-alis ko, palagi ka pa ring tatawag sa akin. Lagi mong iisipin na ginagawa ko ito para bigyan ka ng magandang buhay. Para na rin makaipon ako ng pampakasal natin,” banggit ng lalaki habang nagpipigil ng iyak.

“Oo mahal, naiintindihan ko. Pipilitin kong tiisin ang siyam na buwan na wala ka kaysa naman patuloy tayong maghirap dito,” paliwanag ng dalaga habang umiiyak. Pagkatapos naman nito ay niyakap ni George si Ana dahil tinatawag na sila ng kanilang boss para maghanda na sa kanyang pag-alis.

“Aalis na ako. Mahal kita Ana, hintayin mo ako ha,” pamamaalam ng binata.

“Mahal din kita, George. Mag-iingat ka,” agad na niyakap ni Ana si George sabay halilk sa mga labi nito. Alam niyang matagal-tagal na panahon muli bago niya muling mararamdaman ang malalambot na labi ng kanyang nobyo.

Makalipas ang tatlong buwan mula nang umalis si George ay walang araw ang mintis nila sa pag-uusap sa Facebook. Lagi nilang pinagkukwentuhan ang mga ginawa ng isa’t-isa kada araw.

“Mahal, palubog na ang araw rito. Kailangan ko nang matulog para may energy na ako para bukas,” sabi ni George sa nobya habang kausap sa telepono.

“Sige mahal, ako rin ay matutulog na dahil inabot na ako ng umaga. Good night, mahal. I love you,” sagot naman ni Ana.

Makalipas ang anim na buwan pagkatapos umalis si George ay nagulat na lamang si Ana sa kanyang paggising dahil wala man lang mensahe galing sa kanyang nobyo. Kaya naman agad niya itong tinawagan, ngunit hindi niya ito ma-contact. Kinabahan na ng husto ang dalaga na agad namang nahalata ng kanyang katrabaho.

“Ana, may problema ba?” nag-aalalang tanong ng kaibigan ni Ana.

“Si George kasi, hindi pa siya nagme-message sa akin. Baka may nangyari nang masama sa kanya,” natatarantang sagot ni Ana.

“Ay sus! Ayon lang pala eh. Grabe ka naman. Baka naman nawalan lang ng signal, o ‘di kaya naman ay may nahanap ng mas maganda sa’yo,” malokong sagot ng kaibigan. Halos mabaliw na sa kakaisip ang dalaga tungkol sa kanyang nobyo pero kailangan pa rin niyang pumasok sa trabaho.

Pagkatapos naman ng trabaho ay agad itong nagpunta sa agency ni George para magtanong ng tungkol sa kinaroroonan ng nobyo.

“Excuse me po. Magtatanong lang po ako. Alam niyo po ba kung nasaan na ang barko na sinasakyan ni George?” tanong ni Ana sa empleyado ng ahensya. Pagtapos nito ay iniabot niya ang ID ni George para mas madaling matunton ang nobyo. Umalis saglit ang kausap ni Ana at pagkabalik nito ay ibinalita niya ang kanyang nakuhang impormasyon.

“Pasensya na po. Sinubukan naming tawagan ang barko na sinasakyan niya pero hindi namin ma-contact. Paki-iwan na lang po ng number niyo para ma-update namin kayo pag natawagan na namin si George,” sabi ng empleyado ng ahensya. Wala nang nagawa si Ana kundi ibigay ang kanyang mga detalye. Umalis ng ahensya si Ana ng malungkot kung kaya naman ay dumeretso na ito pauwi.

Nagdaan ang mga araw at linggo ngunit wala pa ring paramdam si George kay Ana. Si Ana naman ay patuloy pa rin na tinatawagan si George ngunit katulad ng dati ay hindi pa rin niya ito ma-contact.

Pagkatapos ng isang buwan ay nakatanggap na si Ana ng tawag mula sa ahensya na pinagtatrabahuhan ni George kaya naman ay agad itong gumayak at umalis ng trabaho. Pagdating niya ng ahensya ay napansin niyang wala man lang tao sa opisina, tanging ang babaeng nakausap lang niya dati ang naroon.

“Pinapapunta po kayo sa opisina ni sir. Paki-hintay na lang daw po siya doon at may kukunin lang daw siyang tawag,” sabi ng empleyado ng ahensya. Agad na tumuloy si Ana sa opisina ng boss ni George at napansin nga nitong walang tao sa loob. Umupo na lang ito kaharap ang malaking la mesang gawa sa kahoy.

Pagkalipas ng ilang minuto ay tumigil ang mundo ni Ana nang unti-unting lumitaw si George sa ilalim ng lamesa na may hawak na bulaklak at nakaporma pa. Halos dalawang minuto rin silang nagtitigan bago pa man naglakad si George papunta sa kanyang nobyang umiiyak.

“I miss you. Sorry kung ang tagal kong ‘di nagparamdam. May inaayos kasi ako,” sabi ni George habang unti-unti nitong niyakap ang nobya.

“Bakit hindi ka nagparamdam? Pinag-alala mo ako ng sobra, alam mo ba yun?” naiiyak na sabi ni Ana habang palambing na hinahampas ang nobyo sa dibdib nito.

“Anim na buwan lang ‘yong kinuha ko na kontrata sa barko. Halos isang buwan na akong nandito sa ‘Pinas. Nakiusap ako sa opisina na ‘wag sabihin sa’yo para masorpresa kita,” pagkatapos itong sabihin ni George ay dahan-dahan itong lumuhod sa harapan ni Ana.

“Wala na akong ibang hahanapin pa, ikaw lang ang sinisigaw ng puso’t isip ko. Mahal na mahal kita. Will you marry me, Ana?”

Gulat na gulat ang dalaga sa kanyang narinig ngunit wala pang isang segundo ay agad nitong sinagot ang kanyang nobyo.

“Yes, payag ako. Oo! Oo, George, pakakasalan kita!”

Matapos nga ang dalawang buwang paghahanda ay nairaos ang kasal ng dalawa. Nagpatuloy pa rin sa pagiging seaman ang lalaki, ngunit pangako niya ngayon sa kanyang asawa’y hinding-hindi na niya ito pakakabahin at pag-aalalahanin. Pangako naman ni Ana na buong puso niyang pagkakatiwalaan ang asawa, at magiging mabuting ina siya sa sanggol na dalawang buwan na niyang ipinagbubuntis.

Advertisement